Sa akalang "pa-pogi points," maibabalik ang pagtitiwala ng masa at makakabawi, lalo lamang inululubog ang sarili sa kumunoy ng kasaysayan. Ibinasura kuno ang Con Ass at ngayon naman'y sang-ayon na ang Malakanyang at Kongreso sa PLAN C, ang Constitutional Convention (Con Con) at tuloy na raw ang May 2007 election.
Bakit biglaang kambio si Ate Glo at Sec Gabby Claudio? Dahil ba ang kahuli-hulihang kaututang dila nitong Iglesia ni Kristo (INK) ay nagbabanta na ring kumalas sa administrasyon at sumama na sa ikakasang pipol power ng CBCP, El Shadai, Bangon ni Bro Eddie Villanueva, militanteng kilusang masa at oposisyon laban sa Con Ass?
Huli na ang lahat, ngayon pa! Wala na sa panahon at nasa "oust GMA" at electoral mode na ang country. Matapos gahasain, matapos lamutakin, yurakan, tarantaduhin at salaulain, gusto pa nitong lokohin pang muli si MARIA, pakasalan sa simbahan at taihan ng ipot ang ulo. Sinayang lamang ni Ate Glo ang sandamukal na resources, pagkakataon at mahabang proseso ng malawakang consultation, pag-eeduka, pag-uunawa't kawastuhan ng isyung Constitutional, political reform, parliamentary shift at charter change.
Kung sana'y bago pa sana isinulong ng Sigaw ng Bayan, ULAP at DILG nuong nakaraang taon ang People's Initiatives, CON CON na sana ang itinulak, sapagkat ito ang sinasandigan ng maraming sektor. Sa pagmamadali't kapraningan, URA-URADA at na sa balangkas ng political survival, may "tatlong buwang" (3 months) niratsada ang People's Initiative, may talong araw (3 days) namang kinumando at nirailroad ang Con Ass at ngayon, ang Con Con, 72 oras at garapalang "nagbigay pa ng ultimatum."
Hindi na magbabago ang posisyong patuloy na panindigan, igiit, tapusin at iresolba muna ang "isyu ng ligitimacy, isyu ng linlangan, dayaan, political killings at katiwalian." Hindi rin magbabago ang panawagang "ang Cha Cha pagwala na ni Ate Glo, meaning, ang Charter Change after GMA, cha cha sa tamang panahon, pagkaraan at kapag wala na sa poder, sa pwesto sa Malakanyang si Ate Glo." Sapagkat ang isyu ng iligitimacy, panlilinglang at katiwalian ang siyang pangunahing tuun sa ngayon ng country sa kasalukuyan.
Katawa-tawa at kaduda-duda ang Plan C, ang panawagang biglaang kambiyo sa Con Con - charter change ng Malakanyang at 72 hrs ultimatum sa Senado.
Una, hindi maibebenta sa Tongreso, hindi papatok sa mga pulitiko-TRAPO ang Con Con. In the first place, wala itong pork barrel at wala itong alam sa ikabubuti ng country, pwede pa siguro sa pagtataksil, pandarambong at pambubugaw ng ating kababaihan. In the second place, 'di nila kontrolado ang magiging kahihinatnan, kalalabasan at direction sa proseso ng pagconvene ng Con Con delagates. Mahihirapan din ang mga ito na maghanap o magpatakbo ng delagado sa Con Con, maliban sa sari-sarili nila na graduated na sa Kongreso.
Pangalawa, kahit nuon pa, naniniwala ang lahat na TIGUK na, doble dead na ang Con Ass dahil sa WALANG NUMERO, ampaw at walang KORUM. Abala na ang mga TRAPO sa pamumulitika sa kani-kanilang constituencies, meetings, pagtatayo ng makinarya at pag-iipon ng budget para sa 2007 election. Likas na katangian ng isang TRAPO ang pamumulitika at election.
Ayon kay Sen Joker Arroyo, "isang palatandaan ay ang dead on arrival, hindi na umabot sa Senado at Supreme Court. Umabot lamang sa bilang na 165 (nung binago ang ruling sa House) at malayo sa itinakdang bilang na 195 o ang 3/4 sa kabuuan. 207 ang pinaka the best so far na inabot na bilang sa House sa quorum at ito'y nuong panahon ng impeachment."
Pangatlo, ang isyu ng credibility. Wala ng katiwa-tiwala ang country sa mga TRAPO, sa mga pulitiko na siyang tunay na dahilan kung bakit WEAK at naging banana republic ang bansa. Kung kaya't kahit anupang paraan ang gamitin sa pagbabago ng Constitution ay hinding-hindi nito ipagkakatiwala sa mga TRAPO (ilang dekada ng trumangko ng pulitika sa bansa) na kalikutin, galawin, diskrungkarin ang kasagraduhan ng Saligang Batas.
Mapanlinlang at kontra mamamayan ang Cha Cha. Layon itong ilihis ang tunay na isyu, isalba (political survival) sa poder ng kapangyarihan si Ate Glo hanggang 2010 at pinsalain, durugin at supilin ang demokratikong hinaing ng mamamayang Pilipino.
Sapagkat, maliwanag pa sa sikat ng araw na ginagamit lamang ng Malakanyang ang isyu ng Cha Cha upang pagtakpan ang tunay at ugat na suliranin ng bansa, ang kabulukan ng pulitika, ang krimeng kinasangkutan at pananagutan ng Malakanyang, ilito (diversionary) ang mamamayan sa tunay na isyu ng “hello garci tape controvercy, fertilizer-jocjoc bolante, ang pandaraya, ang panunupil, pagyurak sa karapatang pantao at malakihang pandarambong sa kabang yaman ng bansa."
Doy Cinco / IPD
Dec 9, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment