Wednesday, September 19, 2007

ZTE Broadband TRAGEDY

Nakakalungkot isiping nalagay na naman sa isang malaking trahedya ang country, isang bansang dumaranas ng walang humpay na katiwalian sa paggugubyerno. Unfortunately, si Jose Pidal na naman, ang mister ni mam GMA. Tulad ng inaasahan, total denial ang mga galamay, walang babaligtad at walang tutuga. (First Gentleman Jose Miguel Arroyo leads a ceremonial tee-off in 2005. Looking on are Comelec Chairman Benjamin Abalos (right) and sportsman Tommy Manotoc / photo:http://www.philstar.com/)
Maaaring maihalintulad sa isang bagyong may signal no. 4, isang lindol na intensity 9, may kasabay na tsunaming mas malakas pa sa Azeh, Indonesia at isang big bang ng bulkang Pinatubo ang tumamang krisis pampulitika sa bansa. Mas matindi pa ang tama’t epekto nito kung ikukumpara sa hello garci controversy may dalawang taon ang nakalipas at Erap guilty verdick ng Sandiganbayan, nung nakaraang Linggo. (" IT'S BIG MIKE" on ABZTEFG / photo: UNMASKED. Speaker Jose de Venecia’s son Joey points a finger as he demonstrates how First Gentleman Juan Miguel Arroyo told him to ‘back off’ the broadband network project/ http://www.journal.com.ph/index.php?issue=2007-09-19)
Explosibo ang mega exposay NA "BACK OFF" ni Joey de Venecia III, ang paboritong anak ni Speaker Joe de Venecia, na kinasasangkutan ni Jose Pidal Mike Arroyo, ang unang ginoo at tanging esposo ni Ate Glo? Kung hindi mapanghahawakang, sa tindi ng political impak, pusibleng mapaaga ang alsa balutan ni Ate Glo sa Malakanyang. Hindi malayong mailalagay muli sa depensibang posisyon si Ate Glo’t mga galamay nito sa pulitika. Ang na depused na political survival nung nakalipas na dalawang taon ay posibleng muling manumbalik.

Dahil sa pagsisiwalat ng katotohanan, inaasahang magkokontra-atake ang pamilyang Arroyo, ang Malakanyang at mga kasabwat nito sa Tongreso, wawaratin (demolition job) ang personalidad at kredibilidad ni Joey de Venecia III. Palalabasing SANTO si Jose Pidal at satanas si Joey, kesyo dating adik, bangag, durugista, lasenggo, baliw, chikboy, macho, rapist, basagulero, killer, weteng lord, gambling lord, FRATMAN at kung anu-anupang lumang tugtuging at bellow the belt na paninirang personal. Ang masaklap pa nito, baka iugnay pa si Joey de Venecia III sa grupong Abu Sayaff, kay Bin Laden, sa mga Komunista-CPP/NPA, sa grupong Magdalo, sa nakakulong na dating presidenteng si Erap at paratangang destabilizer o may planong tumakbo sa 2010? Ang tanong, may maniwala pa kaya?

Ano ang posibleng inplikasyon ng trahedya?
Dahil sa takot ng mga mamumuhunan, unang nag-react sa tragic incidence ang Philippine Stock Market at kung dati’y silyado’t may firewall at ‘di tinatablan ng dilubyong politikal, ngayo’y mukhang damay at malaki ang ibinaba ng Stock sa index.

Kung dati-rati’y astig ang pangulo na ‘di siputin ng kanyang mga galamay ang Senate Hearing at ipamukha ang EO 464, aba’y biglang nagflip-plop at bumigay na agad at nag-utus na daluhan na ng mga involved na puno ng mga ahensya ang Senate ZTE scam hearing.

Posibleng tuminti ang restiveness sa hanay ng militar lalo na ang mga junior officers, ang grupong Magdalo at ilang matataas na puno’t retiradong mga Generals. Muling igigiit ni Capt Faeldon at Senator Trillanes na sila’y tama’t may moral ascendancy ng sabihin nitong “magnanakaw at kurakot ang rehimen Arroyo.”

Muling mag-aalburuto ang CBCP, ang simbahan at middle class, partikular ang grupong Black and White na wala nga talagang kapagka-pag-asang tumino pa ang gubyernong Arroyo, sobra na ang abuso’t dapat ng ngang tanggalin sa pwesto. Pag-ibayuhin kaya nito ang "Oust GMA campaign" sa lansangan?

Walang dudang damay ang Speaker Joe de Venecia sa exposay ng kanyang paboritong anak na si Joey. Maaring ikudeta ng mga sagadsaring galamay ng Malakanyang ang speakership ni Joe de Vanecia. Kung sa bagay, dahil sa kanyang pagsisiwalat, nakabawi't nailagay sa pedestal ng katinuan sa pulitika ang angkan ng mga De Venecia. Inaasahan mabubulabog at posibleng humantong sa muling re-allignment ng pwersa sa kakalog-kalog na ruling party sa Kongreso’t Senado, ang Lakas-CMD at ang Kampi. Isa lang ang sigaw ng mga ‘to, “bakit hindi kami naambunan?”

Pagkakataon na rin ito sa panig ng oposisyon na muling buhayin ang impeachment proceeding sa Kongreso at makakuha ng sapat na bilang at suporta sa ilang makokonsiensia at matatauhang nasa ruling party, ang Lakas-CMD.

May implikasyon din sa foreign policy ang naganap na trahedya. Muling ipagsisigawan ng mga natalong bidder, ang Amsterdam Holding Inc (Netherland) at isa pang kumpanyang pag-aari ng US na MAPIAhan, totoong walang transparency (business transaction) at bad governance sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Kung matatandaan, mismo ang US Ambasador na si Kristie Kenney ay nagkaroon ng reservation (selos) sa nangyaring pakikipag-ututang dila ng gubyernong Arroyo sa bansang China. Dahil sa panibagong anomalya ng ZTE contract, makumbinsing ilaglag na kaya nito ang pekeng pangulong nakalukluk sa Malakanyang?

Kaya lang, simple lang naman ang posibleng reaksyon ng palasyo, “inyo na ang Pilipinas, amin na ang China.” Ang isang tanong, ano ang gagawin ng KILUSANG PROGRESIBO?

Doy Cinco / IPD
September 19, 2007

2 comments:

Anonymous said...

It's going to be end of mine day, however before finish I am reading this wonderful paragraph to increase my experience.

Feel free to visit my homepage cellulite treatment

Anonymous said...

Kung dati-rati’y astig ang pangulo na ‘di siputin ng kanyang mga galamay ang Senate Hearing at ipamukha ang EO 464, aba’y biglang nagflip-plop at bumigay na agad at nag-utus na daluhan na ng mga involved na puno ng mga ahensya ang Senate ZTE scam hearing.
tailoring factory near me
cut and sew factory