Walang dahilan upang hindi tutulan ang panukalang gawing 180 minuto ang kasalukuyang 120 minutong airtime sa political ads sa television at radyo sa nalalapit na 2007 election. Ayon kay Etta Rosales ng Akbayan party list, "lalo lamang ilalatag ng nasabing panukala ang diskriminasyon at pag-eetchapwera sa mga pangkaraniwang aktibistang pulitiko na de kalibre ang taglay na kakayahan na maglingkod sa publiko." Palalalain lamang ng panukalang ito ang 'di pantay, di parehas (level of playing field) at elitististang sistema ng election.
Hindi lingid sa kaalaman ng country na buluk at para lamang sa mayaman ang sistema ng election sa Pilipinas at ito'y deka-dekada ng advocacy at hinaing ng maraming sector na ireporma ang sistema. Layunin ng kampanyang i-democratized at resolbahin ang krisis ng representation na naililikha ng kabulukan ng sistemang election. Nakapatungkol ang nasabing reporma sa pagbabago't pag-ooverhaul ng Omnibus Election Code, ang Comelec, selection process sa itatalagang commissioners, ang campaign funds at conduct, political party at election modernization (computerization).
Pabor sa mayayaman, showbiz, divisive at TRAPO ang sistema ng election. Nakakalungkot isiping hindi na mahalaga ang usapin ng track record at plataporma sa election. Walang electiong walang dayaan, patayan at kaguluhan. Walang pulitikong tumatanggap ng pagkatalo. Dahil dito, umangkop na rin pati ang mga botante; "kung kikita ka rin sa election, bakit hindi mo samantalahin, kahit sino man ang maupo wala ring nangyayari, walang pagbabago, kung kanino ka makikinabang iyon ang iboto mo. "
Ginagamit na instrumento ang election ng TRAPO at elite para konsolidahin at palawakin pang lalo ang kanilang impluwensya at dinastiyang politikal. Kung ika'y isang seryosong kandidato sa antas distrito, mangangailangan ka ng pondong humigit kumulang na limampung milyong piso (P50.0 milyon) upang maisiguro at maisecure lamang ang iyong panalo. Ilang milyong piso ang kalailanganin sa isang 5th - 2nd class municipality at sampung bilyong piso (P10.0 bilyon) ang kakailanganing campaign funds sa isang presidentiable aspirant? Kaya't kay daling unawain kung bakit laganap ang pangungurakot (pagbawi sa gastos ng kampanya) , utang na loob at padri-padrino sa pulitika.
Wala tunay na political party sa bansa. Sa esensya, ang mga pampulitikang partido sa election (KAMPI, Lakas-NUCD, NPC, KBL, LP at NP) ay binubuo lamang ng iba't-ibang alyansa ng pamilya, paksyon, Law Firm, fraternity at network para ipanalo ang kandidato, hindi pa para isulong ang tunay na plataporma de gubyerno nila. Sa tuwing may election lamang nabubuhay ang political party.
Sa election, napakahalaga ang isang electoral machinery, lohistika at personalidad. Ito ang nakakapanglupaypay na mga kadahilanan kung bakit hindi matinag-tinag ang pamamayagpag, ang monopolyo't KARTEL ng TRAPO-elite sa Tongreso, Senado at maging sa LGUs.
Inaasahang babaha ng dinero't resources sa nalalapit na 2007 election. Ito ang hayagang ibinunyag ni Sec Gabby Claudio ng Malakanyang na isang super machinery, kasadong- buhos resources (P100.0 bilyon war chest) ang ibabalagbag ng Malakanyang upang masawata ang bantang panalo ng oposisyon sa Kongreso.
