Ginagawa n'yong TANGA....
Nakakapanglupaypay isiping ang trahedyang naganap sa Ultra nuong umaga ng Linggo. Lumantad mula Aparri hanggang Jolo at sa buong mundo, mula CNN, BBC, German DW, hanggang sa iba pang pandaigdigang pambalitaan ang kalunus-lunos na kalagayan ng mga Pilipino.
Pawang mga maralitang taga-lunsod at mga taga-baryo mula pa sa kanayunan ang halos mga naging biktima. Ang daming nagpasikat at pumapel. Photo ops si Ate Glo at naglipana ule ang mga pulitiko. Nagtuturuan, walang umaamin kung sinong mananagot at may sala. Mukhang palalabasin pa atang “ang mga biktima pa ang dapat sisihin, ang may kasalanan at ang nangbiktima (ABS-CBN) ang siyang nalugi at naging kawawa?
Ipinapakita sa larawan kung gaano kadesperado na ang mga kababayan nating mga mahihirap. Imbis na ibangon sa kadukhaan, ihango sa karalitaan at maitaas ang puri't dangal ng mga tao, pinagsamantalahan, pinagkakitaan, ginogoyo at pinagloloko pa ng mga ganid at buwitreng mga programa ng noon time show (ABS-CBN at GMA-7), partikular ang Wowowee. Ginamit ng mga istasyong ito ang mahihirap na Pinoy upang dumugin ng audience, sumikat at pumatok ang kanilang palabas-programa. Walang dudang mas malaki ang kanilang kinikita kaysa sa kanilang pinamimigay na premyo. Eka nga, “wala tayong magagawa, negosyo lang 'to”. Ikaw na ang maging dorobo at kapitalista.
Anong uri ng kultura't asal ang ikinikintal, ang isinasalaksak at prino-promote ng mga istasyong ito? Kasipagan ba, pagmamahal ba sa kapwa, katalinuhan ba, pagiging malikhain ba, pagiging kritikal ba at mapanuri, kolektibismo ba't hindi maging makasarili o pagmamahal ba sa country? Kung tutuusin, wala itong pinagkaiba sa SUGAL, weteng, Lotto, karera, masyao, kara-cruz at KULTOng lumalaganap ngayon sa tabi-tabi. Trinatratong pulubi-mendicant, pagiging pala-asa, game of chance, “swerte ka-malas mo” ang buhay at kuluwa ng mga kababayan natin. Parang ang lahat na lang ay kwarta, kwarta, kwarta! Winawasak nito ang Filipino values. Ginawang mga sira-ulo, mukhang TANGA at mukhang gago ng mga programang ito ang mga abang kalagayan ng mamamayan.
Hindi wastong sabihing normal lang, ganun talaga, apologetic ang dating, “kahit saang lugar, kahit sa mayayamang bansa ay sadyang may trahedya” (stampede-soccer-football-world cup games), ani ni Mike Defensor. Tarn.....tdo, magkaiba ang konteksto dun, malayong-malayo! Totoong may trahedya (riot pa nga eh), totoong may nagaganap na stampede sa England, sa Netherland, sa France, Brazil at Germany sa ilang madamdaming mga labanan (national pride) sa larong football sa stadium.
Kaya lang, ibang-iba ang kaso dito. Dito'y sangkap ng desperation, pumipila ka ng tatlong araw (3 days before) para lamang maka-una sa pinamimigay na ticket, parang sinusuhulan ang mga spectator (audience) na suportahan ang istasyon at programa, may pangakuan, namimigay ng kwarta, premyo at mga bagay-bagay (tricycle) na kakailanganin ng isang mahirap, ginagawa kang gago, kinekengkoy ka, pinagtatawanan ka at higit sa lahat, sinisira ang pagkatao't kaluluwa mo.
Kung mas palalalimin natin ang pagsusuri, walang ibang dapat sisihin dito kundi ang karalitaan at survival- ang kapit sa patalim, ang karalitaang ibinunga ng matagal ng pagkakasalaula ng country sa mga pulitiko, (nuon at ngayon-failure of governance), ang pangungurakot at katiwalian. Walang substansyal na pagbabagong naganap sa ilalim ng limang (5) taong panunungkulan ni Ate Glo. Mula kay Marcos, 3 Edsa at magpahanggang ngayon. Sa ilalim ng elitistang paghahari, nabangkarote, nabansot at nagkaroon ng permanenteng trahedya ang country!
Doy Cinco/IPD
Feb 7,'06
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment