Tuesday, January 01, 2008

Isang daang kwitis para sa 2008 (isang TULA)

ni Doy Cinco
Enero 1, 2008

Mahigit dalawang dekadang gawi ang salubungin ng isangdaang kwitis ang bagong taong parating. Sa kabila ng matinding kampanya ng mga kinaukulan, radio, TV, dyaryo at pati simbahan.
Mga tao, sadyang 'di alintana ang nasabing pananakot at panawagan.
Inihanda ang buong ahensya, pasilidad at mga hospital. Pati ang magbabasura ay tila nakakasa sa anumang gabundok na basurang aantabayanan.
Pagkagising sa umaga'y bakas ang kalat sa buong kapaligiran, zero casualty ng lokal na gubyerno ay sadyang mahirap maisakatuparan.

Ilang daang taong tradisyon pinangunahan ng ating mga ninuno, minana pa sa mga dayuhan. Ang talamak ang paniwalang pagbulabog raw ito sa masasamang ispirito't kababalaghan.
Daan libong milyong piso ang kinita sa negosyo ng paputok, kasama ang kikilan ng kapulisan.
Sa tingin ng iba'y usapin lang ito ng may “pera at walang pera, ang magsaya at magmumukmuk, ang magyabang at tumamimi, ang galante at kuripot, ang mapapel na dapat kilalanin.”

Isang daang kwitis para sa 2008 ang pinakawalan para sa isang daang pulitikong kawatan sa Kamara, lokal na gubyerno at Malakanyang.
Nauwi sa bulsa ang isang daang bilyong pisong Pork barrel, kawalan para sa kabang yaman.

Ang kapal ng mukhang sabihing “sila raw ay hinalal ng bayan at mga
kinatawan,” ngunit ang katotohana'y
“isang daang bilyong pisong political machineries dagdag-bawas-operador sa Comelec, private armies, vote buying, political clan at Kasal Binyag Libing, “ ang tunay na dahilan.
Sila ang nangulimbat ng mahigit isang daang bilyong piso. Katumbas ng isang-daang Mega Projects na dapat naisakatuparan, isang milyong patrabaho para sa ating kapus palad na kababayan.

Mga ahensyang inutil at hindi gumagalaw, mga teacher, empleyado ay tahasang pinabayaan, mga bilihin, langis, tubig at kuryente ay nagtaasan.
Isang daang libong mga bata sa lansangan, sa murang idad ikinakalakal at pinagsasamantalahan, kapiling ang isangdaan taong grasang natutulog sa lansangan.
Isangdaang libong krimeng taun-taon ang hindi nasusulusyunan, weteng, smuggling, illegal logging at prostitusyon ay napapakinabangan.

Isandaang mga journalist, isangdaang aktibista ang naidagdag sa
extra-judicial killings na walang mga katugunan. Patuloy ang digmaan at kaguluhaan, usaping pangkapayapaan parehong nagdududahan.

Daan bilyong dolyar ang ipinasok ng ating mga kababayanan sa
ibayong dagat namamasukan,
nasa balag ng alanganin, biktima ng rasismong kalakaran.
Nagpapatuloy ang alsa balutan at migration ng ating mga kababayan, dahil sa
kawalang oportunidad, empleyo at magandang kapalaran.
Resulta'y daan-daang libong pamilya ang nagkawatak-watak at
nagkahiwalayan.


Isang daang bilyong pisong puhunan ipinasok ng mga Intsik, Hapon at
Amerikano, kickback at komisyon para sa isangdaang pulitiko't kasabwat ang palasyo.

Tatangkaing baguhin ang sistema ng paggugubyerno, mula presidential tungong parliamentaryo, maganda sana kung sila mismo ang maglalaho.
Iaakma raw sa hamon ng panahon, globalisasyon at extension ng term
limits ang tunay na pakay
ng pulitiko't elitismo.

Kasabay ang maagang paghahanda ng mga presidentiables para sa 2010, pamumulitika, pondo, makinarya at partido,patuloy na pinag-iibayo.
Reporma sa pulitika at halalan, tiyakang mabubulilyaso.

Dilubyo ng political clan, dinastiya at padri-padrino, may isang daang taong sila-sila na lamang ang naiu-upo sa pwesto.
2010 presidential election, tulad sa Pakistan, demokrasya ay tiyakang masasalaula at makakalaboso.

Isang daang libong sasakyan ang natatrapik sa lansangan. Kulang sa daan, sasakyan nadaragdagan, mistulang parking lot ang Kamaynilaan. Isang daang milyong piso ang katumbas na nasasayang, isang daang toneladang gasolina't krudo ang naiwawasiwas bilang polusyon sa kapaligiran.
Isang daang libong iskwater, sa ilalim ng tulay at vendor ang sa pilitang buburahin sa larawan. Bayani Fernando at ang Malakanyang ang tunay na salarin at may kagagawan.
Ang ipinangangalandakang MRT 5 at 7, ang extension ng MRT 3, LRT 1 ay hinihintay ng taongbayan.
Nasaan ang daang libong yunit na medium rise building na murang pabahay para sa mamamayan at suportang agapay para sa kanayunan.
Pilipinas, sa Asia ay tuluyan ng napag-iiwanan


Isang daang bilyong pisong ipinambabayad lamang sa interest, ng imoral na trilyong pisong utang panlabas na hindi pinakinabangan.
Pati ang palitang piso sa dolyar sa general appropriation ay
pinagkakakitaan.

Imoral na Automatic appropriation ni Marcos, ang karumal-dumal na krimeng pinaiiral hanggang sa kasalukuyan.
Isang daang patak ng laway na “umuunlad raw ang ekonomya ng bayan.”
Dahil daw sa stock market, paglakas ng Piso, husay ng pananalapi
at dayuhang puhunan.


Isang daang propaganda at kasinungalingan, destabilization ng Abu Sayaff, JI, Magdalo, CPP-NPA, oposisyon at kritiko'y ang tunay raw na kalaban at may kagagawan.
Sa loob daw ng dalawang taon, sa isang "state of emergency" mawawala sa mapa raw ang insureksyon at aklasan.
Isang lame duck, sitting duck ay pawang wala raw katotohanan, under control daw ni Ate Glo ang kalakaran.
Kung 'di raw magbitiw, pwersahang aalisin, ng kanyang mga alipores sa Malakanyang magsisirkuhan.

Withdrawal of support ng isang daang opisyal ng militar kasama ang isang daang libong mga leader ng civil society, simbahan at kilusang mamamayan.
Magkatotoo kaya, isangdaang kwitis para sa bago at aktibistang pamahalaan.

No comments: