Tuesday, March 25, 2008

COMELEC, mananatiling buluk kay Melo

Mas umiral ang sistemang padrino kaysa sa intensyong isareporma ang kawalang kredibilidad, ang bangkarote, politicized-partisano, mismanaged, corrupt at bulok na ahensya ng Comelec. Kahit sabihin pa ng PPCRV, ng ilang Obispo, ni Sen Mar Roxas at Kiko Pangilinan na may "integridad, may competence, independence at may kahalong hustisya si Melo," nanatiling kabado't may agam-agam ang marami.Sa buong proseso ng paghahanap, nominasyon hanggang sa pagpili kay Melo bilang kapalit ni Chairman Abalos, kinakitaan ito ng pagiging “lutong macao at kawalang transparency.”

Bagamat tanggap ng mga Obispo si Justice Melo sa posisyon, may agam-agam ang karamihan sa dahilang mas kumbinsido silang mas kailangan ang isang batang-bata, energetic, may credible at highly respected na indibidwal sa pwesto. Sa tingin ng mga obispo, "sa gulang na 75, walang dudang uugud-ugud na at baka mas mahirapan si Justice Melo na imanage ang napaka-sensitibo at komplikadong tr
abahong ibangon ang prestiho ng Comelec."

Nakilala si Melo ng pamunuan nito ang walang kinahinatnang fact-finding Commission tutuklas at reresolba sana sa kaliwa't kanang extra-judicial killings sa Pilipinas, kung accountable ba si Ate Glo, Malakanyang, ang AFP o ang CPP-NPA? Ayon sa isang grupong Anti-Graft o ang The Center for Anti-Grft and Corruption Prevention, Inc. (CENTER), “malalim ang affinity ni Ate Glo sa bagong talagang Justice Jose Melo sa COMELEC." Malapit din sa mga Macapagal si Melo, hindi dahil sa siya'y tubong Kapangpangan bagkus siya'y dating naging executive assistant ng Malakanyang legal office nuong kapanahunan ng ama at nasirang dating Presidentent Diosdado Macapagal. Dating magkaka- eskwela't magbabarkada sila Commissioner Jose Melo at sila ni Abalos, ang pamilyang Puno, ang dating sport official na si Roberto Pangandaman, ang kasalukuyang DFA Sec na si Alberto Romulo sa Law School sa MLQU (Manuel L Quezon University. Sila'y mga kabilang sa tinatawag na ELITE 27, notably closely-knit alumni ng MLQU, tratong magkakapatid at cordial ang rela-relasyon sa isa't-isa.

Bago magretiro, mahigit apat napung taon (40) nagserbisyo sa gubyerno si Melo at ang 23 taon dito'y naigugol nito sa hudikatura. Noong 1992, habang acting presiding justice sa Court of Appeals,' inappoint siya ng dating presidenteng si Fidel Ramos sa Korte Suprema. Bukud sa pagiging Solicitor General noon 1971, naging acting commissioner ng Professional Regulation Commission at Civil Service commissioner si Melo. Ang SUMA, parang tinitiyak na ni Ate Glo na mga galamay nito ang magtatagumpay, ang magpapatuloy sa kapangyarihan at pamamalagi sa Malakanyang beyond 2010, hanggang 2016 ika nga, kung sakali mang magretiro daw ito sa 2010.

COMELEC mananatiling BULUK
Sa loob ng isa't-kalahating taon (2010 presidential election na), bubuhayin at ire-resurek ni Melo ang negatibong imahe ng Comelec, ang pinaka-unpopular, ang pinaka-distrusted, discredited na institusyon sa bansa. Sa kasalukuyang lagay at konteksto ng pulitika sa bansa, inaasahang mabibigo si Melo sa kanyang gahiganteng naka-atang na trabahong maibalik ang
pagtitiwala, maisiguro ang isang malinis, kapani-paniwala at mapayapa 2010 presidential election sa Pilipinas.

Hindi "election modernization o Automated Counting Machine (ACM)" ang solusyon sa isang peaceful, honest at credible election, bukud sa may makikinabang na naman sa procurement, walang ibubuga ang ACM sa mga mersenaryong mga operador at TRAPO, wa epek ito sa VOTE BUYING, kasal binyag libing, Philhealth card, cell card, insurance card, scholarship at ibang innovation sa vote buying. Walang magagawa ang ACM sa iligal na operasyon ng electoral machineries, bilyong piso't sobrang gastos sa election. Ang talamak na dayaan ay nagsisimulang maganap sa yugto ng "preperasyon bago ang campaign period, sa campaign period, sa bisperas ng election, sa post election, transitting at canvassing period hanggang sa proklamasyon." Bagamat may tulong ng kaunti, ang ACM ay mapapakinabangan lamang sa loob ng "dalawang (2) oras, samantalang iba't-ibang klase ng dayaan ang nagaganap sa dalawang (2 years) taong election fever o period sa bansa."

Mas ang inaasahan at tanong ng marami, "kailan io-overhaul ang Comelec at ire-reporma ang buluk na sistemang elektoral sa bansa?" Mangyayari't aasa pa ba tayo sa natitirang isa't kalahating taon ng termino ni Ate Glo na isa-priority ang Bill patungkol sa pag-ooverhaul ng buong institution? Sapagkat, kahit sinong mahusay na ipalit na puno ng Comelec, kung nakatanim, nakabaon at nainstitusyunalisa na sa ahensya ang dayaan, ang maraming Atty Lintang Bedol, ang mga tulad ni Atty Somalipao, Boy Macarambon at Magbutay, mga batalyong galamay na abugago ni GARCI, ang mga katulad na political warlord na Ampatuan mula Abra hanggang Jolo, magpapatuloy ang maraming Maguindanao incidence, ang patayan at dayaan sa buong Pilipinas.

Ang kahinaan ng kasalukuyang batas Omnibus Election Code, ang political patronage, ang casique politics- OLIGARKIYA at wardlordismong larawan ng pulitika sa bansa ang magdidikta ng masidhing pangangailangan ng isang electoral reform sa bansa. Habang namamayagpag ang kalunus-lunos na lagay ng pulitika sa bansa, suntuk sa buwang magkakaroon ng clean, honest, credible at peaceful 2010 election. Kung walang seryosong electoral at political reform, "tulad sa karanasan at kinasapitan ng bansang Kenya sa Africa, inaasahang mas hihigitan pa, mas titindi pa ang dayaan, kaguluhan at patayan sa 2010 presidential election."

Doy Cinco / IPD
March 25, 2008

Related Stories;
Witness exposes widespread bribery in COMELEC
http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryId=113295
Doubts cast on Melo Comelec posting
http://www.tribune.net.ph/headlines/20080127hed1.html

No comments: