July 8, 2008
Hindi ko lang alam kung uubra pa rin sa mga Pinoy ang pagiging pasensyoso't matiisin pagdating sa pagbabago ng pamumuhay, pagdidildil ng asin sa hapagkainan, sa tindi ng kagipitan sa buhay at hanggang langit na taas ng presyo ng petrolyo at bilihin. Kung sa P54 – 62.00 / litro ng petrolyo ay tila ayos pa, mukhang kakayanin pa, ewan ko na lang kung sa P100.00/litro, baka tuluyan ng magwala't maghurimintado ang mga Pinoy?
Ayon sa mga eksperto, kung sa ngayo'y naglalaro sa $145.00 / barrel ang bilihan, malaki ang hinala na baka bago mag 2009 at 2010 election, bumulusok sa $200.00/barrel sa world market ang presyo ng petrolyo o katumbas ng mga P80 - 100.00 / litro ng gasolina. Kung mangyayari ito, para na ring nagkaroon tayo ng isang klase ng digmaang magpapahirap sa sangkatauhan, papatay sa milyong sanggol kada araw, paglago ng prostitusyon, mas masahol pa sa pinsalang idinulot nuong World War II, ang pandaigdigang pakikidigma ng Global KAPITAL kasabwat ang Malakanyang at mga lokal na pulitiko laban sa mahihirap na Pilipino.
Ang masakit, sa kabila ng patong-patong na krisis na kinasasapitan ng marami, makakarinig ka pa ng “hindi na kailangan ang isang pagbabago ng patakaran sa ekonomya, manageable pa't tamang economic fundamental daw ang tinatahak ng country.” Ang dating kalakaran, ang dating pang-ekonomyang balangkas na “bangkang papel na Noah's Ark," tulad ng pamumudmud ng P500 sa mga tao, isang makalumang moda ng kaunlaran na dinisenyo ng isang pulpol, teknokrata't pulitikong si Salceda.
Sa ganang akin, parang inutil at walang gubyerno, wala tayong maramdamang naggugubyerno. Tama nga ang pakiwari ng marami na “mahina nga't weak ang estado at walang kakayahan itong ipagtanggol ang sariling mamamayan.” Ang nakakapanglupaypay, patuloy na pinaninindigan ng mga tinaguriang lider-pulitiko na nakaupo sa Malakanyang at lehislatura na “wala itong magagawa, wala itong kinalaman, manalangin na lamang tayo, beyond their kontrol ang sitwasyon, sapagkat ito naman daw ay pandaigdigang penomenom.” Maaring sa panahon ngayon ay kaya nilang linlangin ang masa, pero kung ito'y makapag-iipon ng lakas, sama-sama kikilos, may ilan daang libo lalabas sa kalsada, sustinido at mananawagan ng pagbabago, baka mag-iba ang rason at ihip ng hangin.
Kung noon, may tatlumpu't taon na ang nakalipas ay may Oil Price Control, may Oil Price Stabilization Fund (OPSF), may buffer na ipinatutupad sa pabago-bagong presyo ng langis, mayroong pagrarasyon ng gasolina, kayang brasuhin at kontrolin ang lokal na industria ng langis, may tigasing regulatory power ng estado na kahit paano'y naipagtataggol ang mamamayan. Sa ngayon, nagbago ang panahon, tila inutil ang gubyerno, wala siyang paki kahit tumaas at umabot hanggang langit sa 15% ang inflation, poverty at malnutrition rate ng bansa. Maliban sa pamumulitika't paghahanda sa 2010 election, nagkakakasya na lamang sa patsi-patsi, peacemeal, palyatibo at reactive na mga patakaran tutugon sa krisis ng bansa ang mga pinuno raw, ang mga kinatawan daw ng bayan?
Bukud sa popular na panawagang pagbabasura ng VAT, bakit hindi bawiin ng gubyerno ang Petron, pambalanse't mayroon lang pantapat sa Shell at Chevron? (Photo above: http://www.audiowav.com/wp-content/uploads/2008/05/mrt3_shaw2_2.jpg, http://farm3.static.flickr.com/2150/2050294144_beb7f63b9d.jpg ; bp1.blogger.com/.../
Kung may pagtatangkang bilhin ng gubyerno ang MERALCO, bakit hindi ang Petron? Ano ang problema't balakid at bakit hindi payabungin, suportahan at palaganapin (mass production) ang E-jeepney, magradical shift mula sa fossil fuel (langis) tungo sa paggamit ng elektrisidad para sa pangmasang transportasyon? Bakit ayaw ipatupad ang pagkakaroon ng malawakang bicycle lanes sa lahat ng estratehikong lansangan sa Kamaynilaan, kahalintulad sa Shanghai, Copenhagen at Amsterdam? Dahil ba sa walang SOP, walang dilhensya sa mga proyektong ito?
Dahil sa pakinabang sa EVAT (expanded value added tax), sale tax, excise tax at iba pang uri ng tax, parang kasangkot ang gubyerno sa pagpapahirap at panggagahasa, pagsasamantala at panggogoyo sa mamamayan Pinoy. Tulad ng mga dambuhalang kumpanya ng langis, nakikinabang at nagpapasasa ang Malakanyang sa kahirapan, pagsipsip ng dugo't pawis ng mamamyan.
Ayon sa mga kritiko, ang Value Added Tax (VAT) na umaabot sa 12% at iba pang uri ng buwis ay sa totoo lang ay hindi bumabalik sa mamamayan sa anyo ng pagpapataas ng uri ng pamumuhay o pagdelver ng basic services. Sapagkat, kailanman'y hindi nakinabang ang mga Pilipino sa biyayang yaman ng bansa, bagkus ito'y kinukupit, kinukurakot (pork barrel), bayad utang sa mga galamay, kaalyado sa pulitika at ipinangmumudmud lamang ng Malakanyang bilang mga suhol ("special concerned" ng Malakanyang) at payroll sa mga lider ng sektoral organisasyon (Transport Organization, Urban Poor Organization, Simbahan at iba pa) sa bansa.
Sa totoo lang, tulad sa maraming mauunlad na bansa, maganda ang konsepto ng EVAT kung "efficient, may good governance, may strong republic, may accountability, responsive, may partisipasyon ang mamamayan sa paggugubyerno at higit sa lahat, nagdedeliver ang isang gubyerno. Walang masama sa EVAT kung may fiscal stability na dulot ng efficient na collection ng revenues at paggastos ng salapi't kabang yaman ng bayan."
Sa loob ng walong taon sa kapangyarihan, bukud sa pagiging valedictorian sa Asia sa larangan ng pangungurakot, ano ang track record ng Malakanyang sa pagsugpo ng katiwalian sa burukrasya? Hanggang ngayon, taun-taon, ultimo KUBETA, kakulangan ng mga guro't silid aralan ay 'di mareso-resolba, simpleng relief and rehab sa mga trahedya ay nagkakandarapa. Kung baga, bakit pa kailangang magcontribute ang mamamayan (sa anyo ng buwis) kung wala na itong tiwala sa gubyernong iba na ang pinaglilingkuran? Kayo na ang makapagsasabi.
Related Story:
KITA ng VAT NAWAWALA ni BOYET JADULCO, ROSE MIRANDA, JUN TADIOS at NOEL ABUEL
http://www.abante.com.ph/issue/july1008/default.htm
1 comment:
ce site Gucci Dolabuy jetez un œil à ces gars Dolabuy Bottega Veneta ce contenu sacs à dos de créateurs de répliques
Post a Comment