Habang papalapit ang Mayo 14, lumalabas ang tunay na intensyon, pagkatao at pagkatalo ni Pacquiao-the people's champ sa nalalapit na election. Bukud sa ginagamit sa pansariling kapakanan ng Malakanyang, wala itong seryosong layuning upang palakasin ang institusyon ng Lehislatura sa bansa, paglingkuran ang constituency at kaunlaran ng Unang Distrito ng South Cotobato.
Ni minsan ay hindi itinanggi o ipinagkaila ni Pacquiao na malapit siya sa pamilyang Macapagal Arroyo, sa kanyang alipores at sa pamunuan ng PAGCOR kung saan nabigyan pa nga ito ng prankisa na maging operator ng isang pasugalan. Kung totoo ang mga akusasyong “pakawala ng Malakanyang si Pacquiao upang talunin, hiyain at bigyan ng leksyon ang kinamumuhiang kaaway sa pulitika sa katauhan ni Cong Darlene Custodio at ng kanyang angkan,” lalo lamang titindi ang galit ng mamamayan ng lunsod ng Gen San kay Ate Glo.
Buong bigat na arsenal at resources ang itinaya ng Malakanyang, masawata lamang ang oposisyon sa plano nitong pagsasampang muli ng ikahuling impeachment complaint laban kay Ate Glo sa Kongreso. Maliban sa Team Unity ng senatoriable ticket, pangunahing tutok ng Malakanyang na 'di umabot ng takdang bilang na 80 ang oposisyon na mailulukluk sa Mababang Kapulungan sa nalalapit na election.
Walang dudang kinakaladkad ng palasyo si Pacquiao sa gerang pulitikal na sa totoo'y wala siyang kamuang-muang. Hindi lamang sa pangangampanya, maging sa pagpapapogi points ng Malakanyang at kandidatura ni Chabit Singson, bilang crowd drawer hindi lamang sa lunsod ng Gen San, maging sa ibang lugar kung saan matatagpuan ang malalakas na kaaway ng administrasyon, tulad Makati at ang Manila.
Hindi lamang naliligaw, kakaibang larangan ang pinasok ni Pacquiao. Bukud sa madugo, madaya at kumplikado ang pulitika sa Pilipinas, gawaing lehislatura, trabahong sesentro sa paggawa ng batas, pagdedebate sa plenaryo, entablado at hindi sa akala nitong trabahong administratibo-ehekutibo na una sana niyang balaking pasukan.
Manalo man si Pacquiao, kahit imposibleng mangyari, maaaring hindi ito maiproklama sa dahilang mate-TECHNICAL KNOCK OUT (TKO) ito ni Darlene. Questionable ang kinatatayuan nitong lagay ng kanyang residency. Tatlong residential ang kanyang nairehistro sa Comelec. Kung matatandaan, nanumpa (under oath) si Pacquiao sa Mandaluyong, sa Gen San at sa Manila. Dapat niyang malaman na ang rekisitos ng isang kakandidato na tatakbo sa isang distrito ay mangangailangan ng isang taong (1 year) paninirahan sa lugar at alam ng marami na ito'y sa Maynila at hindi sa Gen San.
Pangalawa; kakasuhan si Pacquiao sa paglabag ng Fair Election Act kung saan ito'y nagviolate at hayagang namudmud ng mahigit isang daang libo (100,000) insurance policy na nagkakahalaga ng P100,000.00/kada tao upang impluwensyahan ang botante ng Gen San. Isang uri ito ng vote buying na mahigpit na ipinagbabawal sa Omnibus Election Code. Malugud na inamin naman ni Pacquiao na isa itong pagkakamali na maaring isang maging dahilan ng kanyang pagkakadisqualipika sa kandidatura at proklamasyon.
Pangatlo, bukud sa malalagay sa alanganing position si Pacquiao sa kung anong legislative agenda at debate ang maaring gampanang papel nito sa kampanya at sa Kongreso, babanggain nito ang isang political clan na may ilang dekada ng nag-eexist sa lugar. Tulad ni Pacquiao, isang bayani, matalino at popular na nagdala ng alternatibong pulitika si Cong Darlene Antonino Custodio sa kongreso.
Bukud sa maganda ang naging performance, isang matinong mambabatas ang 24 na taung gulang si Cong Darlene Antonino-Custodio. Susubukan niyang kunin muli ang ikalawang termino sa Kongreso. Humalili siya sa pwesto ng kanyang magulang na mahigit ilang dekada ng humawak sa pulitika sa Unang Distrito ng South Cotobato. Mas lalong hinangaan ng taumbayan si Darlene ng magpakita ito ng tapang at paninindigang ipagtanggol ang daing at interest ng mamamayang Pilipino.
Isa siya sa aktibong nag-organisa laban mala-diktadurang patakaran ng administration lalo na sa isinulong nitong Charter Change, ang pagpapapirma at pagsampa ng dalawang beses na impeachment proceeding laban kay Ate Glo sa kongreso. Ang labanan sa General Santos ay labanan sa pagitan ni Ate Glo at mamamayang Pilipino sa katauhan ni Darlene Custodio. Laban din ito ng pagbabago't reporma at good governance versus sa katiwalian, anti-Pilipinong patakaran at survival ni Ate Glo hanggang 2010.
Maliban sa pagpapainum, pagpapautang, pambabalato, pamimigay ng pera sa tuwing umuuwi si Pacquiao sa Gen San at pamumudmud ng insurance policy, walang malinaw na electoral machinery si Pacquiao. Wala solidong clout sa mga ward leader, sa barangay captain hanggang kay Mayor Echeron ng lunsod ng Gen San si Pacquiao. Kahit gumastos pa ito ng mahigit P100.0 milyon sa kampanya, patutulugin siya ni Cong Darlene Custudio sa Mayo. Kung sa bagay, kung mairere-imburse naman ang kanyang gagastusin, walang problema sa bahagi ni Pacquiao.
Mga sangkap ng pagpapanalo na wala kay Pacquiao
Strategy at Political Machinery
Kahit sabihing Popular, hindi nakasisiguro si Pacquiao. Machine politics ang labanan sa Mindanao lalo na sa Unang Distrito ng South Cotobato. Sapagkat walang matatag na electoral machinery si Pacquiao, walang dudang patutumbahin siya ni Darlene. Hindi nagkakalayo ang siyensya ng electoral politics at pagboboxing. Hindi lamang TAPANG at pangangatawan ang susi ng pananagumpay ng isang boksingero at election. Tulad ng pagboboxing, marami itong sangkap, requirement o istratehiya upang ganap o maisuguro ang panalo.
Maliban sa preparasyon, nakalamang agad si Darlene sa unang sultada ng kampanyahan at pagpapakita na siya ang tunay na gustong iluklok ng mamamayan sa pwesto at hindi si Pacquiao. Ayon sa isang independent electoral survey, ¾ ng botante (mahigit 75%) sa distrito ay boboto kay Darlene. Iba pang usapin ang lalim at tagos ng politikang angkan at bentahe nito bilang isang oposisyon at incumbent official.
Mahalaga ang pagbasa ng kalagayan ng usaping pulitikal at panlipunan bilang sangkap sa estratehiya at taktika sa election. Kung wala nito, matutulad lamang si Pacquiao sa mapait na kinahinatnang pagkatalo ng sikat at superstar na si Robin Padilla nuong tumakbo ito bilang gobernador sa Nueva Ecija, bumangga sa beteranong political clan na si Joson nuong 1995 local election, sa kabila ng suporta mula kay Pres Fidel V Ramos.
Ang perception ng marami ay nauto at bulag na sinunod nito ang dikta galing sa Malakanyang na tumakbo ito sa pulitika. Aasahang wala itong malinaw na estratehiya at taktika upang manalo sa election. Tanging panggulo na lamang sa pulitika, pananakot, blackmail o pakikipagnegosasyon bilang galamay at kinatawan ng Administrasyon ang papel ni Pacquiao.
Dahil nangangapa sa dilim si Pacquiao, hindi ito makakatama ng suntok kay Darlene. Kung alam ni Pacquiao ang kabuuang larawan at sitwasyon, tiyak na aatras ito't mauunawaang hindi na kailangang pumasok pa ito sa mundo ng pulitika, magkipagkasundo kay Darlene alang-alang sa kaunlaran, kagalingan at kapakanan ng Unang Distrito ng South Cotobato.
Panghuli, kahit sabihing popular at may lohistika si Pacquiao sa kampanya kung hindi naman ito mamaksima o maico-convert sa boto, wala rin.
Ang Mensahe at Political Visibility
May dalawang bagay na hindi alam at mukhang nakaligtaan ni Pacquiao at kanyang mga operador sa usapin at siyensya ng electoral politics. Una; ang patuloy na hindi nito pamamalagi sa lugar, hindi pagsipot sa ilang mga sorties, debate at kakulangan ng panahon sa pangangampanya. Nakakonsentra sa kung paano maisusurvive ang Malakanyang si Pacquiao. Nakagugol ito sa pag-eendorso hindi ng sarili kampanya bagkus sa kung paano sasalagin ang mga batikos at kritiko laban kay Ate Glo. Tungkulin din niyang maideliver ang boto sa Senatoriable Team Unity ticket, ang kadidatura ni Ali Atienza sa Manila at Lito Lapid ng Makati.
Malaki ang sinayang panahon sa pangangampanya't political visibility sa kanyang distrito si Pacquiao. Makailang beses itong nananalagi sa pamumulitika sa Manila at pagsasanay sa laban kay Jorge Solis ng Mexico sa Amerika. Isang malaking pagkakamali ng kanyang handler ay kung paano pinaghandaan ang plataporma at mensaheng pulitikal na magreresolba sana ng kanyang kahinaan sa pangangampanya sa election. Ito ang mensaheng iparating ni Pacquiao upang makumbinsing karapat-dapat nga ito sa posisyon bilang kinatawan ng unang distrito sa Kongreso. Sinayan nito ang buong 45 days campaign period o ilang buwan bago magsimula ang campaign period upang agarang maitayo ang organisasyon, makapagformulate ng plataporma at campaign strategy.
Hindi sasapat ang mga “soundbites ni Pacquiao na nakapatungkol laban kay Darlene at sa oposisyon. Ang paulit-ulit na kokak ni Pacquiao na “walang pagbabagong naganap sa Gen San sa loob ng dalawang dekada” ay maaring mag boomerang at isisi sa Administrasyon Macapagal Arroyo. Sapagkat, brinaso, sinikil at inipit ng Malakanyang ang pork barrel ni Darlene na nagdulot ng masidhing kakulangang serbisyo publiko sa mamamayan ng South Cotobato.
Korek si Pacquiao ng sabihin nitong “dalawangpung taong walang nagbago sa Gen San,” sapagkat ang totoo'y hindi lamang sa lunsod ng Gen San ang walang kaunlaran at pagbabago, bagkus sa kabuuang Mindanao at buong bansa na dumaranas ng patuloy na pagdurusa't paghihirap dahil sa pangungurakot, katiwalian, baluktut na patakarang pang-ekonomya, pakikidigma sa sariling mamamayan at kabulukan ng pulitika at eleksyon.
Doy Cinco
May 1, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment