Patrick I. Patiño
Political and Electoral Reform Team
Institute for Popular Democracy
Tatlong kandidato sa pagka-gubernador ng Pampanga ang magkakarera sa darating na eleksyon sa Mayo 14. Ito ay sina Gubernador Mark Lapid, si Bokal Lilia Pineda at Among Ed Panlilio. Sila ay pare-parehong popular na kandidato.
Si Gobernador Lapid ay idi-depensa ang kanyang pwestong minana mula sa ama noong 2004. Si Mark Lapid, ay nagkaroon ng ilang pelikula, pero mas naging popular dahil sa amang si Lito Lapid, na naging punong-panlalawigan mula 1995 hanggang maging Senador noong 2004. Umabot sa pambansang medya ang pangalan ni Mark Lapid dahil sa anomalya sa negosyo sa buhangin at hablang korupsyon sa pondo ng pamahalaang panlalawigan.
Si Lilia Pineda ay naging alkalde ng Lubao ng siyam na taon bago nahalal na miembro ng Panlalawigang Konseho noong 2004. Naging popular si Lilia dahil sa impluwensya ng kanyang asawang si Bong Pineda – kilalang di-umano'y hari ng jueteng sa Central Luzon. Naukit ang pangalan ni Lilia Pineda sa pambansang medya nang isambulat ni Michaelangelo Cuse, isang saksi sa imbestigasyon ng Kongreso sa iskandalong “Hello Garci”, na si Lilia ang namahagi ng sobreng may pera sa field officers ng Comelec sa bahay ni GMA sa La Vista, Quezon City.
Si Among o Father Ed Panlilio ay nagka-pangalan sa Pampanga bilang kura-paroko ng iba't ibang bayan ng probinsya at sa mga socio-economic projects ng Social Action Center na kanyang pinamunuan. Napansin ng pambansang medya si Among Ed dahil sa krusadang kinakatawan ng kanyang kandidatura – ang krusada para sa bagong pulitika at paggugubyerno sa lalawigan.
Ilang linggo bago mag-umpisa ang kampanya sa halalang lokal, sina Lapid at Pineda ay naggigirian sa pag-aagawan ng mga pwersang pulitikal sa probinsya, laluna sa hanay ng mga halal na opisyales ng pamahalaang lokal. Si Mark ay kinonsolida ang base sa ilalim ng Partido Lakas-CMD kontra sa pag-rekruta ni Lilia ng pwersa sa ilalim ng Partido KAMPI. Ipinaggigiitan ni Lilia na ang kanyang kandidatura ay tulak ng “pangangailangan ng bagong mukha sa panlalawigang pamahalaan.”
Si Mark Lapid naman ay nagbabandera ng “ipagpatuloy nating tahakin ang nabuo na nating landas sa kaunlaran.” Sa maniobrahan ng dalawang kampo, todo suporta naman si Senador Lapid sa anak, gayundin si Bong Pineda sa asawa. Madaling maintindihan bakit matindi ang maniobrahan nila sa ngalan ng kanilang Partido. Una, hindi para buuin ang tunay na partido kundi para makabuo ng malawak at malalim na makinaryang pang-eleksyon. Ikalawa, para makuha ang suporta ng Pangulong Macapagal-Arroyo, na matagumpay na nakuha ni Lilia Pineda. Ang hindi pagpabor ni GMA sa alinmang kampo ay naging paborable kay Lilia lalupa't kailangan ni Mark ng hayag na suporta dahil siya ang nasa pwesto at ang ama nito ang puno ng partido sa probinsya. Katunayan, masama ang loob ng Senador sa Malakanyang at nagbanta pang baka sumali sa oposisyon pagkatapos ng eleksyon.
Sa kabilang banda, hindi pinansin si Among Ed ilang araw pagkatapos na ito ay mag-deklara ng kanyang kandidatura noong Marso 29. Sa gitna ng mga humuhugos na suporta sa kanyang kampanya ay lumaganap ang mga text messages na “pang-gulo” lang iyan. Sineryoso na lamang si Among Ed pagkatapos ng motorcade nito noong Abril 8 nang may humigit-kumulang isang libong sasakyan at sa habang ilang kilometro. Umalingawngaw ang “seryosong hamon ito.” Sineryoso ng dalawang kampo si Among Ed ngunit mas tumampok ang krusadang nagdadala ng kanyang kampanya. Ang maraming bumubuo ng krusadang ito ay mga taong simbahan, grupong relihiyon, mga organisasyong sibiko, mga organisadong samahan, mga propesyunal, lokal na negosyo at iba pa na nais “ibangon ang nadudungisang karangalan ng mga Pampagueno.”
Mauulit kaya ang kaganapan ng halalang 1995 sa Pampanga? Sa halalang pagka-gubernador noong 1995 ay nanalo si Lito Lapid laban sa re-eleksyonistang si Gub. Bren Guiao. Iyon ang panahon ng kasikatan ni Lito Lapid. Ngunit sa panahon ng kampanya, maraming pampulitikang taga-masid ang nagsabing mahihirapang manalo si Lito kahit siya ay popular. Ang yumaong Bren Guiao ay kilala at matatag na lider-pulitiko sa probinsya at latag at solido ang kanyang makinaryang elektoral kumpara sa mga kampanyador ni Lapid na “mga cowboy at stuntmen.” Nasa makinarya ni Bren Guiao ang halos 90% ng mga lokal na opisyales ng pamahalaang lokal kasama na ang mga punong-barangay na sinuportahan niya sa halalang barangay ng 1994.
Ang nagpanalo kay Lito Lapid ay hindi lamang ang kanyang popularidad. Mahalagang salik din ang konteksto ng lalawigan noon. Iyon ang panahong ang Pampanga ay nahihirapang bumangon mula sa alikabok ng bulkang Mt. Pinatubo at kawalang-kapanatagan sa paglisan ng mga sundalong Amerikano sa Clark Air Base Iyon ang panahong habang ang Pampanga ay lubog sa lahar, ang maraming pamayanan ay dis-oriented sa naninibagong-hugis ng identidad at lugmok sa kawalang istableng tirahan, hanapbuhay at pagkain. Nanalo si Lito Lapid hindi lamang dahil siya ay sikat na artista kundi bilang kongkretong alternatiba at buhay na pangarap. Si Leon Guerrero ang nagbigay ng inspirasyon sa mga karaniwang kapampangan at setler.
May tsansa ba ang krusada ni Among Ed kontra sa makinaryang elektoral nina Mark Lapid at Lilia Pineda? Ang makinarya ni Lilia Pineda ay latag sa Lubao at kalakhan ng Silangang Pampanga, samantalang si Mark Lapid ay latag sa Mabalacat at sa kalakhan ng hilagang Pampanga. Kung ganun, ang magtatakda sa labanan ng dalawang kampo ay kung sino ang mas may malalim na pondo at mas tuso para wasakin ang makinarya ng kabila. Makikita ang lakas ng pondo sa klase ng mga rali, miting, asembliya at iba pang pagtitipon na inoorganisa nila.
Sa pamamahagi ng kung anu-anong mga bagay na may halaga sa mga botante; pamimigay ng pera sa mga opisyales ng barangay, sa mga drayber ng traysikel at jeepney, maramihang pag-kontrata ng mga abogado, paramihan ng mga nari-rekrutang lider at kampanyador sa bawat sitio at kalye ng may alawans, at iba pa. Ang katusuhan naman ay makikita sa laganap na text messages na may paninirang-puri; pananakot sa mga suportador ng kabilang kampo; pamimili ng boto at pandaraya sa araw ng eleksyon. Ang karahasan ay salamin ng katusuhan ng mahina.
Ang krusada ni Among Ed ay parang daluyong na kumakalat sa buong probinsya at maraming kampanyador ang boluntaryong kumikilos dahil sa pananalig at pagnanais ng pagbabago. Subalit ang krusada ay isang pang-habangbuhay na pananampalataya at ang eleksyon ay may hangganan – ang Mayo 14 – ang pagboto, mabilang ang boto, mabantayan ang canvassing at proklamasyon ng nanalo.
Sa kasaysayan ng eleksyon sa Pilipinas, iilan pa lamang ang krusadang nanalo sa eleksyon. Kay Climaco, sa eleksyong mayoral ng Zamboanga City noong 1982. Kay Cory, sa eleksyong presidensyal noong 1985. Kay San Juan, sa eleksyong kongresyunal ng Zamboanga del Sur noong 1998. Kay Padaca, sa eleksyong gubernador ng Isabela noong 2004.
Ang anumang magiging resulta ng eleksyong gubernador sa Pampanga ay manipestasyon ng antas ng kahandaan ng mga botante sa demokrasya. Kung gayun, manipestasyon din kung gaano kalalim na nailalangkap ang krusada ng demokrasya sa dispalenghadong sistema ng eleksyon at malalim na tradisyon ng botante sa eleksyon. ###
Mayo 2, 2007
No comments:
Post a Comment