July 15, 2008
Bigla lang pumasok sa isip ko na kung saka-sakali, gusto n'yo pa bang ibaba sa dating presyong P9.50 (dekada 80s at early 90s) kada litro ang halaga ng gasolina? Bukud sa imposibleng mangyari ito, masyado hypothetical question ang dating. Bigla akong nakapagsulat ng mapanood ko sa news kagabi ang paglusob ng grupo ng kabataan sa tanggapan ng Pilipinas Shell, bilang protesta sa patuloy na pagtaas hanggang langit ng produktong petrolyo at kahilingang “irollback ang presyo ng langis.”
Totoong malaki ang sinasakmal na tubo ng tatlong mga dambuhalang kumpanya ng langis sa Pilipinas, pero ang tiyak at sigurado rin, dahil sa maling patakarang pinairal, mas may malaking kasalanan o accountable ang mga estadong tulad ng Pilipinas sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo. Ang "patakarang deregulation, privatization at ang pinaiiral na 12% collection sa VAT" ang ilan sa matibay na halimbawa. Walang dudang mas matindi pa sa tama ng World War II ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa mahigit pitongpung milyong (70.0 milyon) kababayan nating mahihirap.
Sa tantya ko, pihadong nasa negatibo't positibo ang resulta ng mga kasagutan, depende na lamang kung nasaan ka nakalugar, istado ng pamumuhay, kung ano ang nasa likud ng batok mo, ang pampulitikang linya't ideolohiyang tangan-tangan mo, kung baga, sa kabuuan, maaring magkaiba-iba ang diskurso't pangangatwiran natin.
Sa konteksto ng Pilipinas, kung maibabalik sa P9.50 / litro ang presyo ng gasolina, halimbawa lang, malamang istatus quo ang magiging kalakaran at lagay ng ating lipunan. Hindi tayo nakasisiguro na iiral ang "demokratisasyon o ang partisipasyon ng mamamayan sa gubyerno't sa lipunang Pilipino." "Wala tayong katiyakan na magkakaroon ng pagbabago sa buluk na sistema ng politika't ekonomya ng bansa. Wala ring duda na ang distribusyon ng kayamanan ay patuloy na mapapakinabangan lamang ng iilang naghahari."
Maaring sabihing may pag-unlad ang ekonomya, partikular sa sektor ng agrikultura't industria, pero ang tanong, sino ang mas makikinabang, kanino ang "means of production at sino ang mas may KAPITAL?" Ika nga ng mga kaliwa, "sino ang mas makikinabang sa ganansyang idudulot ng pag-unlad ng ekonomya, ang masang Pinoy, mga CASIQUE o ang mga corporate elite?" Sa P9.50, mawala kaya ang rebelyon, insureksyon, banta ng KUDETA at manalo na ang Kilusang Kaliwa? Mukhang wala ring kasiguruhan.
Sabi nga ng mga aktibista, "mapang-api't mapagsamantala ang balangkas na istruktura ng lipunang Pilipino." Meaning, lumalaki ang agwat ng mayaman at mahihirap. Ilang malalaking pamilya't makapangyarihang pulitiko lamang ang walang dudang mamayagpag sa kasaganahan at karangyaan. Wala rin kaduda-duda na ang mga dambuhalang mga Oil companies (nakalista sa New York-London Stock Exchange) at gubyernong Pilipino ang tiyakang magpapatuloy sa pakikipagsabwatan at pagsasamantala sa dugo't pawis ng mayoryang mahihirap.
Sa kabilang banda, kung bababa sa P9.50 / litro at ito naman marahil ang gusto ng marami, walang dudang bibilis ang takbo ng ilang ulit ang “CLIMATE CHANGE o ang ina-advocate ni VP Gore at ng GREENPEACE ang Global Warming sa mundo.” Bunsod nito anya, kaliwa't kanang dilubyo at trahedya (bagyo, baha, tagtuyot, peste) ang kasasapitan ng mundo.
Sapagkat mura na ang gasolina, milyong pinoy ang bibili ng sasakyan at di lang simpleng sasakyan, tulad sa Amerika, big cars, toy truck, libu-libong mga SUVs (sport utility vehicle) sa mga Urban Centers ang babalagbag sa mga lansangan. Makasabay kaya sa development ang mga mega projects, inprastraktura ng pangulo? (Left photo: traffic on Edsa, www.filipinasoul.com/.../
Kung P9.50 / litro ang gasolina, kinakabahan ako at baka hindi matutong sumakay sa MRT at tamrin ng maglakad ang mga tao, lalo na ang middle class. At kung saka-sakali, baka ang pinaplanong maramihang pagtatalayo ng mass railway transit (MRT, train system), meaning ang pagtatakwil sa fossilized fuel ay ganap ng maunsyami. Malamang walang mae-envision na E-Jeepney at hindi na kwela ang paggamit ng BISIKLETA. Malamang hindi mag-click sa tao ang kaliwa't kanang GREEN MOVEMENT sa bansa o sa buong mundo. Mahihirapan na rin maitayo ang mga kilusan at partidong naka-ugnay sa kalikasan at pagsugpo ng polusyon (Clean Air).
Sa murang fossil fuel, walang lilitaw o babagal ang pagdevelop ng alternative source of energy, tulad ng SOLAR, WIND, WATER, geothermal Powered energy, iba pang uri at conservation ng tubig at kuryente. Dadami ang private vehicles, mas titindi ang trapik sa Commonwealth, Quezon Av, Edsa o saan man sulok ng Kalakhang Maynila. Malamang, hindi na mag-interest ang mga CAR companies na gumawa ng HYBRID, electri at Hydrogen fuel Car, compressed natural gas powered na BUS at iba pa sa mundo.
Kung noon ay kontrolado ng OIL CARTEL o mga monopolyong kung tawagin ay SEVEN SISTERS, mga dambuhalang oil companies na binubuo ng US, UK at mga mayayamang kanluraning bansa, ang 90% ng langis sa mundo, mula sa oil production, refining at distribution ng langis, sa ngayon, "pawang mga ESTADO, mga gubyernong astig (State Owned) ang may hawak ng mahigit 90% ng langis sa mundo."
Kung noon (60s-70s) ay may SEVEN SISTERS;
1.Standard Oil of New Jersey, ang Esso, Mobil at ExxonMobil (US);
2.Royal Dutch SHELL (Anglo-Dutch);
3.British Petroleum, dating Anglo-Persian Oil Company, BP Amoco;
4.Standard Oil Co. of New York ("Socony"). Mobil, Exxon at Exxon Mobil
5.Standard Oil of California ("Socal") o CALTEX. Naging Chevron, Texaco, CHEVRON TEXACO at kalauna'y naging CHEVRON;
6.Gulf Oil, noong 1985, malaking bahagi nito ay nakain ng Chevron. Ang ilang bahagi ay napunta sa BP;
7.Texaco. Nagsanib sa Chevron in 2001. Naging ChevronTexaco, Chevron
Ngayon, “walong supermajors;"
1.Saudi Aramco (Saudi Arabia)
2.JSC Gazprom (Russia)
3.CNPC (China)
4.NIOC (Iran)
5.PDVSA (Venezuela)
6.Petrobras (Brazil)
7.Petronas
8.Pemex (Mexico)
"Ang grupong ito ang siya ngayong may kontrol ng halos 90% ng produksyon, refining at distribusyon ng langis sa mundo." Ano na ang nangyari sa Oil Cartel, sa grupong Seven Sisters? Mula sa pito, apat na lamang ang nagsusurvived; ang ExxonMobil, CHEVRON, SHELL at BRITISH PETROLEUM.
Sa kaso ng Pilipinas, ayon sa datos na inilalabas sa mga pahayagan, mas malaki ang kinikita ng gubyerno, mga P80.0 bilyon noong nakaraang taon sa anyo ng koleksyon sa VAT sa langis kung ikukumpara sa pinagsamang kinitang tubo ng mga Oil Companies na P10.5 bilyon.
Marami ang naniniwala na ang umiiral na presyo ng langis sa world market ay bloated at espekulsyon lamang. Sa kabila ng paglaki ng produksyon ng langis sa mga OPEC countries, imbis na bumaba ang presyo, "ang build-up ng nuclear arms ng Iran, ang tensyon sa Gitnang Silangan, ang pananabotahe sa mga pipeline ng langis ng mga liberation movement (gerilya) sa Nigeria, at ang patuloy na pagpapasabog ng mga militante sa mga Oil refineries sa Iraq ang pinalulutang na isyu at pinalalabas na dahilan."
Kaya't para sa akin, sa tanong na "kung ibabalik sa P9.50 at kung aabot man sa P100.0 / litro ng gasolina, ang sagot ko diyan, depende sa labanan."
No comments:
Post a Comment