Tulad ng inaasahan, nalagay muli sa sentro ng balita ang probinsya ng Maguindanao at ilang ARMM areas. Hindi lang sa isyu ng feudal-warlordismo, 4 Gs (guns, gold, goons at girls) at poltical clan, muling tumingkad ang isyu ng talamak na “dayaan at bastusan.” Sa ngalan muli ng “command votes at local machinery,” isang milyong pisong (P1.0 milyon) pabuya't pangako maitabla lang ng Malakanyang ang oposisyon. Kung baga, ang 12-0 ng administrasyon sa Maguindanao ay nagpapakita lamang na desidido ang Malakanyang na ipasok ang kanyang senatoriable bets sa Magic 12 maski masalaula ang institusyong nangangasiwa sa pagbibilang, ang Comelec.
Maliban sa kaso ng Pampanga, Isabela at iba pang lokal na lapaban kung saan ipinakita ang lakas ng mamamayan, sa kabuuan, muling nanaig ang impluwensya't kapangyarihan ng political clan at patron. Tulad ng GERA, walang election ang walang namamatay at walang election ang walang dayaan. Ginagamit lamang na instrumento ang election upang mapanatili at mapalawak lamang ang dinastiyang pulitikal ng malalaking angkan. Walang demokratiko at malayang election na kinatatampukan ng parehas (fair election) na labanan. Walang ideolohiya at tunay na partidong nagdala ng plataporma de gubyerno at ang malungkot, ang election ay tunggalian lamang ng iba't-ibang malalaking paksyon at alyansang magkaka-pamilya o political clan.
Nakilala ang Maguindanao nung sumambulat ang insidente ng 2004 “hello Garci dagdag-bawas controvercy.” Isa sa ipinagmamalaking may solidong “command votes at local machinery” ang probinsya ng Maguindanao. Ang sabi ng mga propagandistang buluk ng Malakanyang na si Evardone, Albano, Ermita, Gabby Claudio, Roquero, Nograles at Pichay, "ito raw ang alas ng administration senatoriable bets upang talunin 12-0 ang oposisyon."
Bukud sa pagpapakita ng lakas, pambayad utang at pangakong idedeliver na boto sa Malakanyang, pinagkakitaan din ito ng mga operador sa Comelec. Sa anyo ng “highest bidder at dagdag-bawas,” shopping spree sa mga senatoriable candidates na nalalagay sa alanganin (13th - 16th position). Ayon sa mapagkakatiwalaang mga source, “pinakamababa ang P20.0 milyon kada kandidato ang ibinayad ng TU at GO sa lugar, makapag-operate at makapagkontra-opensiba lamang sa pandaraya." Note:hindi kasali si Trillanes.
Patronage politics ang kalakaran umiiral sa Maguindanao. Maraming Maguindanao sa Pilipinas, ito'y matatagpuan sa Northern Luzon, Central Luzon, Sourthern Tagalog, Bicol at Kabisayaan. Sa madali't sabi, isa lamang lokohan, denggoyan, lutong macao o ang katawagang s “moro-moro” ang pulitika ng Maguindanao. Ang salitang “moro-moro” ay isang klase ng panlalait (racist) at anti-muslim na popular na ginamit ng Kristiano't elitistang Pinoy sa tuwing may proyekto't halalan sa Muslim Mindanao.
Kilala rin ang Maguindanao bilang pumapangalawa (2nd place-2006) sa pinakamahirap na probinsya sa buong bansa mula sa pang-anim (6th place) nuong 2002. May 289, 029 rehistradong botante ang Maguindanao. Sa 22 bayan sakop, isa lamang ang hindi kontrolado ni Gov Datu Andal Ampatuan. Ito'y hawak ng katunggaling angkan na si Matalam. Dating gobernador, may kontrol ng pulitika at siga-siga sa probinsya. Bukud sa may kasalukuyang armed seccesionist movement sa lugar, may armed check point sa lahat ng papasok at palabas ng probinsya, mistulang isang malaking military garrison ang probinsya. Kaya't bago ang May 14 election, tinapos ang selection process sa mga kandidatong angkan ilulukluk at sil-sila rin ang nagproklama. Walang Comelec na pwedeng maki-alam, walang BEI, walang poll watcher, walang Kristianong media at walang grupong poll watchdog ang pwedeng pumapel.
Walang pwedeng mangahas na magreklamo o magprotesta. Bawal ang civil society. Ang panginoon-angkan lamang ang masusunod. Ang kagustuhan ng panginoon ay kagustuhan din dapat ng mamamayan at wala ng iba. Dahil sa ganitong kalakaraan, alam ng lahat na napaka-imposibleng magkaroon ng isang maayos na electionsa Maguindanao. Isang election may kahalintulad na klima ng karahasan nagaganap sa Iraq at Afghanistan. Talamak ang feudal lord, warlordismo, 4 Gs (guns, gold, goons at girls), malalaking political clan at higit sa lahat, kinakalinga, pinakikinabangan at sinusuportahan ng isang rehimeng naghihingalo't gustong manatili sa poder, si Ate Glo.
Ang election sa Maguindanao ay basically selection, kung sino ang uupo at hindi. Ito'y pinagpapasyahan ng maimpluwensyang mga pinuno na naghahari at tumatayong panginoon-datu-patron sa lugar. Sa pamamagitan ng isang prosesong tinatawag na “suara,” dinisisyunan, tinatapos at binasbasan na ito ng angkan. Para sa kanila, “pormalidad (formality) lamang ang Mayo 14." Ang mga “halal” na political leaders ay kadalasang kaalyado ng sinumang nakaupo sa Malakanyang. Pareho silang may political interest at nakikinabang sa isa't-isa.
Kaduda-duda ang ipinakikitang datos sa Maguindanao, tulad ng apat na probinsyang sakop ng ARMM (Sulo, Basilan, Tawi-Tawi at Lanao del Sur), tumaas ng mahigit 10% ang voter's population ng anim sa dalawangpu't tatlong munisipyo sa Maguindanao. 10.37 % ang itinaas ng bayan ng Ampatuan; Datu Abdullah Sanki, 19.23 percent; Datu Paglas, 12.52 percent; Datu Saudi Ampatuan, 17.78 percent; Datu Unsay, 27.63 percent; Pagalungan, 15.82 percent; Paglat, 43.05 percent; Shariff Aguak (Maganoy), 19.83 percent; and South Upi, 72.70 percent. Kataka-taka ang biglaang pagdami ng mga botante sa Maguindanao at apat na probinsyang sumasakop sa ARMM.
Sa loob ng tatlong taon, may 60,000 nadagdag na botante ang Maguindanao at Sulo (120,000), 80,000 ang nadagdag sa Basilan, may tig 60,000 (120,000) ang nadagdag sa Tawi-tawi at Lanao del Sur. Ang nakak-intriga, habang lumiit ang bilang ng botante sa malaking bahagi ng Pilipinas, lumolobo't lumalaki ang bilang ng botante sa ARMM areas. Sa kabila nito, walang ginagawang pag-aalangan, pagsusuri't double check ang inutil na Comelec.
Ayon sa Regional Comelec chair na si Bedol, “mataas palagi at hindi bumabba sa 90% ang voter turnout sa party list election sa Maguindanao. “ Noong 2004 elections, sa kabuuang 334,331 registered voters, ang total party list votes cast sa probinsta ay 283,012, halos 84.65%, ang pinakamataas sa buong kapuluan.
Ampatuan at Matalam Clan
Mula pa nuong panahon ng Kastila't Amerikano, ipinagpapatuloy ang dinastiya't oligarkiyang kontrol ng iilang pamilya o political clan hindi lang sa Maguindanao, maging ang buong Pilipinas. Pinagharian ng dalawang malalaking Political Clan ang Maguindanao, ang Datu Andal Ampatuan, ang pinakamalaki, pinakamabagsik at kasalukuyang may tangan sa poder ng probinsya. Kabilang ang Ampatuan sa mga Datumanong at Datu Abdula Sanki clan. Bahagi rin sa ankan ang mga Sinsuat, ang dating Gobernador nuong panahon ni Presidente Marcos.
Ang angkang Matalam sa katauhan ni Datu Udtug Matalam ang mahigpit na katunggaling politikal ng mga Ampatuam , isang prominenteng political at rebel leader nuong kapanahunan ng paghihimagsik nuong dekada sais senta (60s). Siya rin ang kauna-unahang halal at limang beses nahalal bilang gobernador ng Cotobato, bago pa ito biniyak sa apat na probinsya. Habang nakalinya sa mga Nacionalista Party at kay Marcos ang mga Ampatuan, naka-alligned naman sa Liberal Party (LP) ang mga Matalam, ang kanyang brotherin-law na si Salipada Pendatum at mga ilang kabataang militanteng muslim scholar sa Manila.
Maliban sa pagiging gobernador (twice un-opposed), siya rin ang kinikilalang panginoong Datu, lider ng angkan, pinuno ng Regional Lakas-CMD sa rehiyon si Datu Andal Ampatuan. Siya rin ang mahigpit na kaututang dila ng pinakamakapangyarihang pinuno ng bansa, si Ate Glo. Sa dalawangpu't dalawang munisipalidad ng Maguindanao, 18 rito ay hawak ng kanyang mga anak, apo, kamag-anak incorporated (mayors) at mga un-opposed itong nagdaang election. Ampatuan din ang Vice Governor, si Sajid Ampatuan.
Nang pasukin ni Ampatuan ang pulitika, namuhunan muna ito at pinaghandaan ang lahat ng sangkap sa pagtatayo ng kaharian politikal. Maliban sa kayamanang taglay, itinayo nito ang sariling armadong grupo (private armies). Bago ang May election, mahigit kumulang na tatlong libong pwersang armado (3,000) at mahigit 5,000 rehistradong malalakas na armas ang hawak ni Ampatuan. “Katumbas ng labingdalawang batalyon, isa sa pinakamalaking private army sa Asia.” Nakakatawa, habang nasa tungki ng ilong ng PNP-AFP ang pananatili ng Ampatuan Army, tiklop ang buntut, walang magawa sa kampanyang pagbubuwag ng private armies ang inutil na Comelec.
Noong sumiklab ang digmaang MNLF at pwersang gubyerno noong 1970s, namangka sa dalawang ilog si Ampatuan. Habang nakikisimpatya sa MNLF-Nur Misuari, nakipagcollaborate siya sa gubyernong Marcos. Noong papahupa na ang gera, nag-alaga si Ampatuan ng mga junior officers na nakadistino sa Maguindanao. Ang mga ito ay siya ngayong tumatayong mga matataas na pinuno ng AFP na nagsu-supply sa kanya ng malalakas na armas. Nang muling sumambulat ang digmaan sa pagitan ng bagong tatag na grupong MILF at pwersang gubyerno, ganap na nakiisa na siya sa gubyernong Ramos. Binuo niya ang sariling CAFGU at CVO na inarmasan ng AFP laban sa MILF.
Maliban sa regular na supply na armas, pinapakyaw ni Ampatuan ang lahat ng malalakas na armas tulad ng M-60 machinegun, M-14 at baby armalite sa arsenal ng AFP. Iba't-ibang yunit ang kanyang private armies, bukud sa Cafgu at CVL, nasa-payroll din sa kanya ang PNP at AFP. Malaking tulong sa isinusulong na “global war on terrorism” ng gubyerno si Ampatuan, kaya't bilang kapalit, lahat ng kailangan nito ay pino-provide ng AFP. Kahit anong klaseng katiwalian, irregularidad, karahasan hanggang sa pagmamanipula sa tuwing may election ay nairaraos na parang walang kaso. Untouchable si Ampatuan hindi lang sa Maguindanao, maging sa buong Pilipinas.
Sa darating na “special election” sa Mayo 26, aasahang muling iiral ang irregularidad. Habang hindi naio-overhaul ang Comelec at nandiyan si Abalos at si Ate Glo at habang nananaig ang dominanteng sistema ng election sa Pilipinas, habang may kontrol at naghahari ang Political Clan, padrino at talamak na 4 Gs (guns, gold, goons at girls), kahit pa maimodernisa ang election (automated voting machine, proven in the last ARMM election nuong 90s), kailanma'y isang bangungut ang malinis at credible na election sa ARMM, partikular ang probinsya ng Maguindanao.
Doy Cinco / IPD
May 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
3 comments:
Ang husay ng mga posts mo ngayong eleksyon, Doy! ;)
elow...wahahaha!..
panu ba ito!??
Post a Comment