Mapupunta lamang ang malaking bahagi ng campaign funds (national-district level) sa malalaking networks ng broadcast at print media. Daang libong piso ang bayad sa mahigit 30 segundong political ads sa Abs-Cbn, GMA 7 at ABC 5. Halos ganito rin ang halaga ng isang pahinang pol ads sa PDI, Phil Star at Bulletin Today, hindi pa kasali rito ang ilang daang streamers- tarpuline, pulyeto at gastusin sa poll watchers. Paano makakayanan ng isang Party List o isang pangkaraniwang kandidato ang milyon-milyung halaga't gastusin sa election campaign? Talagang perahan na lamang ang election! Hindi nakakapagtaka kung bakit tumataas ang kriminalidad, patayan, bank robbery sa tuwing papalapit na ang election.
Kung makakalusot ang panukalang 180 minutong political ads, dagdagan pa ng Kasal Binyag Libing (KBL), makinarya't vote buying, dagdag-bawas, pandaraya't pananakot (dirty tricks) sa election, walang kaduda-duang mga PEKENG kinatawan ang maililikha sa Tongreso at sa local government units (LGUs), wala ring dudang lalala lamang ang krisis ng representasyon, patayan at kaTRAPOHAN sa bansa.
Kung magkaganito man, wala ring kaduda-dudang panghahawakan ng mamamayan ang “extra constitutional” na paraan ng adbokasiya, pagbabago't pakikibaka para sa demokrasya't kaunlaran; kaya't sa ayaw man natin o sa gusto, magiging bahagi na ng kultura natin ang insureksyon, rebelyon, armadong pakikibaka, at hindi titigil ang malalaking rally, demonstrasyon sa lansangan (parliament of street) at kung susuwertehen, may bonus pang KUDETA sa mga junior officers. Ang tanging makakapigil lamang sa madugong labanang ito ay ang isang matino, demokratiko, credible at mapagkakatiwalaang ELECTION.
Kung ganito ng ganito, paulit-ulit at hindi natututo ang estado, hindi tayo magtatakang papaling sa bullets ang mamamayan imbis na ballots? Nasaan ang demokrasya kung puro TRAPO- kurakot at pekeng kinatawan ang palagiang nailulukluk sa poder ng kapangyarihan, nasaan ang partisipasyon ng mamamayan kung mawawala ng tuluyan ang tiwala't pagdududa sa election process at representasyon? Kailan ma'y hindi nakalasap ng demokrasya ang mga Pilipino. Kailan matatapos ang rebelyon at pagrerebolusyon ng ating mga kapatid sa Kaliwa at Mindanao?
Maraming kritiko't panlipunang nagsusuri, kasama ang ilang kilusan at ilang mga developmental NGO community ang nag-iinovate at nag-aaral ng mga makabagong sistem ng paggugubyerno't representasyon sa grassroot level, sa community. Marami sa kanila ang naniniwala't bumabaling na sa kawastuhan ng direct democracy kaysa sa makalumang "representative democracy" na tumarantado, pinauso't pinamana sa atin ng mga Amerikano.
Masarap sanang pangaraping maipagbabawal na sa election campaign ang POL ADS sa media (broadcast at print), ipagbawal ang badtrip na pagdidikit ng poster sa highway-lansangan, dumurumi lamang ang kapaligiran, ipagbawal ang streamers-tarpuline na nakakadistorbo sa traffic at wala ng poll watchers. Malaking katipiran ito sa bahagi ng mga kandidato. Mas mainam din marahil (alternatiba) kung magkakaroon na lamang ng mga PULONG BAYAN, debate't diskurso sa mga plaza, lansangan o dili kaya'y sa istasyon ng telebisyon at radio ng gubyerno. Lahat ng aspirante ay pantay at parehas na mabibiyayaan, makapagpapahayag ng track records, plataporma de gubyerno at makakapagpakilala ng sarili.
Attention PPCRV ng Cathoic Bishop Conference of the Philppines.
links:
http://www.journal.com.ph/index.php?issue=2006-12-05&sec=4&aid=3505
Doy Cinco / IPD
Dec 5, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment