Ano ang gagawin mo, ninyo, natin lahat kung saka-sakaling umarangkada na, pumutok ang KUDETA? Kanino ka papanig, saan ka tataya-pupusta, saan ka pupwesto? “Wala lang?” Teka muna, bago ang lahat, siguraduhin muna nating tunay nga o peke ang kudeta. Mahirap na't baka ma-pusoy tayo, makoryente o ma-wow mali? Ayon sa ilang pahayagan, maraming paksyon sa loob ng kasundaluhan na gustong mauna, mang-ambus (grupong “Tabak” at mukhang may dalawa pang grupo) at maghangad ding agawin ang gubyerno ni Ate Glo? Hindi lang natin alam kung may reform agenda ito?
Ang isa pang dapat ikunsidera ay ang posibleng gulpe atake ng Malakanyang. Kung titindi ang political mobilization sa huling bahagi ng February '06, may ugung-ugung na malamang magdeklara ng emergency power si Ate Glo. Aasahang may gagawing kontra-opensiba ang palasyo, si Tabako, si Sec Angelo Reyes, si Sec Senga at iba pa. Pwedeng gumawa ng alingasngas (senaryong “COUP me”) ang mga ito at sirain ang plano ng kanyang mga kalaban.
Kung “lalaruin natin” ang ating mga pag-iisip, sa katanungang naka-post, assuming may ideklarang Martial Law at umarangkada ang kudeta't may political mobilization. Ano ang gagawin mo?
Kung ako'y isang taong walang paki-alam sa mundo o barbarian, panigurong hindi ko ito mapapansin, nasa bahay, kukuya-kuyakoy, tulug dahil may hang-over sa inuman, bising-bisi sa raket o patuloy sa paghahanap ng trabaho (lokal o OFW). Maari ring nagpapalamig-namamasyal (sa mall), nanunuod ng sine, gumigimik ng kung anu-ano o chumichika-chika sa kapit-bahay. Mayorya ng tao sa mundo ay malamang na sa ganitong option.
Kung ako'y aware sa nangyayari at hindi kabilang sa anumang organisasyon (pampulitika o pang-sektoral), malaki ang posibilidad na imonitor ko na lamang sa radio't TV ang naturang kaganapan. Kung walang ginagawa, magyaya ng kasama at panuurin (ring side-parang boxing) ang labanan sa di gaanong kalayuan. Malaking bahagi rin ng ating kababayan (silent majority) ay posibleng ganito ang gawin.
Kung ako'y isang maralita't hindi organisado, posibleng; dedmlang, walang paki-alam sa nangyayari, tuloy lang ang pang-araw-araw na gawain sa buhay. Kung malapit lang sa lugar (site ng kudeta), maaring maging uzi (usisero/a), mag-antabay sa gilid-gilid at baka maambunan (may namimigay) na chibug o makapang-agaw ng kung anu-anong bagay na pwedeng pagkaperahan. Pangalawa, magsama ng kakilala, maging uzi pa rin at mapasama sa isang looting operation sa palengke, Mall o sa malalaking tindahan. Malaking bilang ng populasyon sa Kamaynilaan ang malamang mauwi sa ganito?
Kung ako'y isang militante at organisadong maralitang-taga lunsod, estudyante, civil society, moderate left at simpleng aktibista lang, walang dudang lalahok ako at papanig sa kaaway ni Ate Glo. Susuporta sa kudeta, pupwesto sa 'di kalayuan distansya at gagawa ng diskarte. Dalawa ang pwede kong pagpiliang gawin; maaring kahalubilo ko ang mga Magdalo-YOUng-aktibistang sundalo o nakapwesto sa ibang lugar na kabahagi rin sa network. Pwedeng nakapwesto't nag-rarally, nagpipipol power o nagba-barikada (strategic highways). May tangang puting bandila, may tangan-tangang bulaklak na rosas, nang-aagaw, namumulot ng armalite ng kalaban, kino-kumander ang isang army truck, APC ng Army at “sinisiguradong tahimik ang takbo ng mga pangyayari.” Maari rin namang habang nasa katindihan ng aksyon, nilulusob ang Malakanyang, nilu-looting ang ware house ng NFA (Araneta Av, Polo-Bulacan area), iba pang groceries at supermarket.
Kung ako'y isang middle class na aware din sa nangyayari at wala ring kinapapaloobang organisasyon. Malaking porsientong matuwa ako sa nangyayari, kampihan ko ang Magdalo-YOUng, mga patriotiko-nasyonalista't-batang sundalo. Imonitor sa radio't TV ang blow by blow account ng kudeta at makipaghuntahan-debate sa mga kakilala't kamag-anak. Kaya lang, malaking posibilidad na manatili na lamang ako sa bahay, opisina, makipag-text o makipag-inuman sa barkada o kapit bahay.
Kung ako'y middle class at kabilang sa militanteng grupo, aatend ako sa isang emergency meet na malamang ipatawag ng organisasyon at desisyunang suportahan ang Magdalo-YOUng. Kokontak at manghihikayat sa ibang kakilala na dumalo sa pagkilos. May baong pagkaing magkakasya sa limang (5) tao, pupunta sa site ng labanan, sasama sa rally, pero hindi gaanong magtatagal at pupuslit na rin kung makaka-tiempo.
Kung ako'y isang mayaman, negosyante at nakaka-angat sa buhay, posibleng wala akong paki-alam sa mga nangyayari, posibleng ring mag-neutral (anti-GMA at Magdalo/YOUng) o kabahan ako sa mga kaganapan sa Kudeta. Maggo-grocery, tirik bahay, magmonitor sa TV at tiyaking safe ang buong pamilya't negosyo. Maari rin namang, magbakasyon muna, kontakin ang travel agency at ihanda ang trip papalabas ng country.
Kung isa ka sa mga nabanggit o kung nakaligtaan kong isama ka dito, ihabol na lang natin!
-doy cinco/IPD
Feb 8, '06
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment