Sunday, December 17, 2006

KONGRESO, hindi lang TRAPO, Anti-Pilipino pa

Bukud sa TRAPO, nakakatawang mga baboy, may lagnat sa utak at anti-Pilipino pa. Ayon kay Tong Eduardo Gullas at ang bagong itinalagang Kalihim ng Dep Ed na si Jeslie Lapuz, “napakalaki na raw ang inihina o lubusang “nag-erode na raw ang competitiveness ng ating bansa in terms of human resources, 'di lang sa Pilipinas maging sa bumibilis na takbo ng globalization.”

Ang katwiran ng dalawa, ang pangunahing dahilan daw kung bakit bumagsak, nanglupaypay ang mayorya ng ating mag-aaral sa Math at Science ay dahil daw sa “POOR ENGLISH,” may “kulang sa pag-intindi't pagsasalita ng English???”

Kung kaya't kamakailan lamang, itinulak na maipasa sa Tongreso na “gawing medium of instruction sa lahat ng school level ang wikang English upang mai-upgrade daw ang kalidad ng ating edukasyon at gawin daw itong MARKET DRIVEN.” Ayon kay Sen Pimentel, isang malaking paglabag at kalapastangan sa ating Constitution ang nasabing panukala.

Paano mauunawaan ang ating mag-aaral ang Math at Science subject kung ang ginagamit na medium o lengguahe sa instruksyon (resource at reference materials ) ay pawang English! Bakit, ang medium of instruction na ginagamit sa pagtuturo ng science at math sa Japan, Rusya, China, Germany, France, Italy, Thailand, Czecoslovakia at sa Scandinavian countries ay ENGLISH???

Ano ang kinalaman ng ating CONSTITUTION na nakasaad na "ang Filipino ang siyang magiging wikang Pambansa" sa deterioration (panlulupaypay) ng Math at Science ng ating mag-aaral sa mababang paaralan ng bansa? Pilit na isinasalaksak sa utak ng ating mga kabataan ang wikang English. Dahil ba sa habang buhay na lamang ba tayong CALL CENTERS, caregivers, super maids, japayuki at OFW ng mundo?

Ayon sa nakasaad sa Seksyon 6 hanggang 9, Artikulo 14 Edukasyon ng ating 1987 Constitution na nakapatungkol sa Science and Technology, Arts, Culture at Sports, ang wikang pambansa ng Pilipinas ay Filipino. Samantalang nililinang, ito ay dapat payabungin at pagyamanin pa ang sa umiiral na wika sa Pilipinas at sa iba pang mga wika. Alinsunod sa tadhana ng batas at sang-ayon sa nararapat na maaaring ipasya ng Kongreso, dapat magsagawa ng mga hakbangin ang Pamahalaan upang ibunsod at puspusang itaguyod ang paggamit ng Filipino bilang medium ng opisyal na komunikasyon at bilang wika ng pagtuturo sa sistemang pang-edukasyon.

Ilang dekada na nating hawak ang trono bilang ikatlo sa mundo na nagsasalita ng English. Ilang dekada ring naihiwalay at hindi naintindihan ng mamamayan ang gubyerno't lipunang pinamunuan ng elite. Ilan dekada ring pinagloloko ng mga pulitiko sa kai-english ang mamamayan. Ilan dekada ring dukha't kapuspalad ang mamamayan sa lipunang pinamunuan ng elite.

Sa ayaw man natin o sa gusto, dahil siguro sa klase, sa porma, pango at disenyo ng ating BIBIG, ipagmalaki't tanggapin na nating ang English kalabaw!


Kung ganito kabuguk ang iniisip ng ating mga pulitiko sa Kongreso para mai-angat ang kalidad ng edukasyon, wala na nga talaga tayong maaasahan aangat pa ang sistema't kalidad ng ating edukasyon! Mula sa charter change hanggang sa pamumulitika, puro katangahan, kataksilan at katrayduran sa bayan ang inaatupag.

Kung ang wikang English ang mag-aahon sa karalitaan at mataas na antas ng ating pamumuhay, kung ang English ang magpapawi ng katiwalian at pangungurakot, kung ang English ang magpapalago ng industriya’t teknolohiya at empleyo, kung ang English ang papawi sa pagiging busabos ng Pinoy sa mata ng mundo, kung ang english ang bubura sa paninging UTUSAN ang Pinoy sa mata ng mundo, kung ang English ang magdadala ng maraming gintong medalya sa Asian Games, sa tuwing may Olympic at kung ang English ang siyang daan sa pagkakaisa, baka siguro NUMERO UNO NA TAYO sa ASIA, sa LAHAT NG BAGAY SA MUNDO!

Ayon kay Senador Pimentel, “kailangang maparusahan ang kagawaran (Dep Ed) at ang mga paaralang lumalabag sa umiiral na batas hinggil sa mandatory teaching ng ating pambansang wika.”
Mabuhay ka Senador Pimentel at tatlong bagsak para sa mga Senador.

Doy Cinco / IPD
Dec 18, 2006

Tignan ang;
Senators warned vs bill on English as medium of instruction
http://newsinfo.inquirer.net/breakingnews/metroregions/view_article.php?article_id=38987
By Maila Ager
INQ7.net
Last updated 05:23pm (Mla time) 12/18/2006



No comments: