Tuesday, December 12, 2006

PRANING NA!!!

Tactician at PR ni Ate Glo ay walang dudang kayod kalabaw ngayon para sa political survival ng Malakanyan.

Praning, nahihintakutan at nangangatog na sa takot ang Malakanyang. Kaya't natural lamang na mandamay, magkanulo, manaraydor pati ang pitong (7) goons na kaalyado nito sa Kongreso, si Tainga de Venecia, Luis Villafuerte, Edcel Lagman, Prospero Pichay at NOGRALES, Constantino Jaraula-Salaula at Gilbert Teodoro ng Kampi, Lakas, NPC at ULAP, mailigtas lamang ang sarili.


Mula ng maibasura ng Supreme Court ang People's Initiatives (PI) ng Sigaw, ULAP at DILG, may nagsasabing "umurong ang buntut, napanghinanaan na ng loob, naghugas kamay si Ate Glo sa isyu
ng Cha Cha." Pakunwaring napilitan at napasubo si Ate Glo sa Con Ass nung hayagan itong ipanawagan nuong nakaraang buwan, sa dalawang magkakasunod na malalaking CAUCUS sa Malakanyang na "walang atrasan at tuloy ang laban sa Cha Cha, tuloy ang Con Ass." Kung sa bagay, tatak ni Ate Glo kahit nuon pa ang maging URUNG SULONG, walang buto sa gulugud at oportunista. Kawawang TRAPO, parang naibaling sa kanila ang burden ng galit ng tao, nauto na, nagamit na at naging pansalba pa ni Ate Glo. Engot talaga!

Totoong malaki ang utang na loob ni Ate Glo kay Tainga de Venecia at sa mga gangster nito sa Kongreso. Kaya lang, ang inaasam-asam nitong “final push” ng Con Ass, nasakripisyo, alang-alang sa political survival ni Ate Glo hanggang 2010. Kung matatandaan, sila ang nagmanipula upang masawata at mailibing ng buhay ang dalawang pagtatangkang impeachment ng oposisyon.

Para sa Malakanyang, mas matimbang, mas importante at mas strategic na alyado ang
Iglesia ni Kristo (INK), El Shadai at CBCP kaysa sa mga TRAPO sa Kongreso. Walang dahilan upang dedmahin ang tatlong (3) grupo. Bukod sa may pagkakautang ng loob si Ate Glo (2004 presidential election), may tunay na 'numero' ang tatlo. Maliban sa may kakayanang magmobilisa ng mahigit isa hanggang dalawang milyong tao (1-2,000,000), may bonus pang SWING vote ang INK sa nalalapit na 2007 election.

Tulad ng palagiang ginawa, aasahang susuyuin, palalambutin, palalabnawin, gagapangin, tatakutin at kung mamasamain, iba- black mail isa-isa ang pamunuan at organisador ng planong
"PRAYER RALLY" ng El Shadai, CBCP, charismatic Jesus is Lord ni Bro Eddie Villanueva sa Linggong (Dec 17'06) darating, mapahinto lang "at all cost" ang malakihang mobilisasyon. Isang paraan ay ang kapalit na "tuluyan ng ibabasura ng Malakanyang ang kinamumuhiang Charter Change (Con Ass/Con Con). " Dahil sa tiguk na, doble dead na at impusible ng mabuhay pang muli ang Cha Cha, negative-zero credibility na ang imahe ng Kongreso't mga pulitikong kabilang sa mayorya, kaya nitong kumbinsihin ang hanay ng simbahan na "wala ng dahilan upang mag-RALLY."

Kung magtatagumpay sa senaryo ito, bukud sa
maia-isolate nito (ihiwalay ang de kolor) ang Kaliwa sa hanay ng taung simbahan at panggitnang pwersa, walang dudang maililigtas na naman sa pangatlong beses si Ate Glo sa kapahamakan.

Maliban sa INK, El Shadai at CBCP, urong din ang buntul ni Ate Glo sa grupo ng mga aktibistang junior officers. Alam niyang sasamantalahin ng mga grupong Junior Officer at Heneral ang malalang sitwasyon pulitikal sa bansa at matulad sa kumunoy ng kasaysayan kinahinatnan ni Marcos at ni Erap Estrada.

Pati ang karangalan, credibility at dignidad ng bansa sa pangrehiyong adhikain ng ASEAN Summit, mga Cebuanong kaalyado at dalawang bilyong pisong paghahanda ay diniskarel at isinakripisyo, mailigtas lamang ang sarili. Nakaisip ng palusot na ipostpone ang Asean Summit at upang hindi mapahiya sa mundo, ginamit na naman ang banta ng “terorismo” at Bagyong Senyang maski batid ng lahat, ng PNP at AFP na walang banta sa seguridad ang Cebu mula sa mga terorista. Alam din ng PAGASA na mahina't hindi mapupuruhan ng bagyong Senyang ang Cebu.

Ang bantang baka hindi na makabalik ng Manila ang totoong bantang naghihintay na bagyong signal number 4 kay Ate Glo. Napilitang mag-iwan ng maliliit na pwersang panseguridad para sa Metro Manila na siyang kinahintakutan ng kanyang mga advisers na baka maagaw ng mga kaaway ang Metro Manila. Dahil sa Asean Summit, ang
buong pwersang elite ng PNP at AFP ang idineployed sa Cebu.

Lalabas na kahiya-hiya si Ate Glo kung saka-sakaling natuloy ang Asean summit sa Cebu. Sapagkat habang ipinagyayabang nito ang economic at political achievement ng bansa sa Summit, sa harap ng maraming lider ng Asean countries at mundo, binagbagyo, nililindol at tsinutsunami ng malalaking political rallies, mobilisasyon at pipol power ang Kamaynilaan dahil sa isyu ng Con Ass at charter change. May tantya pang baka matuloy ang inaasam-asam na Kudeta, withdrawal of support
mula sa hanay ng junior officers at mga Heneral. Nakikitang baka matulad si Ate Glo sa Prime Minister Thaksin ng Thailand kung saan, habang umaattend ng conference sa United Nation-New York ay 'di na nakabalik sa Thailand dahil kinudeta na siya ng mga militar.

Alam ni Ate Glo ang multong nananalaytay na ipinupukol ng kanyang kaaway, ang isyu ng “ilihitimong pangulo, krimen at pandarambong.” Ang tanong, nasaan ang tipping point? Tatagal pa ba si Ate Glo sa ganitong paulit-ulit na sitwasyon pulitikal hanggang 2010?

Doy Cinco / IPD
December 12, 2006

No comments: