Thursday, January 04, 2007

Burikak (prostituted) na relasyong US at Pilipinas

Masyado na tayong kawawa, sobra na ang pang-aalipusta't panglalait, masyado nang KAHIYA-HIYA sa mata ng mundo ang ginagawa sa lahing Pilipino. Ang nakakapanglupaypay, ultimo mga tinaguriang mga lingkod at pinunong bayan, mga kakulay, kalahi't kadugo, ang gubyernong dapat asahang magtanggol sa dignidad ng ating bansa ay siya pang pasimunong yumuyurak, gumagahasa, dumadagok, tumatarantado sa mamamayang Pilipino.

Palibhasa'y isang mahirap at dukha, palibhasa'y lubug sa UTANG, pulubi't, namamasukan lamang bilang alipin, Katulong ng mundo, mababa ang tingin, busabos, kung kaya't ganun na lamang kung paano tayo tratuhin. Ito ang masaklap na napala ng bansang pinamumunuan ng mga engliserong traydor at taksil, walang paninindigan, hindi marunong tumayo sa sariling paa, masunurin tupa sa kung anong gustuhin at idikta ng bansang tinaguriang “big brother,” bansang makapangyarihan at tanging nalalabing super power ng mundo, ang imperyalistang Estados Unidos.
Hanggang kailan ibubugaw, isasanla't isasakripisyo ang kasarinlan ng bansang Pilipinas at tunay na interest ng mamamayang Pilipino?


Ayon kay Ate Glo, “interest daw ng bansa ang patuloy na pagyuko ng Pilipinas sa US, ang tupdin ng walang pag-aalinglangan ang Visiting Forces Agreement (VFA).”

Hindi na lamang simpleng pambabastos sa rape victim na si “Nicole,” ang isyu sa ngayon ay ang matagal nang usapin, ang deka-dakadang pambubusabos sa soberanya ng ating bansa, ang dignidad, ang pagiging TUTA nito sa US ng pekeng presidenteng si Ate Glo.

Sa kabila ng mahigit ilang dekadang pakikibaka, pagtutol, dugong rebolusyunaryo't diwang makabayan, nakakalungkot amining hawak pa rin tayo sa leeg ni Uncle Sam, nananatiling neo-colony ang Pilipinas sa usaping pang-ekonomya, pangmilitar at pangkultura. Ilang libong Pinoy araw-araw sa ginawa ng diyos ang nagpapakamatay, ang nagti-TNT (tago ng tago), ang matyagang pumipila sa Embahada ng US upang manirahan at magmigrate lamang sa Estados Unidos? May mahigit kumulang na dalawang milyong Pinoy ang kasalukuyang nasa Amerika. Kung baga, sa bawat limang (5) pamilyang Pinoy, may siguradong kamag-anak na naninirahan sa STATE.

Bagamat nailibing na ang “cold war,” hindi maitatatwang nakasalalay ang interest ng bansang Estados Unidos sa agresyong patakaran “war on terrorism” sa rehiyon, partikular ang bansang Pilipinas.


Sa aklat na Development Debacle: The World Bank in the Philippines ng University of the Philippines professor Walden Bello, detalyadong inilarawan kung paano sistematikong sinalaula't binansot (Transnational corporation, privatization at deregulation) ng World Bank, ng CIA at mga ahensyang hawak ng Estados Unidos ang Pilipinas. Nakabukakang parang burikak na ipinagpatuloy at pinahintulutan ng administrasyong mula kay Marcos, Aquino, Ramos, Estrada hanggang sa kasalukuyang rehimen ni Ate Glo ang ang kalakaran at tradisyong pag-aapi't pagsasamantala ng US sa ating bansa.

Hindi na bago ang gitong kalakaran, kung balik tanawin natin ang kasaysayan ng Pilipinas, lahat ng naging presidente sa Pilipinas ay tuta ng imperyalistang Kano, ang orihinal na terorista, kinamumuhian, itinatakwil ng halos lahat ng bumubuo ng Ikatlong Daigdig sa mundo.

TUTA ng Kano ang lahat ng presidente sa Pilipinas

Matapos agawin sa kamay ng kolonyalistang Kastila (300 years), sa halagang $20.0 milyong dolares (Tratado sa Paris), mahigpit na kinontrol, hinawakan at naging kolonya ng imperyalistang US ang Pilipinas. Sunud-sunud na mga tratado't mga batas ang pinagtibay upang tuluyang hindi makahulagpos ang Pilipinas sa kuko ng imperyalistang Kano; may tatlong batas, mga tratado ang napagtibay nuong panahong kolonya tayo ng US. 1902: Batas ng Pilipinas, 1915: Batas Jones, 1934: Batas Tydings-Macduffie Law.

President Manuel Roxas (1946 – 8)

Ang tutang presidenteng si Roxas ay pinapirma sa Tratado ng EU at RP sa Pangkalahatang Relasyon na nagpawalang-bisa sa independensya ng Pilipinas. Batay sa tratadong ito, pinanatili ang pinakamataas na awtoridad ng gobyernong Kano (US) sa malalawak na base militar sa Pilipinas; ginarantyahan ang karapatan ng mga korporasyon at mamamayan ng US na magkaroon ng ari-ariang kapantay ng karapatan ng mga korporasyon at mamamayang Pilipino; at ipinapailalim sa gobyernong US ang ugnayang panlabas ng Pilipinas.

Ginawa nito ang iba pang importanteng tratado at kasunduang nagdiditalye sa saligang kolonyal na pagkaalipin ng Pilipinas sa imperyalistang US. Ang mga ito ay ang Batas sa Ari-arian, Batas Bell sa Kalakalan, Tratado ng EU at RP sa mga Base Militar at Kasunduan ng EU at RP sa Tulong Militar.

Itinatakda ng Batas sa Ari-arian na di pakikialaman ang lahat ng lupa't gusali at iba pang ari-ariang nakuha ng gobyernong US o ng mga ahensya nito bago mag-Hulyo 4, 1946 at pagkaraan nito. Malinaw na hiningi ng Batas Bell sa Kalakalan na ilagay sa kolonyal na konstitutsyon ang Susog Pariti (parity amendment) para mapayagan ang mga monopolyo ng US na mandambong ng likas na yaman ng Pilipinas at ipinailalim sa dikta ng US ang taripa at pera ng Pilipinas.

Ang Tratado ng US at RP sa mga Base Militar ay nagbibigay sa US ng karapatang ekstrateritoryal sa loob ng siyamnapu't siyam (99) na taon sa mga base militar na nasa mahigit dalawampung (20) istratehikong lugar sa Pilipinas. Itinatakda ng Kasunduan ng US at RP sa Tulong Militar ang patuloy na kontrol ng US sa Armed Forces of the Philippines (AFP), sa pamamagitan ng Magkasanib na Grupong Tagapayong Militar ng EU (joint US Military Advisory Group o JUSMAG) na magpapayo at magpahiram o magbenta ng sandata at iba pang kagamitan.

President Elpidio Quirino (1948 – 53)

Nagpadala ng pwersa sa Gera sa Korea noong 1950 para tulungan ang US sa gerang agresyon laban sa mamamayang Koreano. Pinirmahan ng representante ni Quirino ang Tratado ng San Francisco noong 1951 ayon sa kagustuhan ng US na buhayin uli ang militarismong Hapones bilang prinsipal na kasosyo nito sa Asya. Noong panahong iyon, mabilis na binuhay uli ang monopolyo-kapitalismong Hapones sa pamamagitan ng mga kontrata na direktang kaugnay ng Gera sa Korea.

Noong 1951, pinagtibay ng papet na presidenteng si Quirino ang Tratado ng US at RP sa Pagdadepensahan sa pumapayag na basta na lamang makialam ang US sa mga usapin sa Pilipinas dahil "kailangan daw nilang protektahan ang isa't isa." Noong 1953, pinirmahan ni Quirino ang kasunduan na walang taning na nagpatagal sa bisa ng Kasunduan ng US at RP sa Tulong Militar na unang pinirmahan noong 1947.

Noong 1953, pinirmahan ang Kasunduan sa Pagpasok ng mga Mangangalakal at Mamumuhunang US. Hanggang sa huling araw ng panunungkulan ni Quirino, nanatili siyang masugid na tuta ng US kahit ang totoo'y interesado ang Sentral na Ahensya sa Paniniktik (Central Intelligence Agency o CIA) na ipalit sa kanya si Magsaysay bilang papet na presidente.

Presidenteng si President Ramon Magsaysay (1953-57)

Noong 1954, pinalakas at kinatigan ng tutang presidenteng si Magsaysay ang Batas Bell sa Kalakalan at sinundan pa nito ng panibago pang batas na Kasunduang Laurel-Langley. Pinalala ng bagong tratadong ito ang pang-ekonomyang pagkaalipin ng Pilipinas sa US sa pamamagitan ng pagpayag na magkaroon ng Parity Rights ang mga monopolyong US sa lahat ng klase ng negosyo sa Pilipinas.

Pinirmahan ng papet na rehimeng Magsaysay at ng US noong 1957 ang unang Kasunduan sa mga Kalakal na Pang-agrikultura. Layunin ng kasunduang ito na gamitin ang surplus na agrikultura ng US para tulungang mapanatili ang kolonyal na sistema ng ekonomya ng Pilipinas, mapamalagi ang lokal na produksyong pang-agrikultura sa kapangyarihan ng US , makontrol ang mga intermedyang industriya na nangangailangan ng imported na hilaw na materyales na pang-agrikultura at masuportahan ang propaganda ng US.

Ginamit ni Magsaysay ang dati nang kolonyal para tuligsain ang mga magtitinging Tsino. Kasabay nito'y nakipagkutsabahan si Magsaysay sa CIA at mga Heswitang Amerikano sa paghahanda ng Batas Anti-Subersyon, na ang layunin ay likhain ang kontrarebolusyonaryon at yurakan ang demokratikong karapatan ng mamamayan na magtipun-tipon at mamahayag.

Noong 1954, itinaguyod ni Magsaysay ang kumperensyang idinaos sa Maynila na naglabas ng tratadong nagtatatag sa Organisasyon ng Tratado sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asia Treaty Organization o SEATO) na kontrolado ng US. Ang mayorya sa mga gobyernong myembro (Estados Unidos, Britanya, Pranses, New Zealand, Australia at Pakistan) ng organisasyon ay hindi man lamang kabilang sa Timog-Silangang Asya. Inangkin ng SEATO ang pribilehiyong yurakan ang soberanya ng mamamayan sa Timog-Silangang Asya at idepensa ang mga reaksyonaryong gobyerno.

Ayon sa patakarang agresyon ng US sa Vietnam, kinilala ni Magsaysay ang bogus na Republika ng Timog Vietnam, na lantaran at direktang paglabag sa mga Kasunduan sa Geneva. Ginamit ang mga base militar ng US sa Pilipinas para ilunsad ang mapanghimasok at agresibong mga aktibidad ng US sa buong Asya. Idinistino sa buong Indotsina ang mga Pilipinong ahente ng CIA na nagkunwaring mga tauhang teknikal ng masasamang grupong tulad ng Operation Brotherhood at Eastern Construction Company na ginagastusan ng CIA.

Noong 1956, inutusan ng US ang papet na rehimeng Magsaysay na makipagkasundo sa Hapon tungkol sa bayad sa napinsala ng gera at pagtibayin ang Tratado ng San Francisco. Ginawa ang kasunduang Ohno-Garcia tungkol sa bayad sa napinsala ng gera, na nagpapasok sa Hapon sa ekonomya ng Pilipinas sa pamamagitan ng sistema ng paghahatid ng mga kalakal na bayad sa napinsala ng gera.

Garapalang ipinagmalaki ni Magsaysay na siya'y tuta ng US. Sa harap ng anti-imperyalistang pagbatikos ni Senador Claro Mayo Recto, nawalan ng saysay ang pagtatangka ni Magsaysay na tatakang "positibong nasyonalismo" ang pagkaalipin nito.

President Garcia (1958 – 63)

Patuloy na ginamit ang mga base militar ng US sa paglulunsad ng agresyon laban sa mamamayan ng Timog-Silangang Asya. Nong 1958, ginamit ang mga base para suportahan ang diktaduryang pagkilos laban sa sambayanang Indones at paigtingin ang pakikialam ng US sa Indotsina. Iwinasiwas ni Garcia ang islogang "Ang Asya para sa mga Asyano" at tinangkang itayo ang Asosasyon ng Timog-Silangang Asya (Association of Southeast Asia o ASA) para kunwari'y itaguyod ang panrehiyong kooperasyon sa larangan ng ekonomya at kultura.

Nanatili at lumawak ang saklaw ng lahat ng makinaryang pangkultura na itinatag ng US at simbahang Katoliko noong mag-umpisa ang papet na republika. Noong 1961, dinala sa Pilipinas ng US ang Kwerpo sa Kapayapaan (Peace Corps) bilang isa pang kasangkapan para palalain ang pangkultura't pampulitikang subersyon ng Pilipinas.

President Macapagal (1962- 65)

Ang unang ehekutibong hakbang ni Macapagal nang maging papet na presidente siya noong 1962 ay iproklama ang kagyat at ganap na dekontrol. Nakapag-uwi ng malalaking ganasya ang mga lokal na empresa ng US kahit hindi na kailangang itago ang mga ganansyang iyon sa pamamagitan ng sobrang pagpepresyo sa mga kalakal at serbisyong binibili sa puno't mga kapatid na kumpanya sa Estados Unidos, o sa iba pang bayan.

Masugid nitong ikinampanya ang patuloy pagpapadala ng mga mersenaryong tropang Pilipino para lumahok sa gerang agresyon ng US laban sa mamamayang Vietnamese.

Para maisulong ang imperyalistnang sosyohan ng US at Hapon sa pagsasamantala sa mamamayang Asyano, itinaguyod ni Macapagal ang kumperensya na humantong sa pagtatayo ng Bangko sa Pagpapaunlad ng Asya (Asian Development Bank o ADB) na kontrolado ng EU at Hapon, at inalok na maging punong-tanggapan ng ADB ang Maynila. Ang ADB ay isang institusyong pinansya na itinayo para manipulahin ang papet na gobyernong Pilipino na panatilihing kolonyal ang ekonomya na magsuplay ng hilaw na materyales, pangunahin sa Estados Unidos at Hapon.

Presidentent Marcos (1965-89)

Dinaig ni Marcos si Macapagal sa pagkaTUTA nang magpadala ito ng mga mersenaryong tropang Pilipino para lumahok sa gerang agresyon ng US sa Vietnam at buong Indotsina. Kahit lumalala ang pagkabangkrap ng gobyerno, ipinadala pa rin ni Marcos ang Philcag sa South Vietnam. Garapal na ginamit ng US ang mga base militar nito, at ang himpapawid at karagatan ng Pilipinas, para maglunsad ng mga gerang agresyon sa Asia.

Sa mga base militar, ang mga tauhang militar ng US ay patuloy na pumatay, nanggahasa ng maraming "NICOLE" at gumawa ng lahat ng klase ng pang-aabuso sa mamamayang Pilipino. Tulad ng lahat ng naunang papet na presidente, nakipagsabwatan sa US sa "pakikipagnegosasyon" na humahantong sa pagtataguyod sa mga karapatang ekstrateritoryal ng US. Imbis na ipaglaban ang soberanya ng sambayanan, pinakawalan ni Marcos ang pulisya at mga tropa nito para salakayin ang mga makabayang pagkilos-protesta ng mamamayan.

Ginaya ni Marcos ang bawat "bagong" patakaran ng US at sinunod ang bawat "bagong" hakbang nito. Sinunod nito ang "bagong patakaran sa Asya" ni Nixon na "Asyano ang palabanin sa kapwa Asyano". Yumuyuko si Marcos sa patakaran ng US na buhayin uli ang militarismong Hapones, gawin itong punong-tanod at "panrehiyong lider" ng imperyalismong US sa Asya, sa pamamagitan ng ADB, Konseho ng Asyano sa Pasipiko (Asian Pacific Council o ASPAC), Asosasyon ng mga Bansa sa Timog-Silangang Asya (Association of Southeast Asian Nations o ASEAN), Konsehong Pang-ekonomya ng mga Ministro sa Timog-Silangang Asya (Southeast Asian Ministers' Economic Council o SEAMEC), "Porum na Asyano" at iba pa.

Sa desperadong tangka ni Marcos na lokohin ang mamamayang Pilipino tungkol sa Hapon, pinalaganap ang kasinungalingan na mabait ang Hapon para makautang kapalit ng pandarambong sa likas na yaman ng Pilipinas at pagsasamantala sa mamamayan. Pinalalabas pang kabutihang-loob sa mamamayan ang ibinabayad ng Hapon sa napinsala ng gera na ibinulsa naman ng mga alipores ni Marcos. Ang istratehikong Pan Philippine Highway ay tiklop-tuhod na tinawag na "Japanese Friendship Highway".

Simulat sapol na kinolonya ng US ang Pilipinas, panay TUTA ng Kano ang naging presidente't tumangan ng gubyerno. Sa haba ng panahong hindi nakahulagpos ang bansang Pilipinas sa mga dayuhang mapagsamantala't mapang-api, hindi ito natuto sa kasaysayan.

Tulad ng tratadong Visiting Forces Agreement (VFA) , hanggang sa kasalukuyan, may mga di pantay na tratado at kaayusang sumasalamin sa di nababawasang kontrol ng imperyalismong US sa Pilipinas. Ito ang tinatawag na "special relation," na ang kahulugan, mga kadenang gumagapos at gumagahasa sa ating country.

Kung unti-unti ng nawawala't naglalaho na sa orbit ng impluwensya ng US ang kalakhang bilang ng mga bansa sa Timog Amerika, mga bansang kahalintulad ng kasaysayan ng Pilipinas (dating kolonya ng Espanya) ang Cuba, Venezuela, Bolivia, Argentina, Brazil, Nicaragua, Chile at iba pa. Kung ang mga bansang nasa ASEAN, tulad ng Malaysia, Vietnam, Indonesia at Thailand , mga bansang kayang manindigan, kung ang mga astig bansang tulad ng South at North Korea at China, mga basang progresibo't nakatatayo sa sarili bilang mga bansang “walang pinapanigan” at kung ang mga bansang malalakas at mayayaman sa Europa na mahigpit na katunggali ng US sa lahat ng larangan, TAYO, ang kawawang Pilipinas, sa pamumuno ng mga TRAPO't BURIKAK, patuloy ang pagiging TUTA't masunuring tupa sa gubyernong Amerika.

Kung nabubuhay lamang si Rizal, si Mabini't si Bonifacio, Del Pilar, sila SAKAY at Malvar, mga grupong PULAHANES, ni Dagohoy at iba pang mga magigiting nating bayani ng ating lahi, walang dudang kukutusan at babatukan itong mga kasalukuyang nakaupo sa Malakanyang.

Doy Cinco / IPD
Jan 4, 2006

No comments: