DATO Macapagal Arroyo vs Mayor Mabulo at ang kabulukan ng sistemang election
Si Diosdado 'Dato' Macapagal Arroyo na mas kilalang Dato ang isa sa pinag-uusapan ngayon hindi lamang sa Bicol maging sa buong bansa. Si Dato na napabilitang tumatakbo sa congressional 1st District ng Camarines Sur na “walang kalaban” ang siya ngayon kongretong ehemplo ng kabulukan, elitist-personality oriented at TRAPO politics sa bansa.
Sa isang mapanuring Bicolano, paano maipapaliwanag ni Dato at ni Ate Glo na kanyang ina, na siya'y kumakatawan sa isang lugar na may mahigit tatlong daang kilometro (300 km) ang layo mula sa kanyang lugar na sinilangan at tinirikan? Paano mairerepresenta ang tunay na damdamin at adhikain ng mga Bicolano kung ika'y hindi naman talaga isang Bicolano o ika'y isang peke at nagpupumilit na Bicolano. Batid ng mundo na si Dato'y isang Kapangpangan, Visaya at taga-Quezon City at anak ng pinakamakapangyarihang pulitiko ng bansa. Kung sa bagay, kung "tanggap, welcome at kayang ampunin" bilang adopted son ng mga Bicolano si Dato, walang problema at hindi malayong mangyari ang ganitong kaganapan.
Dahil sa pagiging iskul bukol, “aksidenteng” napadpad si Dato Arroyo sa Camarines Sur. Hindi nito pinagkaila na hindi ito pumasa sa rekisitong academic standard na pamantayan ng Ateneo de Manila sa QC at nabigyan ng chance na magtransfer sa ibang Ateneo School, sa Ateneo de Naga sa Lunsod ng Naga, Camarines Sur. Maaring isang planado o pinag-aralan ng pamilyang Arroyo ang proyektong pulitikal para kay Dato. Kung ito'y isang planado, maaring isa ang Cam Sur sa tatlong lugar na pinagpiliang landingan ng career path ni Dato, ang QC, Pampanga at Negros Occidental.
Lumaki sa La Vista, Barangay Pansol, malapit sa UP at Ateneo, QC si Dato Arroyo. Ito rin ang official address ni Ate Glo. Ito'y nasa ilalim ng 3rd District ng QC na hawak ng Defensor Clan. Mahigit dalawang dekadang kontrolado nito ang teritoryo at malabong payagan ng mga Defensor na panghimasukan sila ng mga Arroyo.
Hindi rin uubra sa Pampanga sapagkat hindi pa natatapos ang termino ng kanyang kapatid na si Mikee na tumatakbo rin sa kanyang ikalawang termino sa ikalawang Distrito. Ito'y maliban na lamang kung madadagdagan ng isang distrito ang probinsya upang pampulitikang i-accomodate si Dato.
Lalong hindi rin pupwede kung makikisingit pa si Dato sa Negros Occ sapagkat kailangan munang tapusin ng kanyang uncle na si Cong Iggi ang ikaalawang termino at tulad ng Pampanga, masikip din sa pwestuhan ng malalaking angkan pulitikal ang probinsya.
Libreng nakatunton sa Kongreso si Iggi at si Mikee Arroyo. Walang dudang matutulad din si Dato sa dalawa. Kaya't sa pagpasok ng unang sesyon ng 14th Congress, tatawagin na rin siyang "honorable at gentleman from Camarines Sur." Siya, ang kanyang kapatid, ang kanyang Uncle, ang partidong KAMPI at Lakas-NUCD ang sasawata sa pinaplanong ikatlong pagsasalang ng impeachment complaint ng oposisyon laban kanyang minamahal na Ina.
Produkto ng PADRINO, political machinery, political clan at political negotiation si Dato. Ang nabakanteng distrito sa Camarines Sur ang lumalabas na kabayaran at regalo ng Andaya Clan kay Ate Glo kapalit ng pwestong pinanghahawakan ngayon bilang Kalihim ng Department of Budget and Management (DBM) at dating chair ng Appropriation Committee sa Kongreso. Ang malaking katanungan, maliban sa kawalan ng track record, kanino siya mananagot (accountable) at sino ang kanyang pagsisilbihan? Alangan naman kung sa mamamayan ng District 2, pwede pa sa kanyang minamahal na Ina, sa mga Andaya't Villafuerte Clan o sa mga lokal na pulitikong nakasuso sa Malakanyang.
Political reform at ang Alternatiba
Isang yagit, matapang at prinsipyadong pulitiko si Mayor Sabas Mabulo ng San Fernando. Siya ang mapangahas na alternatibang tumapat laban kay Dato. College gradute sa Ateneo de Naga si Mabulo at kahit isang pulitiko, hindi ito naging hadlang upang maging aktibo ito sa developmental projects ng isang Church-based Caceres Social Action Center sa Camarines Sur. Bago na-involve sa local politics, naging kabilang siya sa isang NGO na nag-aadvocate ng kagalingan at “transparency for good governance” (anti-kurakot) sa rehiyon. Dahil sa kanyang husay sa paglilingkod, nahalal at nakompleto niya ang dalawang taon bilang councilor at tatlong termino (9 years) bilang Mayor ng San Fernando, Camarines Sur.
Pinutol ni Mayor Mabulo ang tulay na nag-uugnay bilang alyado ng mga malalaking kahariang pulitikal sa probinsya, tulad ng Andaya't Villafuerte Clan, mga kilalang malalaking political clan sa Bicol at mismo sa siyam (9) na incumbent mayor ng ikalawang distrito ng Cam Sur. Ang pinagsamang makinarya ng kanyang malalaking kalaban, nadagdagan pa ng Arroyo clan at isang bilyong pisong (P1.0 bilyon) proyekto sa panahon ng kampanya mula sa Malakanyang, lumalabas na masyadong over kill at lubhang hindi na FAIR ang election sa bahagi ni Mayor Sabas Mabulo.
Isang liblib na lugar ang bayan ng San Fernando. May mahigit 30 kilometro ang layo nito mula sa National highway kung saan matatagpuan ang bayan ng Libmanan, ang address na tinukoy, natagpuan at pakunwaring umampon kay Dato Arroyo. May sakop na 22 barangay at may kabuuang 14,200 botante na halos kasingdami ng isang barangay lamang sa Quezon City ang bayan ng San Fernando. Samantalang ang Libmanan na may 75 na barangay at 41,000 botante, ang pinakamalaki sa Ikalawang Distrito.
Kung sa yaman ng karanasan at track record ang pag-uusapan, panalo si Mayor Mabulo. Kung sa pababaan ng gastos sa electoral campaign (P50,000/election), panalo si Mayor Mabulo, kung sa plataporma, paglilingkod, dedication at prinsipyo, walang dudang panalo si Mayor Mabulo, kung FAIR, parehas, walang dayaan at demokratiko ang election, panalo si Mabulo. Ang nakakapanglupaypay, wala pang election, kompirmadong panalo na si Dato.
At ang nakakalungkot, kung dadaanin sa personality, LOHISTIKA, MAKINARYA, TRAPO politics na dulot ng kabulukan ng pulitika at election, walang dudang TALO si Mayor Mabulo.
Doy Cinco / IPD
May 1, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment