Sa layuning maging credible raw ang May midterm election, nagpatawag nuong isang araw si Ate Glo ng isang 4-party election SUMMIT sa linggong darating. Kasama ang Catholic bishops sa mga inimbitahan, kaya lang, sinong gagong maniniwalang kaisa si Ate Glo sa isinusulong ng CBCP na “clean, free and honest election.”
Sino pa ang maniniwala na maigagarantiya nito ang isang marangal na halalan sa nalalapit na halalan sa Mayo kung sa hanggang ngayon ay 'di pa nareresolba ang "am sorry Hello Garci controversy," ang usapin ng dayaan at linlangan nuong 2004 presidential election. Sino pa ang magtitiwala kung maaga na (last quarter 2006) itong sinisimulan ang pangdaraya, meaning nasa pre-campaign period pa lang at wala pa sa campaign period at post election period. Kung baga, hindi kana paabutin sa proclamation, sa election day o post election day, sa pre-campaign pa lang, TKO ka na, pipilayan kana, idi-disqualify kana.
Dahil sa inaatisipa na ng marami ang malawakang dayaan sa Mayo, kapansin-pansin ang hindi mabilang na mga "Election Watchdog" na itinatayo mula sa iba't-ibang non-government na grupo ng civil society. Ang problema, nagsisimula na ang dayaan sa maraming kaparaanan.
Sa planong "Electoral Summit, " walang pinagkaiba ito sa pagpapatawag ng pulong ng mga buwaya, ng mga buwitre na ang pag-uusapan ay ang kung paano kakain ng GULAY o pagpapatawag ng pulong komperensya ng mga Macho, ng mga rapist na ang agenda ay “gender sensitive.”
Kung ating babalikan ang mga pahayag ni Presidential Adviser on Political Affairs Gabriel Claudio nuong nakaraang taon na “pupulutin sa kangkungan ang oposisyon dahil buong bigat na ibubuhos ang resources ng pamahalaan sa itatayong “superior political machinery” sa 2007 election.” Kaya naman unang inatupag ng Malakanyang ang maagang pagbabalasa ng gabinete at sinimulan ang malakihang pangungupit sa Treasury, sa kabang yaman ng bayan para sa Mayo.
Ginamit at muling gagamitin ng administrasyon ang PORK BARREL upang maagang maitayo ang electoral machinery ng kanyang mga alipores sa Kongreso. Intact na namamayagpag ang mga sindikato ng pamemeke ng Election Return (ER), ang mga Garci boys, si Sec Hermogenes Ebdane na itinalaga na sa Department of National Defence (DND) at ang point man ni Ate Glo na si Arsenio Rasalan.
Nakaabang na ang citizens armed militia at barangay tanod at walang dahilan upang hindi pakinabangan ang AFP sa Mayo ang daang libong CAFGU o BSDO sa kanayunan.
Mga dapat bantayan at abangan ng mga Election watchdog, mga concern at active citizens;
1. Ang dagdag na “umentong pasahod (vote buying?)” sa empleyado ng gubyerno. Base sa estimate ng Department of Budget and Management (DBM), magpapaluwal ng mahigit P10.0 bilyong ang gubyerno bago ang May, 2007 election; P32.0 bilyon sa 2008, P55.0 bilyon sa 2009 at P75.0 bilyon sa 2010 bilang salary increases sa mahigit dalawang milyong kawani ng gubyerno.
2. Ang “scholarship” fund ng mga maka-administrasyong Tongresmen. Kung ang P1.0 bilyong fertilizer fund scam ay nanggaling sa Dept of Agriculture ni Jocjoc Bolante, manggagaling sa CHED (commission on Higher Education) ang P 187.0 milyon one time fincial grant program na ihahatag sa mga galamay ni Ate Glo. Halatang suhol sapagkat imbis na CHED ang mamimili at mag-iiscreen ng mga mabibiyayaang “scholars” na siyang normal at moral na kalakaran, ipapaubaya na ito sa mga buwitreng mga pulitikong Tongresmen na kaalydo ni Ate Glo. Ayon sa ilang inpormante, P185.0 milyon Emergency Financial Assistance for Students (EFAST) ang ihahatag bilang payback time sa naging performance nito nuong impeachment proceeding.
3. “Seed fund” na nagkakahalaga ng P425.0 milyon programa ng Ginintuang Masaganang Ani (rice and corn) ng Department of Agriculture (DA).
4. Ang bilyong school feeding program na nakapaloob sa 2007 national budget na inaprubahan sa Tongreso. Naisingit ng maka-administrasyon Tongresmen ang nasabing budget sa naaprubahang P 1.136 trilyong panukalang budget ng pamahalaan. Imbis na gatas at nutribuns na kakaialanganin upang sumigla't tumalino ang mga bata, mukhang BIGAS ang ipamamahagi at ang malungkot, mga pulitiko sa LGUs (ULAP) at 'di mga guro sa Dep Ed ang pangunahing papapel sa distribusyon ng feeding program.
5. P500.0 milyon para sa PRE-SCHOOLING program “para sa mahihirap”. Ang P500 milyon ay bukod pa sa P250 milyon na inilaan para sa Preschool Program na kabahagi sa P46.4 billion supplemental national budget. Dagdag pa, naglaan din ng panibagong P269.5 milyon sa supplemental budget para sa Department of Social Welfare and Development’s breakfast and milk feeding para sa preschoolers sa day care centers.
6. Plano "pagpapautang o direct lending” ang DSWD-Malakanyang. Isang credit program na manggagaling sa budgetary allotments, special purpose funds at loans o grants mula sa mga donor agencies na ipapautang sa paraang subsidized rates ala KKK (Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran) ni Marcos.
7. Ang P430.8-million isiningit sa 2007 budget ng DOTC. Ang karagdagang budget ng ahensya ay gagamitin raw sa feasibility studies ng kunstruksyon ng railway systems sa Panay, Cebu at Mindanao na nagkakahalaga ng P200.0 milyon. Saan planeta ka namang makakakita ng P200.0 million "lump sum" para lamang sa isang pag-aaral kung pupwede o hindi (feasibility studies) ang railway system?
8. Ang pagju-jugglin ng pondong P1.0 bilyon mula sa Philippine National Oil Company (PNOC) patungo sa JATHROPA projects na nagresulta ng resignation ng PNOC President Eduardo Manalac.
9. Ang "political CLEANSING” na isinasagawa ng DILG sa mga LGUs na itinuturing na mga kaaway ni Ate Glo. Ang pagpapatalsik sa ilang key officials ng Arroyo administration. Isang hakbang ang political cleasing
10. Ang hiwaga ng Jueteng operation at ang STL. Supotado at pintatakbo ng DILG at PNP ang Jueteng operation sa Northern Luzon, Central Luzon, Southern Tagalog at Kabisayaan. Ang Jueteng bilyong pisong payola ay malinaw na gagamiting ng mga pulitikong kaalyado ng Malakanyang (partidong KAMPI-Lakas NUCD) upang talunin at katayin ang oposisyon.
11. programang “Tulay ng Pangulo” ng Department of Agrarian Reform (DAR). Kaduda-duda ang nasabing P1.095 bilyon programa dahil sa totoo lang, wala sa konsepto, guni-guni sa kasaysayan na papapilan nito pati ang infra projects na tulad ng tulay at kalsada.
12. smuggling money na magmumula sa Bureau of Custom (BOC). Ayon sa ilang inpormante, may P80.0 bilyong taun-taon ang nawawalang buwis sa BOC na napupunta sa bulsa ng ilang ma-impluwensyang tao sa Malakanyang.
Karamihan sa mga isiningit na pondo para sa taong 2007 budget ay isinawalat, pinagkakatay na ni Sen Drilon sa isinagawang Senate Budget hearing kamakailan lamang. Hindi maiiwasang may mga itinatago pang baraha ang mga mandaraya sa administrasyon.
Walang dudang gagawa ng magic, alingasngas at kalokohan ang administrasyon sa darating na May midterm 2007 election. Ang isang malaking hamon na lamang sa bahagi ng civil society, progressives, social movements at ang Kaliwa ay kung seryoso ang mga 'to sa kung paano poproteksyunan, paano babantayan, paano babawasan ang dayaan at higit sa lahat, paano KIKILATISIN ang mga kandidato, paano isasagawa ang epektibo at pinakamabilis na anti-TRAPO voter's education sa May midterm election?
link ; "Naivete"
http://www.tribune.net.ph/commentary/20070131com2.html
Doy Cinco / IPD
Jan 31, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment