Marami sa atin ang namangha sa “command votes" at local machinery na pinausong termino ng mga operador at electoral tacticians ng administrasyon. Bagamat nakakatulong sa kung paano imaneho at istrategized ang kampanya, marami ang 'di nakakaunawa sa kahalagahan at importansya ng nasabing tools at classification ng electoral campaign technology. Kaya lang, kalakhan ng kandidato ang umaasa't nakatali na lamang sa makalumang pamamaraan pamimili (vote buying), paggamit ng pera, lakas, pwersa at impluwensya sa eleksyon.
Sa probinsya ng La Union kung saan may tatlong araw (May 8-10) rin akong nag-obserba't nagbigay ng vote protection - Poll Watching training, halatang kinapos at may kulang sa kahandaan, lohistika't enerhiya na ng mga organisador ng isang partidong kaalyado't hawak din ng Malakanyang. Parehong nasa panig ng administrasyon ang naglaban, ang Lakas na si Manoling Ortega, ang dating 1st District representative at ang KAMPI bet na si Tomas Dumpit, ang dating 2nd District representative ng La Union. Dahil kapwa nasa administration, hindi garantiya ito upang patnubayan ganap ng national politics ang local politics . Kapansin-pansin ang diin sa sarling laban para sa pagkagobernador kaysa sa labanang senatoriable election sa nasyunal.
Local machinery
Sapagkat parang GERA ang pulitika sa lokal, walang natatalo at pawang nadadaya lamang. Aabot na sa 120 ang namatay at ito na ang pinakamadugong election sa loob ng sampung taon (10 years, since1998). Ito rin ang pinakamagastos, pinaka-highly militarized at pinakamadaya sa kasaysayan ng electoral politics sa Pilipinas.
Sa local na larangan, ang bahay ng kandidato ang kadalasan campaign HQ, meetingan ng organisasyon, kainan at lunsaran ng mga pagsasanay sa poll watching. Dito rin nakatambak ang bode-bodegang mga campaign parapenalya, tulad ng poster, pulyeto, tarpuline, computerized voter's list at sample ballot sa senatoriable na galing pa sa nasyunal.
Ang local machinery at vote delivery ang madalas na ipinagmmalaki ni Sec Ermita, Gabby Claudio, Puno, Ed Roquero, Arthur Albano at Evardone, sa kabilang banda, hindi naman nito pina-factor-in ang makinarya ng sambayanang Pilipinong disgusto sa kasalukuyang kabulukan ng sistema pulitika at paggugubyerno. Hindi nakita ng anim na alipores ni Ate Glo ang makinarya ng partisipasyon at mobilisasyon ng mamamayan, civil society, mass media, simbahan, global citizen at aktibong mamamayang uhaw na sa pagbabago at handang magmalasakit, magbantay at maki-alam para sa isang marangal, parehas, malinis, may kredibilidad at kapani-paniwalang proseso ng ehersisyong pulitikal.
Batay sa mga pahayag ng anim na propagandista ng Malakanyang, "ang lakas ng local machinery ang siyang magpapasya't maghahari raw sa Mayo 14.” Tulad nuong 2004 election, muling hahawakan raw ang Cebu, ang kabuuang Visaya at Mindanao. Ayon sa anim, 70% ng 10 milyong botante sa Mindanao o pitong milyon (7.0 milyon) ay mapapasa-kamay raw ng administrasyon. Ayon kay Cong Puentebella at Tony Cuenco, makokopong ng administrasyon ang botante ng Cebu (2.0 milyon) at Negros Occidental (1.4 milyon). Sinusugan pa ito ni Mayor Tomas Osmena ng sabihin "dahil daw ito sa generousity ng mga Cebuano, mayorya ng TU candidates ang mananalo."
Nagyabang din si Cong Ed Roquero ng Lakas-NUCD na ang grand koalisyon (Team Unity) ang magwawagi sa Isabela, Palawan, Nueva Ecija at Sorsogon. Ang katawa-tawa, baka sa sariling lugar, sa lunsod ng San Jose del Monte, Bulacan ay matalo ang Roquero sa pagka Mayor. Ipinagmalaki ng anim na mayroon silang 79 sa 81 na governatorial post at 199 sa 219 administration coalition candidates sa District Rep sa buong bansa ang siguradong panalo. Idinagdag pa na mayroong 93% ng kabuuang nagpapanakbuhan sa city at municipal candidates ay nasa administrasyon.
Nilinaw naman ni Sec Gabby Claudio na 70% ng 18,000 local position ay hawak ng administrasyon. Kaya't ang suma, ayon kay Sec Ed Ermita, "nasa kanila ang machinery at command votes na siyang ikapapanalo raw ng administrasyon."
Tulad ng KAMPI sa La Union, inaasahang mapaparalisa ang vote delivery ng local machinery at command votes ng administrasyon. Bunsod ito sa matinding kiskisan, malalim na sigalot, agawan at tunggalian sa loob ng dalawang partidong may gustong kumontrol at humawak sa natitirang bilyong pisong budget para sa “vote protection at special operation-dirty tricks ng administrasyon.”
Dahil sa tindi ng kompetisyon ng mga angkan sa lokal (political clan), bumara ang command structure ng "super machinery" ng grand coalition na siyang dapat tumugon sa “kodigo pinal ng administrasyon.” Mas umiral ang kanya-kanya at "survival instinct." Kung naperfect ang teknolohiya ng dayaan at kakayahan ng local machinery nuon 2004 election, mukhang nag-iba ang konteksto sa 2007 mid term election. Mas umiral ang talamak ang trayduran, junkingan at pagcollapse ng inaasahang vote delivery para sa TU senatoriable candidates.
Mahihirapang baligtarin ang malaking kalamangan tinatasa ng oposisyon sa senatoriable race. Maaring gawin ng administrasyon sa maximum ay piliting ineutralisa ang latag hanggang makatabla sa score na 6 : 6 . Ang pinaka-worse senaryo ay tambakan sila ng oposisyon (9 : 2 : 1). May kalabuang muling maulit ang malaking kalamangan tinamasa nito sa Visaya, sa lunsod ng Iloilo, Bacolod at lalo na sa ipinagyayabang balwarte ng administrasyon sa Cebu, Samar at Tacloban. May kabuuang 8.9 milyong botante ang Visayas, 4.5 milyon sa Northern Luzon at ilang bahagi ng Mindanao, tulad ng ARMM na may 1.0 milyon boto.
Mahirap paniwalaang makokopong ng TU-senatoriable candidates ang mahigit kumulang na 79 na bilang na governatorial race position. Hindi ito nakasisigurong mamamanipula ang kabuuang 70% ng mahigit 18,000 local position sa bansa. Hindi awtomatiko ang vote delivery patungo sa taas. Mas iba ang dynamics ng vote conversion at delivery sa lokal kung ikukumpara sa nasyunal. Kung mayroon mang local machinery at vote delivery ang administrasyon, tinatantyang hanggang 5-10% lamang ang posibleng effectivity nito sa kabuuan. Kalakhan ng botante (60-75%) sa lokal ay "market votes o undecided" at nananatiling hindi sakop sa tinatawag na command votes at local machinery ng anumang partido.
Inaasahang latag at resulta
Inaasahang nasa 12 – 13.0 milyon boto ang “winning votes” ng panglabing 12 at nasa 19-22.0 milyon boto ang tantyang makukuha ng numero uno o mangunguna sa magic 12. Inaasahan ding lima hanggang isang daang libong boto ang diperensyang (5,000 – 100,000) mamamagitan sa pangwalo hanggang panglabing dalawang (8th - 12th place) posisyon sa magic 12.
Saan manggagaling ang 7 : 3 : 2 hanggang 9 : 2 : 1 pabor sa oposisyon? Ayon sa sunud-sunod na resulta ng SWS at Pulse Asia, nanatiling oposisyon ang malaking bahagi ng populasyon sa bansa, lalo na ang Metro Manila, Southern Tagalog, Central Luzon at ilang bahagi ng urban voting population ng Visayas at Mindanao.
Ipagpalagay na 80% ang voter's turn out sa Mayo 14, lalabas na 36.0 milyon lamang ang boboto sa Mayo 14 kumpara sa kabuuang 45.0 milyon rehistradong botante ng Pilipinas. Kung makukuha ng oposisyon ang mahigit 80% boto o ang 9 : 2 : 1 (oposisyon-Independent at administrasyon) sa lugar na tinatwag na “Vote corridor,” ang Dagupan, Pangasinan sa Hilaga hanggang Lucena, Quezon sa Timog, ang bumubuo ng mahigit 40 % ng kabuuang botante sa Pilipinas, tapos na at pinagpasyahan na ng “kritikal na mamamayan” ang eleksyon.
Ang Pangsinan na may 1.3 milyon boto, ang Central Luzon na may 5.0 milyon, ang Southern Tagalog na may 6.0 milyon at ang Metro Manila na may kabuuang 5.7 milyon boto, ang suma total, mahigit kumulang na 18.0 milyong boto o 14.4 milyon boto (80% voter's turn out). Nangangahulugan na 11.5 milyon boto ng katumbas na 80% na makokopong ng oposisyon. Hindi pa rito kasali ang Visayas at Mindanao votes kung saan, paparte pa ng ilang porsiento ang oposisyon. Kulang na lamang ng isang milyon boto upang ipasok ang 12 kandidato ng oposisyon. Pagnagkataon, 9 : 2 : 1 sa panig ng oposisyon, Independent at administrasyon at ang masaya, malamang makasama si Trillanes sa pang labing dalawa (12th place).
Sakali mang maka-apat ang administrasyon sa magic 12 o sa senaryong 6 : 4 : 2 (oposisyon, administrasyon at administrasyon), maaring naging tama ang estima ng anim na operador ng Malakanyang. Meaning, nagdeliver nga ng boto ang local machinery ng administrasyon. Kasama na rin dito ang 5.0-10 % "fraudelent at dis-enfranchisement operation at TRAPO votes" o katumbas na 12.2 milyon plus 2.0 hanggang 3.0 milyong boto para sa administrasyon. Ang suma, 14 – 15.0 milyon boto para sa apat na Team Unity senatoriable tiket na papasok sa pangwalo hanggang panglabindalawa (8th - 12th place).
Ibig sabihin, 50% boto sa kabuuang 17.6 milyon (80% turn out) ang maidedeliver na boto ng local machinery sa Northern Luzon, Visayas at Mindanao, meaning 8.8 milyong boto. Idagdag pa ang 20% vote delivery ng local machinery sa Central Luzon, Metro Manila at Southern Tagalog o pinagsamang botong bilang na 3.4 milyong boto sa kabuuang bilang na 17.0 milyon.
Kung makukuha ang 6 : 4 : 2 sa panig ng administrasyon, aasahang lulubha ang pampulitikang krisis na tinatamasa sa kasalukuyan. Inaasahang mas lalala pa ang krisis na kahihinatnan ng bansa matapos ang “hello garci” controversy at isyu ng illegitimacy ng pangulo. Walang dudang magkakagulo o magkakaroon ng halo-halong kalamay na kaguluhang pulitikal sa bansa.
Para kay Ate Glo, gagamitin nito ang 6 : 4 : 2 upang muling ibunyag at ipagmalaki sa bansa't maging sa buong mundo na may MANDATO at legal siyang pangulo ng Pilipinas. Maaring magdiklara ng Martial Law o manawagan ng reconcilliation sa mga oposisyon at kastiguhin ang mga extremistang Kaliwa at Kanan na nagpaplano ng destabilization, tulad ng KUDETA, armadong insureksyon at pipol power.
Anuman ang conjuncture at political scenario na maaring maganap matapos ang election sa Mayo, matalo man o manalo ang oposisyon, itutuloy ang pagpaptalsik sa iligal na nakaupong pangulo sa Malakanyang. Kaya lang, nasa mamamayan pa rin ang pagpapasya, pakikibaka, pagkilos at makakpagpabago ng sistemang pulitika, halalan at paggugubyerno sa bansa. Nasa lakas ng mamamayan pa rin ang makakapagpatalsik kay Ate Glo sa poder ng kapangyarihan.
Doy Cinco / IPD
May 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment