Mahirap para sa isang pangulo, lalo na kung ika'y naakusahang ilihitimo na maging flif-flopper, pagmamaang-maang, padaskul-daskol, walang paninindigan at higit sa lahat oportunista. Sa ating nakagisnang tradisyon, kaya pang patawarin ng mga Pinoy ang "WOW Mali" kung may nakikitang naidedeliver na serbisyo at ipinagtatanggol ang country, kaya pang maibsan ang mga kasinungalingan, pagbigyan pa at maging matiisin kung mapagkumbabang hihingi naman ito ng tawad sa mamamayan. Kaya pang patawarin kung isang beses o makalawang beses, subalit, kung ito'y dumadalas, hindi natututo't nagwawasto, pasaway at nagmamayabang, ibang usapan na.
Mula ng ipanawagan nitong wala ng balak tumakbo sa pagka-presidente nuong 2003, Rizal Day celebration at nagsirko, mula ng hayagan nitong ipagdikdikang isusulong nito ang Cha Cha sa dalawang magkasunod na SONA ni Ate Glo, mula ng Hello Garci controversy at pagsisinungaling, mula ng makoryente ito sa isyu ng Nursing (leakage) testing, PIATCO at mula ng kapal mukha nitong ikundina ang North Korea sa missile testing at kudeta laban kay Prime Minister Thaksin ng Thailang at marami pang iba. Mukhang 'di na kayang sikmurain ng mamamayan Pilipino. Palibhasa walang plataporma de gubyerno, walang malakas na pundasyong IDEOLOHIKAL at PARTIDO at political survival ang palagiang game plan.
Hindi natin masisisi kung marami sa mga panggitnang saray (middle class), malalapit na kaibigan lalo na sa NGO community ang patuloy na lumilisan at nangangarap mag-alsa balutan, iwasan pansamantala ang gubyernong inutil, kahiya-hiya, bangkarote at gubyernong patuloy na sumasadlak sa kumunoy ng bansa.
Sino ang maniniwala, magtitiwala, kayang magtiis, aasang uunlad at babalik pa sa normalcy ang Pilipinas kung ganito kalubha at may namumuong polarisasyon at pampulitikang krisis ng bansa. Kung walang pagbabago, kung ganito ng ganito ang klase't uri ng paggugubyernong umiiral sa bansa hanggang 2010.
Sinong bansa sa mundo ang maniniwalang nasa stable at aangat pa ang ekonomya ng Pilipinas, kung ang rule of law at ang Constitution ay binabalasubas upang iangkop at manaig ang vested interest ng mga nasa kapangyarihan. Sinong mamumuhunan ang maniniwala, kung mismo na ang presidente ay walang tiwala't walang kontrol sa kanyang mga heneral sa military, kung umaasa na lamang ito sa kung anong isinasalaksak na agenda ng kanyang mga galamay sa Malakanyang, sa Kongreso, sa maimpluwensyang mga dambuhalang negosyo't elite at kung ang padri-padrino ang rule of the game sa pulitika.
Nasaan ang ipinangangalandakang STRONG REPUBLIC, nasaan ang 10 point program na paulit-ulit na ikinokokak sa tuwing may State of the Nation address (SONA), nasaan ang reporma't demokratisasyon, ang kasaganahan at kaunlaran, ang pagiging SECOND WORLD, “pagkaing sa hapagkainan, ang milyong hanap buhay at mataas na kalidad ng edukasyon para sa mga kabataan?”
Simple lamang ang palatandaan kung tayo at ang bansa ay umaasenso. Kung wala ng daan-daang libong lumuluwas na OFW, wala ng namamasukan o nangingibang-bansa, ay maaring sabihing totoo ngang umuunlad ang ekonomya. Palatandaang kung tayo na ang pinupuntahan, tayo na ang sinusugud ng mga kalapit bansa (Bangladeshi, Kmer, Indonesian, Burmese, mga mahihirap na bansa sa Africa) bilang Overseas Contract Workers upang magtrabaho sa Pilipinas bilang “super Maids at contract worker" hindi ang mga pangitaing tayo ang namamasukan, nangingibang-bansa, kapit sa patalim upang magtrabaho.
Ang problema, nireretoke, dagdag-bawas ng mga datos na gamit, dinadaan sa technicalidad at technocratic terms, tulad ng GNP, stock market, balance of payment (BOP) at gumagandang palitan ng Piso sa Dolyar." Alam ng lahat na hawak sa leeg ng Malakanyang ang ahensyang nangangasiwa sa ating ekonomya, ang National Economic Devt Authority (NEDA). Kung lubusan ng mawawala ang OFW, (hundred years from now), ganap na ngang magkakatotoo ang ikinokak ni Ate Glo na "second world."
Lima (5) lamang ang alam kong nakikinabang at umuunlad sa Pilipinas, ang tatlong bilyunaryong si Henry Sy, Lucio Tan, Jaime Zobel Ayala, mga PULITIKO at mga tao't galamay sa Malakanyang .
Hindi maiiwasang ng mga Pinoy, lalo na ang mga immigrante o OFW na matagal ng nanalagi sa mayayamang bansa na ikumpara ang kalidad ng pamumuhay duon, sa kalunus-lunus na kalagayan ng ating mga kababayan dito.
Kailan tayo makakatagpo ng mgamga aktibistang presidenteng may buto sa gulugod, makabayan, may sarili't walang pinapanigang pananaw, kontra sa imperyalistang hegemonya ng Estados Unidos, nagbabandila ng hustisya't katarungan hindi lang sa sariling bayan maging sa pandaigdigang labanan (Evo Morales ng Bolivia, Hugo Chavez ng Venezuela, Mahathir ng Malaysia, Fidel Castro ng Cuba at “Lula” ng Brazil).
Unsolicited advice sa panahon ng Kapaskuhan at Bagong Taon.... kung 'di na kaya, kung hirap na't gusto ng magpahinga at kung isinusuka na ng mayorya ng mamamayang Pilipino ang pekeng pangulo, mainam na ayusin na ang exit plan, lisanin ang trono't pwesto, magresign na't ihatag na sa grupong mapagkakatiwalaan, may kakayahan magwasto't pansamantalang mangasiwa ng bansa.
Doy Cinco / IPD
Dec 25, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment