Sunday, September 10, 2006

Muling na-scam ng P3.3 bilyon plus ang Gov't sa PIATCO controversy

Tayo na naman ang papasan sa P3.3 bilyong ibabayad ng gubyerno sa PIATCO, sa kumpanyang aleman Fraport AG at Takenaka (gumawa ng NAIA Terminal 3). Nai-lift ng Court of Appeal (CA) ang TRO hinggil sa kabayarang compensation ng gubyerno sa PIATCO, meaning TALO ang Malakanyang (o sadyang nagpatalo?) at naabswelto ang PIATCO sa KASO! Habang nagsasaya't natutuwa si Ate Glo, nagluluksa't nagdadalamhati naman si Mang Pandoy, Aling Amelita at si Mang Juan!

Hindi na nag-iisip, PRANING na't NABUBUANG na ang mga matataas na opisyal ng PALASYO at gubyerno! Kung sa bagay, kahit sinong magaling ang lumagay sa kanilang katayuan (taong Malakanyang), napapa-inutil, napapariwara't nagiging mga tanga't gago.

Sa loob ng burukrasya, nawawalan ka ng opsyon, nabubura ang mga pagsisikap, inobasyon, imahinasyon mo (matataas na opisyal) at nagiging isa kang bulag na masunuring bata. Nawawala sa lugar ang kabayanihan lalo na kung may masasagasaan sa taas o ika'y malapit sa kawali ng palasyo. Padri-padrino, talangka mentality at kung hindi ka makikiisa sa malaking agos ng katiwalian, ikaw pa ang lalabas na walang pakisama, gago, tanga at walang dudang tigpas ang ulo mo. Ito ang burukrasya sa ilalim ng nanlulumong 'strong republic."

Headline kahapon sa mga pahayagan ang P3.3 bilyon ibabayad ng gubyerno sa PIATCO! Ang sad and lonely rito, maliban sa P3.3 bilyon ibabayad sa PIATO, ang gumawa ng NAIA 3 Airport, mayroon pa itong succeeding installments (inililihim) na nagkakahalaga ng $565.0 million (P33.0 bilyon) kabayaran. Bukud sa natalo ang gubyerno sa kaso, may COVER-UP pa sa TOTOONG halagang babayaran dito!

Dahil sa compensation sa expropriation ng NAIA Terminal 3, papasanin na naman ng mamamayang Pilipino sa anyo ng buwis at mataas na bayad ng Terminal Fees! Hindi lang ito, may hiwalay na babayarang din ang gubyerno sa halagang $425 milion sa FRAPORT Germany at sa Takenaka (isang kontratistang Aleman at Hapon na kasamang gumawa ng NAIA 3) na $80.0 million .

Kung hindi tayo namamali, lumalabas na mahigit $1.0 bilyong (P50.0 bilyon) ang lahat ng bayarin sa expropriation ng NAIA 3 Terminal. Ang asar pa dito, mahinang kalidad ang pagkakagawa nito kaya nga bumigay ang bubungan ng Airport, hindi pa lubusang tapos ang NAIA 3, mangangailangan pa ito ng panibagong halagang $100.0 million para makompleto ang paggawa nito.

Sa totoo lang, batay sa mga abogado at PIATCO, ang aktwal na halaga (total cost) at nagastos sa pagpapaggawa ng NAIA Terminal 3 ay $175.0 million LAMANG, kumpara sa ngayong inaasahang $1.0 bilyong lomobong babayaran ng gubyerno. Sana pala ang gubyerno na lamang ang gumawa ng terminal. Kung sino man ang in-charge sa Malakanyang sa PIATCO controversy, bukud sa tanga, naloko, involved sa anomalya. Can you imagine, mula sa $175.0 milyon, dahil sa hindi nag-iisip at kabobohan, lomobo't naging mahigit $1.0 billion?

Kung tutuusin, ang halagang ito ay maaring KATUMBAS NG MAHIGIT dalawang (2) high- tech, malalaki at modernong airport, isang MRT at dalawang (2) malaking hospital ng bayan. Sayang! Ang Malakanyang ang malinaw na manangot sa KARUMALDUMAL na KRIMENG ito.

Kung matatandaan, tatlong presidente (FVR, Erap Estrada at GMA) ang pinagdaan ng maanomalyang kontrata sa PIATCO. Dineklarang null and void ng Supreme Court at iba pang mga pinagdaanang legal na usapin ang nasabing kontrata. Una; nilabag nito ang batas sa patakarang majority Pilipino share na 51%, pangalawa; nirevised, hindi nasunod ang mga orihinal na kontrata (isang subway connecting NAIA 2) at bidding, pangatlo; ang kaguluhan, kiskisan sa mga involved at humawak ng proyekto-kontrata at panghuli, ang katiwalian, dilhensya, ang sabwatan at pangungurakot ng ilang ma-impluwensyang (Unang Ginoo at tanging Esposong si Mike Arroyo?) tao sa Malakanyang.

Dapat pinag-aralan ng gubyerno ang track rekord at kakayahan ng mga kontratista sa bidding o subastahan. Shocking, tubong lugaw, laway ang puhunan! Can you imagine na $14.0 million lamang ang CAPITAL na nailagay ng pamilyang Cheng Bon Yong (may-ari) sa Piatco? Sa bidding process pa lamang, nakapambulsa, nakatabo na antimano ang mga dorobo ng Malakanyang.

Isa pang nakakapanglumo, bakit ie-expropriate ng gubyerno ang isang property (NAIA 3) na kanya naman? Bakit ie-expropriate niya ang kanyang sarili?

Maliban sa terminal fees, ano ang mayroon sa bagong terminal airport na ito at atat na atat itong i-compensate ang PIATCO bilang expropriation compensation? Bakit hindi na lang hinayaan sa PIATCO ang pangangasiwa, pag-ooperate at kontrol sa NAIA 3 Terminal airport at (batay sa BOT frame) hintayin na lamang ang panahon na i-turn over, ihatag na sa gubyerno ang terminal? Akala natin seryoso ang gubyerno sa PRIVATIZATION, dito lang pala sa airport, kita mo ang paglalaway at pagiging GANID ng dorobo sa gubyerno.

In the first place, ni cinco ay wala dapat ibayad ang Malakanyang, dahil nga isa itong BOT projects (built-operate-transfer), malinaw ang batas hinggil sa BOT. Sa konsepto't katangian ng BOT, ang project builder ang aako ng lahat ng gastusin, ang construction cost at upang marecover nito ang kanyang ginastos, tutubo't kikita ito ng malaki sa pagpapatakbo ng terminal at sa takdang panahon mag-expire ang kontrata, saka pa lamang ito itra-transfer, ipapasa, itu-turn over sa gubyerno.

Iligal ang nasabing pagbabayad! Kung saka-sakaling sang-ayunan, ituloy pa rin ng gubyerno ang pagbabayad, maaring (sa tamang panahon) maisakdal sa korte sa kasong plunder at pakikipagsabwatan si Ate Glo, bilang commander-in-chief at presidente, ito ang babala ng ilang mga expertong abugado na nagsubaybay ng kaso ng PIATCO.

Paulit-ulit na lang ito (Bataan NuclearPower Plant, IPPs, MRT, Macapagal Highway, Mega Pacific Consortium, mga balaking privatization ng NAPOCOR, Transco, PNCC, iba pang mega projects), hindi na natuto ang gubyerno. Isa na naman ito sa mahabang listahang pangungurakot na madalas bukang bibig at pulutanin ng oposisyon laban kay Ate Glo.

Ang nakakatawa rito, parang pinagmamalaki pa ng gubyerno ang naging KATANGAHAN nito. Parang tuwang-tuwang inireport kay Ate Glo ni Exec Sec Eduardo Ermita at Sol General Antonio Natchura ang nasabing desisyon ng Court of Appeal.

Gusto pang palabasing nagtagumpay ang Malakanyang sa nasabing usapin. Sa katunayan, lalapag (NAIA Terminal 3) ang eroplanong sasakyan ni GMA mula sa siyam na araw na biyahe at 5 bansa sa Europa, Cuba at Hawaii. Malamang na pasinayaan, may ribbon cutting at hindi lang yan, muling magpopropagandang "natapos rin ang isyu at sa wakas ang bayan ang makikinabang at nagtagumpay".

Kabisado na natin ang spin doc ni Ate Glo, ipropropa na naman niyang, "isa na namang makasaysayang yugto sa country ang take over, big boost ito sa ekonomyang (turismo) patuloy na umuunlad at isa itong palatandaang bumubuti na ang serbisyo publiko at kumpyansang dayuhang mga mamumuhunan?" True?

Dito dapat ipinakita ng gubyerno na hindi totoong ikalawa tayo sa ASIA sa pangungurakot. Nagpakita sana ito ng paninindigang kontra sindikato't anomalya, maipakulong ang dapat mpakulong, walang sini-sino, puru't dalisay- transparency, hindi alintana kahit pa maulit ang sinasabing “white elephant” projects (BNPP), kahit mapahiya't laitin, nagpapakumbaba, handang tumanggap ng mali, manindigan sa mga pandaigdigang namumuhunan na dito sa Pilipinas, walang lugar ang suhulan, dilhensya at katiwalian!


Doy Cinco / IPD
September 9, 2007

No comments: