Kung sa bagay, hindi na ito balita. Hindi rin balita na matagal ng nakasalang, preperado't naka-abang ang Resolution 123o sa Tongreso. Ang balita ay kung nanaig ang oposisyon laban (resolution 123o) sa mayorya sa Tongreso kahapon.
Kung matatandaan, nalagay sa alanganin ang Pipol Inisyatib ni Gloria (PIG) nang maghugas, "ibasura" ito sa COMELEC at ipasa ang kahihinatnan nito sa Supreme Court. Kung matatandaan din, buong galak at tuwang i-anunsyo ng Kampi ni Ate Glo na si Tong Tanda Villafuerte na nakuha na raw nila ang sapat na bilang na 198 o 3/4 vote sa kabuuan, (batay ito sa isinasaad ng Article 17, Section 1 ng 1987 Constitution) upang itulak at maiconvene sa paraang CON Ashole (resolution 123o) ang pagbabago ng Konstitusyon (chacha).
Fake man ito (dinuktor man o psywar) ayon kay Rep Riza Hontiveros Baraquel ng Akbayan, ang totoo hindi kataka-takang dadami, magpapatuloy ang paghuhudas sa Tongreso lalu na sa hanay ng oposisyon. Kasalukuyang dumadanas ng matinding krisis at paksyunalismo ang minorya habang papalapit ang 2007 election.
Inaasahan na ring marami ang maghuhudas sa Tongreso, sabi nga ni Sec. Ninyo Bonito Mike Defensor, “bakit namin kayo bibigyan ng pondo (pork barrel), in the first place hindi n'yo nire-recognized ang Presidente, in the second place, gusto n'yong i-oust ang Presidente,” sa madali't salita, MONEY TALKs!
Mas mainam sana kung may idinagdag pang panghuli,"hindi naman kayo mga Pilipino, mga terorista kayo!" Sa cardinal-survival ruling ng isang politiko; ano ang mangyayari sa kaka-prinsipyo mo kung mabubura ka naman sa 2007?" Para sa kanila, kalokohan ang ugung-ugung na NO-EL, dahil pagbali-baligtarin man ang sitwasyon, status quo at pagbabago ng gubyerno, tuluy na tuluy ang halakan sa 2007!
I-abolished na ang Tongreso!
Ayon kay Villafuerte, ang mga naghunyango at pumirma ng con-ass resolution 123o ay sina Rep. Edgardo Angara Jr. (LDP, Aurora) Justin Chipeco (NP, Laguna), Florencio Noel (PL, An Waray) at Benjamin Agarao (Ind., Laguna) also signed the con-ass resolution. Tama si Tainga't Kilay De Venecia at Nograles nung sabihin nitong sa buwan ng Agosto ay tuluy na ang biyahe ng tren, ang kampanyahan, ang bonggahan at sayawang chacha sa Tongreso.
Muling pinatunayan kahapon kung paano KINUYOG, pinaglaruan ng mayorya ang minorya. Sa score na 30 – 7, ipinasa ng Komiteng (Constitutional Ammendment) pinamumugaran ng mga tuta't garapata ni Ate Glo at Tainga ang House Resolution 123o. Alisin natin ang zero, na 1 2 3 na naman ang oposisyon.
Sa resolutiong 123o, magkakaroon ng Con As at kikilalanin ang joint voting sa Tongreso. Ibig sabihin, unicameral na. Magkasama ang Senado at Tongreso sa mga labanan, sa mga buladas, sa mga diskurso't mga botohan sa ilalim ng Con As. Kung mangyayari ito, mauulit lamang ang walang kalatuy-latuy na bali-taktakang tampisaw na debate nuong impeachment 1 at 2 kung saan pinaglaruang parang bata ang oposisyon. Muling kukuyugin nito ang labanan, bukud pa sa nasunod ang plano't balakin nitong malusaw na nga ang Senado ng mga Baboy sa Tongreso.
Maliban sa walang enabling law, BICAMERAL pa rin ang ating lehislatura at gawa-gawa lamang ng mga alipores ni Ate Glo't Tainga ang joint session kuno. Malinaw pa sa kristal ng Konstitusyon na dapat “magkahiwalay na pagbobotohan ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang Con As. Meaning, kung may labanan at botohan sa Tongreso, may hiwalay na labanan at botohan din sa Senado, ito ang isinasaad ng ating Konstitusyon, ani ni Sen Nene Pimentel. Kung sa bagay, kailan pa sinunod at tumalima (tiranny of numbers) ang mga baboy sa Tongreso?
Mas kapani-paniwala pang brabrasuhin ng mga maka-Chacha sa Tongreso ang Con As,(kahit pa ang PI) kahit walang partisipasyon ang Senado. Ayon sa ilang nagmamasid, isang bahagi sa estrehiya ng Malakanyang (scripted) ang naging desisyong i-reject ng Comelec ang PI upang sa gayon maitulak agad ito sa SC na siya namang mag-aapruba't mag-aaphold ng interpretation tungo sa Con As. Kung magkatotoo ito, magkasama sa banig ang Senado at Tongreso, jointly voting para sa Cha cha sa paraang Con As.
Lutung makoy ang tirada. “Pakunwaring padadamahin ang oposisyon, itatapon sa basurahan ang Pipol Inisyatib (PI) ng Supreme Court, pero mas deadly ang kapalit, ang ikalawang option na Con As ang siya namang kakatigan.”
Bagamat kumpiyansa si Pimentel na mananaig ang katwiran at katarungan sa magiging desisyon ng Korte Suprema, may ilan kinakabhan, nagdududa't may agam-agam na muling ma wa-one two three na naman ule ang oposisyon ng Malakanyang. Matatandaang mayorya ng mga mahistrado sa SC ay mga appointee't itinalaga ni Ate Glo.
Tutal babuyan na, ginagago't ginagamit lamang pandekorasyon ang oposisyon, mas maganda pa sigurong magsipag-aklas, lisanin na ang lahat ng minorya ang Tongreso, baka palakpakan pa sila ng country. Walang na tayong mahihitang katinuan sa Tongreso. Isa na siyang IRRELEVANT, USELESS, nakakahiya't wala ng layunin o purpose para sa country.
Hindi na siya maituturing na independent entity. Isa na itong rubber stamp ng ehekutibo, ng Malakanyang. Isang kapulungang maihahalintulad sa partidong Kilusang Bagong Lipunan (KBL) ni Marcos na nagmanipula sa Batasang Pambansa may tatlumpu't (20) taon na ang nakalipas.
Sapagkat kambal tuko ito ng Batasang Pambansa-KBL, walang nabago sa takbo ng politika. Napalitan lamang ng bagong PADRINO at mga bagong mukhang patron. Si Ate Glo, Kilay-Tainga, Tabako ang siya ngayong bagong Lola't Lolo ng mga patron sa lagay ng politika sa bansa.
Sa kabuuan, masasabi nating mga hindi tunay, isang fakeng kinatawan ang kalakhang bumibilang sa Tongreso. Nanalo dahil sa kahinaan ng Comelec at kabulukan ng sistemang elektoral, nanalo dahil sa Kasal, Binyag, Libing (KBL), nangdaya, dinaan sa logistic, laki ng makinarya at pamimili ng boto. Ang Tongreso at ang kapanalig nito sa Malakanyang ang siyang tunay na mga kriminal sa bansa. Nakinabang, taumabo, naglustay at nangurakot sa kabang yaman ng bansa sa pamamagitan ng mga suhol, lagay, komisyon (20-50%), dilhensya sa anyo ng pork barrel at sa mga paboritong proyektong inprastruktura.
Hindi ang Senado ang siyang dapat na malusaw, buwagin at mai-abolished, bagkus ang Tongreso. ANg Tongreso ang tunay na walang silbe at nagpahirap sa mamamayang Pinoy.
Kung ako kay Ate Glo at ni Tainga, kung may balak itong gumawa ng kasaysayan, itulak nila ang ConCon at isabay sa 2007 election.
Ang isang malaking tanong ngayon, isang malaking hamon ngayon ay kung handa ang ating mga sarili, kung handa ang Kilusang Demokratiko, kung handa ang kilusang Kaliwa kung saka-sakaling mag-swing sa ConCon ang labanan. Ano ang magiging posisyon ng STOP Cha-cha, ng ONE VoICE, ng simbahan, ng civil society at higit sa lahat ng Akbayan at Laban ng Masa?
Doy Cinco / IPD
September 5, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment