Thursday, September 27, 2007

Senator “Brenda” Santiago, sinumpong muli

Ayaw na natin patulan ang ganitong klaseng level na diskurso, kaya lang iniisip ding baka may kakaunting katwiran ang senadora, "ang pinakamatalino raw, ang may bode-bodegang diploma," ang english carabao at "positive na may sayad" sa senado. Ang puntong panlalait sa China na binawi rin kaagad (flip plof) at ang kawalang katuturan raw at pagsasayang lamang ng panahon ng Senado sa ZTE broadband scam. (photo: aboutmyrecovery.com/.../2006/12/images.jp)
Korek at kabisadong-kabisado ni Brenda ang isyu kaya't ng sabihin nitong “resulta lamang ng double cross syndrome” o normal lamang na away ito ng sistema, meaning parang agawan ng mga buwitre sa isang tipak na karne ng baboy, meaning kickback sa pagitan ng mga paksyon ng Malakanyang, ng mga tiwaling pamunuan ng gubyerno't kasama ang pamilyang Arroyo, parang bumilib na rin ako
kay Brenda.

Ang kulang sa sinabi ni Brenda ay siya mismo't mga kachokaran, mga kauri n'ya rin ang salarin
, ang elitistang klase ng pulitika, ang oligarkiya, ang factionalismo, ang sistemang padrino, casique't oligarkiya at sa kabuuan, ang kabulukan ng sistema ng pulitikang umiiral sa bansa, na siyang ugat na pinanggagalingan ng malawakang RENT SEEKING (transaksyong kurakot o laway lang ang puhunan at pangungupit sa kaban ng bayan) at katiwalian sa gubyerno.

Ito'y parang canal na pinagbubuhatan ng lamok, na habang nariyan ang pusali ay mananatili ang lamok o ang KABULUKAN NG SISTEMA ng pulitika, mananatili ang kabulukan at pangungurakot sa gubyerno. Ito ang mga kadahilanan kung bakit “walang buto sa gulugud o very WEAK ang STATE.” (photo: dusteye.files.wordpress.com/2007/01/photo-cor...)
Ang hindi sinasabi ng senadorang si Brenda ay sadyang na- institusyalisa na ang pangungulimbat sa loob ng burukrasya. Parang napaka-IMPUSIBLENG hindi ka maputikan o maulingan sa isang sitemang balon ng kababuyan at katiwalian. "Take it or leave it" ika nga. Kung ika'y "kontra agos, isang matino, malinis at straight sa trabaho, ikaw pa ang palalabasing masama, demonyo, kontrabida't walang pakisama sa nakararami." Ang katawa-tawa, "everybody happy at huwag pahuhuli ang cardinal rule." Kung 'di ka ayon sa kalakaran, ikaw ang lalabas na tanga at gago.

Ang malungkot, tulad ng maraming Brenda na pulitiko, "hinahangaan, ibinoboto, ginagawang ninong at ninang sa binyag at kasalan, iniimbitahang magsalita sa graduation rites ng mga paaralan at resource person sa mga pagtitipon at mga parangal. Ang mga pulitikong ito ay kadalasa'y aktibo sa mga civic action at kawanggawa, pinakamalaking magbigay ng donasyon sa simbahan, abuloy sa patay, at higit sa lahat, tinutularan at ginagawang modelo."

Sa huling tala ng Transparency International’s Corruption Perception Index (CPI) sa 180 bansang kasama sa survey, mula sa 121st, bumagsak ang ranking ng Pilipinas sa 131st sa kasalukuyang taon. Lahat ng mga bansang nataguriang "WEAK ESTADO, walang matatag na partido politikal, talamak ang casique't oligarkiya ay mga nasa bandang puwitan ng ranking. Hindi nalalayo ang ranking ng Pilipinas sa bansang Myanmar, Somalia, Nigeria, Afghanistan, Iraq at Sudan kung saan matatagpuan ang Darfur."
(Photo:
World map of the Corruption Perceptions Index by Transparency International, which measures "the degree to which corruption is perceived to exist among public officials and politicians". High numbers (blue) indicate relatively less corruption, whereas lower numbers (red) indicate relatively more corruption / upload.wikimedia.org/wikipedia/en/thumb/8/87/...)

Lubhang napakahalaga ang senate investigation sa ZTE broadband scam, sapagkat sa tagal na panahon talamak itong nangyayari sa gubyerno, panahon na ring kahit paano't maawat ito ng kahit kaunti ng Senado, ang nalalabing matatag na institusyon ng bansa. Kaya lang, posibleng mauwi nga sa wala at magsayang lamang ng panahon ang isinasagawang hearing ng senado kung mananahimik ang mamamayan. Ang ikinababahala, habang lumalaon, tila hanggang kay Abalos na lamang ang punu't dulo ng iskandalo. Unti-unting lumiliwanag na nagkakaroon na ng gapangan, nagtatakipan at nagsasabwatang ang marami, sa panig ng mga tauhan ng Malakanyang at ilan sa mga senador na i-damage control, proteksyunan ang pangulo at kanyang pamilya at all cost.

Ang pinaggigitgitang “in aid of legislation” ay malamang na mauwi sa walang katuturan at ang pinakamalungkot at malapit sa katotohanang “in aid of political visibility para sa 2010 presidential election ang kalabasan.” Ang tanong ng marami, may maipapakulong na kayang “big fish na malapit sa
Malakanyang” ang inbistigasyon ?

Kaya lang, sa ipinakitang asal at ikinilos ni Brenda, hindi lang astang RACIST at sobrang hangin, masyadong napaghahalatang tutang-tuta siya ng Malakanyang at kung pupwede lamang halikan ang tumbong ni Ate Glo, gagawin nito maisalba lamang ang pangulo. Tulad ng maraming sirkero, balimbing at oportunistang pulitiko, kung ating babalikan ang kasaysayan, mula kay Tita Cory hanggang kay Pres Erap Estrada, humalik sa tumbong si Brenda.

Sadyang nang-agaw na lamang eksena si Brenda ng ipagwagwagan nito ang China na isang bansang may matagal ng sibilisasyon sa silangan at nag-imbento ng kurakot. Nang matunugan nitong hopeless ng maisasalba si Abalos, imbis na si Abalos ang pag-usapan, dinavert ni Brenda sa China ang isyu't usapin. Bagamat ito'y kumambyo at nagsorry, kulang-kulang din ang laman at sustansya ang birada nito sa China.

Bagamat tamang sabihing sakim at TUSO ang bansang China, sana man lang itinaas nito ang ante laban sa mga "Intsik," muling nanawagang "iboykot ang produkto ng China, iboykot ang kumpanya ng China, sawatain ang pagbaha ng smuggled na gulay, damit, sapatos, appliances at DVD mula sa China at iboykot ang Beijing Olympic" dahil sa paglabag sa karapatang pantao, ang pagsuporta't pagtulong nito sa mga bansang awtokratiko't diktador at ang talamak na polusyon sa kalunsuran. (photo: http://www.ibgintl.com/image/delegates.gif)


Sa totoo lang, hindi lamang China ang gumagawa at nagpauso ng pangungurakot at panunuhol sa mundo, maging ang mga malalaking kumpanyang multinasyunal at TransNational Corporations/companies (TNC) sa Amerika at Europa ay ganun din at mas matindi pa kaysa China. Sapagkat hindi lamang nanunuhol at nang-uuto ang MNCs at TNCs, nananabotahe, pinapahina ang mga estado at higit sa lahat pumapatay pa ng sangkatauhan.

Para sa kaalaman ni Brenda, likas na sa isang bansang KAPITALISTA ang panunuhol at pambabraso. Lahat ng paraan ay gagawin (sakupin at okupahan ang Iraq at Afghanistan dahil sa langis) tumubo't kumita lamang ng limpak-limpak na salapi ang mga dambuhalang KUMPANYA.


Doy Cinco / IPD
September 27, 2007

No comments: