Totoong mauuwi nga sa military adventurism ang lahat, kung ang mga PATRIOTs (Magdalo-YOUng) ay maiiwang nag-iisa sa laban at kung walang malinaw na civilian components. Magiging pasaway nga ang mga PATRIOTs kung hindi nating aagapayan, kung wala itong katuwang sa pakikibaka, kung hindi tayo gagabay lalo na sa isyu ng tipo ng gubyerno, tipo ng transition revolutionary government at sa tipo ng pampulitikang engagement na susuungin ng PATRIOTs bago at matapos maibagsak ang rehimen ni Ate Glo. Kung magkaganito man at sana nagkakamali ako, “Military Junta” ang kauuwian ng lahat. Uuwi nga tayong luhaan, bigo, Biernes Santo at kanya-kanya na tayong mag-alsa balutan!!
Walang dudang tutungo sa military adventurism ang lahat kung wala tayong tactical engagement sa mga PATRIOTs, posibleng magkaligaw-ligaw ang direksyon, lalo na't sa tipo ng pakikibaka't anong tipo ng mga panawagang maglalagay sa kangkungan o wastong linya ng pampulitikang pakikibaka. Totoong mauuwi nga sa lantay militar (military adventurism-sa dulo ng gatilyo na lamang) ang pagsisikap nila't atin, kung walang magkasabay na political struggle at pampulitikang pwersa.
Alalahanin nating na habang tumatakbo ang panahon, ang mga araw, Linggo at tagiktik ng sigundo't minuto, lumalaki ang tsansa't posibilidad na tanging ang kumbinasyon ng kilusang masa't rebelyong militar ang gugupo at wawakas sa rehimen ni Ate Glo! Sa kabilang banda, mas nanlulumo, bangungut, nalalagay sa alanganin, lumalabo sa takbo ng panahon ang pag-asang maibagsak si Ate Glo sa pamamagitan ng constitutional process, meaning, impeachment, panawagang mag-resign si Ate Glo't Noli De Castro, snap election at anggulong Sen Drilon for transition president.
Malaki ang ating pananagutan na maiderehe ang pinagsamang laban ng PATRIOTs at kilusang masa. Kung wala sa atin ang may lakas ng loob, may “K”, ang may buto sa gulugud at may prinsipyong makipag-tactical engage sa hanay nila, lalo na't sa konteksto ng kanilang ginagalawan, tuluyan ngang mapapariwara ang inaasam-asam nating bukang liwayway, ang isang istadong malakas at may mahigpit na pananalig sa demokrasya (strong and democratic STATE).
doy cinco / IPD
Feb 13, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment