Walang dudang isang referendum para kay Ate Glo ang May 2007 election. Dito nakasalalay ang katayuan at political survival ni Ate Glo kung aabot pa ito hanggang 2010. Para kay Ate Glo, lubhang napakahalagang makontrol ang Senado, ang institusyong itinuturing tinik sa dibdib, balakid sa adhikain ni Ate Glo at ng Malakanyang.
Ang problema, mukhang lito't tuliro ang mamamayan sa lumalalang bangayang ng dalawang magkabilang kampong pulitikal sa bansa. Mabantot nga ang administrasyon, mukhang watak-watak naman ang political opposition at kilusang masa. Ang dating presidenteng si Erap ang madalas ngayong akyatin sa Tanay, naakusahang nangurakot at kasalukuyan dinidinig sa kasong plunder, siya ngayon ang lumalabas na pangunahing players at katunggali ng Malakanyang sa darating na May mid term election.
Nakakalungkot isipin na ang pumalit kay Erap sa poder, matapos ang tinatawag na "Edsa II revolution," ay mas malala, mas mapanupil, sagad sa patakarang anti-mamamayan at imbis na masawata ang pangungurakot, mas may ilang ulit nadoble ang pandarambong at katiwalian sa gubyerno.
Bagamat may napipisil na ang administrasyon sa “Unity SENATE slate,” wala pang malinaw, hindi pa kumpirmado, nagpapatuloy ang “proseso ng pakikipagnegosasyon.” Hirap itong makabuo ng 12 senatoriable slate na may winning chance. Nag-atrasan ang unang ipinasok na ilang personalidad sa gabinete ni Ate Glo sa senate slate. Sa ngayon, halos tatatlo lamang ang malinaw na lumulutang; si Sec Mike Defensor, Rep. Juan Miguel Zubiri (Bukidnon) at Rep. Gilbert Teodoro (Tarlac), ang pamangkin ni Danding Cojuanco, dating crony ni Marcos na hostage ng Malakanyang sa isyu ng Coco Levy.
Habang nalululong at napahiya si Ate Glo sa kampanyang Cha Cha nuong nakaraang taon, naunang nakapagprepera ang oposisyon sa pagbubuo ng senatoriable ticket, kaya lang dahil sa personality, factions, tulad ng administration ticket, nahirapan maiproseso't maipinal ang slate. Tulad ng inaasahan, pinutakti ng iringan at batikos ang binuong 10 senetoriable "Dream Team" slate ng opposition, United Opposition (UNO).
Lumalabas na isang political suicide ang makipag-ututang dila sa administrasyon, sapagkat paano nito maipapaliwag sa taungbayan ang sandamukal na anim na taong punong-puno ng katiwalian, ang linlangan at lokohan.
Ayon sa ilang magkakasunud-sunud na electoral survey na isinagawa ng Pulse Asia at SWS, walang dudang mananaig ang opposition sa "magic 12" senatoriable race at maswerte na kung may isa o tatlong (1-3) makakalusot sa ticket ni Ate Glo. Kaya lang, maisustina kaya ito hanggang Mayo '07 ng opposition sa kabila ng sunud-sunod na banat propaganda ng administration, at bangayan sa loob ng opposition?
Ang grupo ng dating Sen Tito Sotto III, ang campaign manager ni FPJ nuong 2004 presidential election. Kung matatandaan, maagang (Nov-Dec 2006) ginapang at trinabaho ni Sotto ang pagbubuo ng senatoriable slate ng UNO. Kasama ni Sotto ang dating senadorang si Loren Legarda, John Osmena, Gringo Honasan at Tessie Oreta. Kamakailan lamang, malaki ang naging hinanakit ni Sotto, “sila raw ang nagbayo, sila raw ang nagsaing, iba raw ang kumain.” Dismayado si Sotto ng marandaman 'di maibibilang sa slate ang 2; Sen Gringo Honasan at Tessie Oreta.
Sa akalang maaambunan ng resources, tataya at guguhit si Danding Cojuangco sa 2007 election, nagresign sa partidong Liberal Democratic Party (LDP) at lumipat sa Nationalist People's Coalition (NPC), ang partidong kaanib sa administrasyon. Dahil sa palakol na sa kasong Coco Levy, "mas malapit ngayon si Danding kay Ate Glo kumpara sa opposition. " Ang tingin ng iba, nangbu-blupp lamang at alam nitong itataboy lamang sila ng mga galamay ng administrasyon kung saka-sakaling magsirko't lumipat sa kampo ni Ate Glo si Sotto.
Ang kampo ni Sen Drilon at ang Liberal Party. Dahil sa agendang "2010 Mar Roxas for president," maagang dumiskarte ang kampo ni Drilon sa opposition. Dalawa ang kanilang manok sa 2010 election, si Sen Kiko Pangilinan at Con. Noynoy Aquino. Kaya lang, mas kakaiba ang ikinikilos ngayon ni Kiko (asawa ni Sharon), mas malapit siya ngayon kay Sen Villar kaysa sa partidong LP.
May malaking tampo kay Kiko ang karamihan sa kampo ni Erap. Dahil sa isyu ng “noted,” isang katawa-tawang kataga nung panahong isinasagawa ang recount-electoral protest ng opposition (2004 presidential election). Problemado rin si Noynoy Aquino dahil sa isyu ng kandidatura ng kanyang tiyahin, ang dating senadorang si Tessie Aquino.
Nag-aalangan na si Drilon sa kampo ni Sen Manny Villar sa dahilang posibleng maging katunggali ng LP ang NP sa 2010 presidential election. Bilang katunggali sa hinaharap, mukhang sinirado na ni Drilon ang pakikipagnegosasyon kay Villar-NP. Kuntento na ito sa estratehikong pakikipag- alyado't pakikipag-tuwang sa kampo ni Erap at iba pang grupo sa oposisyon, tulad ni Mayor Binay, Pimentel at si Ernie Maceda.
Matapos kayudin ni Mayor Binay (tumatayong timon sa UNO) ang panimulang bwelo ng pagbubuo ng slate sa Senado, agad trinangkuhan at binuo ang walong (8-10) senatoriable slate ng oposisyon kahit pa halatang alanganing mawi-win over, ma-uunite ang oposisyon, kulang at nakareserba ang apat; Tito Soto, Chiz Escudero, Allan Peter Cayetano, John Osmena, Koko Pimentel, Jv Ejercito, Loren Legarda at si Ping Lacson. Nagpatuloy ang negosasyon sa kampo ni Sen Manny Villar. Nanindigan si Mayor Binay na ang oposisyon, anuma't ang mangyari ay makokompleto na't panghahawakan.
May apat (4) na kandito ang kampo ni Sen Manny Villar (Nacionalista Party-NP). Ang sarili, si Kiko Pangilinan, Sonia Roco, ang biyuda ni Sen Raul Roco at isang representative ng civil society. Alam ng marami na may agenda si Villar sa 2010 presidential election. Dahil sa alanganin din ang kanyang manok (Recto at Sonia Roco), lumutang at kasamang pinaugong ang isyu ng Third Force, meaning, hindi oposisyon at hindi rin Administrasyon. Umakyat ng Tanay si Villar upang makipag-areglo kay Erap at muling inilinaw ng huli na kumpirmadong kasama siya sa slate ng oposisyon. Kaya lang, may ilan pang kahilingang gustong ipasok si Villar; "isama si Kiko Pangilinan, si Ralph Recto at si Sen Joker Arroyo. " Ang problema, wala sa listahan si Noynoy Aquino.
Tungkol sa Third Force, ang tingin ng marami ay nangbu-bluff lamang ni Sen Manny Villar, sapagkat, kung aastang kontra sa oposisyon si Villar mas malaki ang pinsala kaysa sa pakinabang; una, walang dudang magtatampo si Erap at pusibleng matanggal siya sa Senate President, alalahaning may 2 Estrada at ilang pang kaalyado sa Senado si Erap. Pangalawa, baka mayari siya sa 2010.
Ang totoong nagtutak at utak ng Third Force ay ang kampo ni Sen Ed Angara. Inilatag nito ang formulang “dapat lahat ng re-electionista ay magsama-sama sa iisang slate.” Pinalutang sa Third Force ni Angara ang apat (4) ni manny Villar, ang sarili, niligawan si Sen Ping Lacson at Loren Legarda. Ayon kay Angara, bukud sa may track record at subuk na , "isa itong malakas na pwersa sa Senatoriable race." Marami ang naniniwalang mahihirapang makumpleto ang slate-12 ang “Third Force,” bukud pa sa maaring paghinalaang mga pakawala't inisyatiba ito ng administrasyon, walang sariling copy ng election returns, poll watcher, mahina't walang resources at matibay na makinaryang maitatayo.
Tanging si Ate Glo lamang ang makikinabang kung matutuloy ang Third Force. Habang pakunwaring inaalukan ng slate, tiniyak ng marami sa kampo ng administrasyon na sarado, walang free ride sa administration ticket. Maliban sa tatlong natukoy; si Sec. Mike Defensor, Con Gilbert Teodoro at Zubiri, binabanggit din ang pangalang Cong Libanan ng Samar, Gov Magsaysay ng Zambales, Sec Ace Durano ng Turismo, Sec Duque ng DOH, Cong Pichay at Gov Chavit Singson. Ayon kay Pichay, “mukhang welcome sa tiket ng administrasyon ang dalawang re-electionistang alanganin; si Joker Arroyo at Ralph Recto.”
May ilang kahilingan din ang Hyatt 10 at ang Black and White Movement ni Dinky Soliman na "dapat isama si Noynoy Aquino sa slate, alisin si John Osmena at palitan ito ni Sonia Roco, ang biyuda ni Raul Roco."
Isa sa nagpalutang at nagpainit ng isyu ng “Third Force” ay ang opensibang propaganda ni Sec. Mike Defensor na “ang May 2007 election ay labanan lamang ni Erap at ni Ate Glo.” Dahil nga naman na kung maikakahon sa dalawang elite camp ang May 2007 senatoriable race, walang dudang (taktika ni Mike) pupulutin sa kangkungan ang oposisyon sa May Election. May agam-agam ang ibang political players, tulad ng civil society at hanay ng negosyo-Makati Business Club-MBC, (dating anti-Erap) sa bansa sa personality slate ng oposisyon. Samut-saring isyu tulad ng dynasty, politics of accomodation at personality oriented ang yumayanig sa oposisyon/UNO.
Nasaan ang “PWERSA ng REPORM?”
Sa ayaw man natin o sa gusto, buluk man o TRAPO ang election, matutuloy ang May mid term election. Kaya lang mukhang alangang tumaya, 'di seryoso't walang malinaw na electoral agenda (Senate) ang “social movements, progressives at Kaliwa sa Pilipinas." Bagamat sinasabing magpapartisipa't hindi “BOYCOTT ELECTION, walang klaro" o direktang pagsisikap na makapagbuo, kahit 'di kompleto ng Senate slate, si Randy David, Etta Rosales at Trillanes halimbawa?
'Di tulad sa mga kapatid nitong mga Kaliwang partido sa Latin America (mga bansang tulad ng Venezuela, Bolivia, Argentina, Brazil, Chile, Uruguay, Peru, Ecuador, Nicaragua at kamuntikanang Mexico), na nagpakadalubhasa, nagpamangha sa buong mundo sa pamamagitan ng mga matatagumpay na "electoral politics at non-violent struggle. " Tuluyan ng itinakwail ng mga bansang ito ang US-led neo-colonial economic policies tungo sa independent, sovereign, protectionist at nationalist economic direction.
Hindi nalalayo sa Pilipinas ang tradisyon ng pakikibaka, patakarang ekonomya't dating kolonya ng Espanya at neo-kolonya ng Estados Unidos ang halos lahat ng mga bansa sa Latin Amerika. Sa katunayan, minsan ng sabihin ng mga dating comrade na "mas malapit sa dugo, sa puso kaluluwa't kultura natin ang Latin America kung ikukumpara sa ASIA o ASEAN countries."
Totoong malayo pa ang pagsasarepora ng pulitika't electoral sa bansa. Totoo ring 'di pa nareresolba ang usaping istratehiya at taktika, ang isyu ng pagiging “reformer at reformism” sa hanay ng social movement at kahit ano pa ang mangyari, kahit BULUK, TRAPO, tuloy ang May '07 midterm election.
Tignan din ang; "Forcing through?"
http://www.tribune.net.ph/commentary/20070125com1.html
Doy Cinco / IPD
Jan 25, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
2 comments:
Doy, patuloy pa rin ang political circus na nangyayari sa bayan natin..
kelan kaya ito magbabago?
Genial fill someone in on and this fill someone in on helped me alot in my college assignement. Gratefulness you on your information.
Post a Comment