Tuesday, September 18, 2007

Barangay Election, binababoy ng Kongreso

Bakit gustong ma-ipatigil ng mga pulitiko, ng traditional politicians (TRAPO) at ng Kongreso/Tongreso ang barangay at SK election? Dahil ba sa Charter Change at plebisitong nakaumang na bago at para sa 2010 o dahil ba sa gustong maniguro itong hawak ule nito sa leeg ang Barangay para sa pansariling kapakinabangan sa 2010 election? (photo: joeyreyna.files.wordpress.com/2007/05/electio...)
Ayon sa House Committee on Suffrage and Electoral Reform, ang pagpapatigil ng Barangay at SK election na naka-iskedyul na sa susunod na buwan ay mairere-set sa 2009. Para kay Cong Teddy Locsin na
nagpaplano ring tumakbo sa Senado sa 2010, "nirekomenda raw ito ng 10 kataong komite na ilipat sa ikalawang Lunes ng Mayo 2009 ang nasabing election dahil daw sa katatapos lamang ng May midterm election."

Kasabwat ang pamunuan ng Federation ng mga Barangay at National Youth Commission (NYC), pinalalabas na ang nalalapit na October 2007 Barangay at SK election bukud sa "magastos at walang katuturan, sasayangin lamang daw ule nito ang bilyong pisong pondo, magiging magulo't madugo, marumi't dayaan lamang ang nasabing ehersisyong politikal" katulad ng mga nagdaang election.

Dahil sa pagsasayang daw ito ng panahon, para sa Tongreso, sana maidivert na lamang daw ang pondo sa ibang mga importanteng adhikain? Parang kulang na lang sabihing "buwagin na ang barangay at SK!" Ang tanong, sino ba ang nagwawaldas, walang silbe at inutil na institusyong dapat ng buwagin ng mga Pilipino, 'di ba ang TONGRESO?

Sa balaking ipatigil ang election sa nalalapit na buwan ng Oktubre, 2007, nagkaroon ba ng demokratikong consultation ang Federation ng mga Barangay at NYC? Ang duda ng mamamayan, nabahiran kulay pulitika, nakubabawan at nawalan na ng kredibilidad ang dalawang organisasyong ito kasama ang Sigaw ng Bayan, Kongreso at Malakanyang ng garapalang isinulong nito ang Cha Cha at pagpapapirma para sa People Initiative noong 2006.

Dagdag pa, para sa mga pulitiko, "ang Barangay Election after election (May Midterm Election) ay isang useless exercise, pero quidaw ka, ang Barangay election bago ang national election sa 2010 ay isang kritikal at mapagpasya (saan, sa pambabraso, pamimili't panunuhol at panloloko sa barangay?)."

A
ng pagpapatigil ng election ng barangay ay "para sa interest ng mga baboy sa Kongreso at hindi sa interest ng sambayanang Pilipino." Ikinatatakot ng mga pulitiko na wrong timing, bukud sa mga sunud-sunud na iskandalo tulad ng ZTE broadband contract, muling pagbubukas ng "hello garci dag-dag bawas controbersy," baka muling maulit ang 2007 midterm election kung saan nasawata ng mga barangay ang ipinagmamalaking "local machinery" ng Malakanyang. Sariwa pa sa ala-ala ng lahat ang makasaysayang pagbabalikwas ng mga barangay sa manok ng administrasyon Team Unity senatoriable candidate (8-2-2 pavor sa opposition) na nilampaso ng oposisyon sa katatapos na May midterm election.

Isang pagyurak at pambababoy ang pagpapatigil ng barangay at SK election. Bukud sa walang respeto sa batas ang mga MAMBABATAS sa Tongreso, inaalisan at pinagkakaitan ng Constitutionally mandated na karapatan ang mga Pilipino na demokratikong maghalal muli at magpalit ng pamunuan nasubukan ng inutil at na pamunuang barangay at SK.

Sa mahigit dalawang dekadang (20 years) batas ng Local Government Code (LGC), nakakalungkot sabihing hindi pa rin lubusang naging epektibo ang atin mga lokal na gubyerno, partikular ang mga barangay. Nagpatuloy ang pamamalimos ng pondo at proyekto mula sa mga pork barrel, palaasa at nakasandal sa nakatataas na pulitiko. Kaya't imbis na PALAKASIN, tinitiguk at gusto pa atang buwagin ng Kongreso ang naghihingalong na ngang mga Barangay at SK.

Dinisenyo't layon ng LGC na idemokratisa ang lokal na paggugubyerno, meaning maging isang “autonomous, self-reliance at empowered.” Bunsod ito ng halos apat na dekadang napariwara at namanipula ng diktadurang Marcos ang mga barangay. Kaya't sa ikalawang pagpopospone ng barangay at SK election, parang GINAGAGO, niyuyurakan at tinatarantado ng Kongreso at Malakanyang ang barangay.


Sa totoo lang, nasa barangay mas maisasakatuparan ang isang inaasam-asam na demokratikong paggugubyerno na halos napatunayan na't papruwebahan na ng kasaysayan bago pa dumating ang mga kolonyalista.

Ang gubyernong BARANGAY, kasunod ang pamilyang Pinoy ang basic political unit ng gubyerno. Yapak ito sa komunidad at mamamayan. Dito nagsisimula ang araw-araw na buhay at mga pangyayari sa pulitika ng isang bansa at higit sa lahat, dito mas naisasapraktika ang partisipasyon ng mamamayan, ng civil society, ng simbahan, NGO at people's organization.

Nasa barangay mas may kakayahang masawata ang kriminalidad bukud pa sa sinasabing "dito lamang mas may kakayahang matatapatan ang TRAPO politics, ang oligarkiya at casique politics, guns, gold and goons at kasal, binyag at libing." Ang barangay ang barometro at salamin ng demokrasya. Kung baga, ang katatagan ng estado ay nakasalalay sa barangay. Kung may paralisis at mahina ang institusyon sa barangay, walang dudang inutil na rin at mahina ang Estado.


Doy Cinco / IPD
September 18, 2007

No comments: