Isa sa pangunahing popokusan at pagtutuunan ng pansin ni Ate Glo sa taung 2007, sa kanyang new years resolution, maliban sa ipanalo “at all cost” ang kanyang mga galamay na susuportahan (partidong Lakas at Kampi) sa May 2007 election ay talunin, biguin, burahin sa mapa, ilibing ng buhay, tiris-tirising parang kuto ang insureksyon, rebelyon at terorismo sa bansa, kahit anupa ang sabihin ng mundo , ng international human rights organization, ng simbahan, ng civil society at ng oposisyon, mailigtas lamang ang sarili hanggang 2010.
Isang malaking kalokohan ang tinatarget nitong “strategic victory” laban sa New People's Army (NPA). Isang bangungut ang sinasabing "strategic victory" sapagkat habang ang kasalukuyang mga buguk na pamunuan sa AFP, sa Kongreso't maging ang Malakanyang ay patuloy na mamamayagpag sa poder hanggang 2010, mananatili ang rebelyon, kudeta- insureksyon at pagrerebolusyon.
Dahil sa maling istratehiya't taktika, palpak na patakaran at sunud-sunud na political blunder, kabalintunaan ang siguradong kalalabasan, ang Malakanayang ang siya pang tutulong, ang magpapalakas at magiging recruiter ng rebelyon at insureksyon,
Ayon kay General Hermogehes Esperon, Armed Forces chief of staff, “sa nagdaang limang taong (5), malaki raw ang inihina ng NPA, mula 12,000 nuong 2002, mayroon na lamang itong 7,000 sa kasalukuyan o isang libong (1,000) pulang mandirigma ang nababawas kada taon.” Sanhi raw ito ng "matatagumpay" na military operation laban sa NPA. Dahil dito, inutusan agad ni ate Glo ang AFP at PNP na “pursigihin pang lalo ang kampanya laban sa mga komunista, talunin ang NPA bago matapos ang kanyang termino sa 2010.” Kung aabot nga sa 2010 si Ate Glo? Ito ang kanyang panata at regalo sa mga dayuhan at lokal na malalaking negosyo sa Pilipinas. Ito ang kanyang legacy at pamana sa kanyang apo at kay Uncle Sam na “maglalagay sa kasaysayan ng Pilipinas na kauna-unahang burikak na pangulong nagpadapa sa Maoistang rebeldeng NPA ng mundo?”
Gusto rin n'yang patunayang kaya niyang tapusin sa loob lamang ng dalawang taon (2 years) ang lakas ng NPA lalo na yung mga lugar na malapit sa Kamaynilaan kung saan matatagpuan ang mga tukuy na guerilla fronts o mga “critical areas,” ang Southern Tagalog, Central Luzon at Bicol regions. Sesentruhan daw ng military ang pakikidigma sa mga lugar na nabanggit at sinisigurado niyang “hihigitan pa nito ang pattern na isang libong (1,000) deduction ng lakas kada taon ang NPA at bago mag 2010, inaasahang mangangalahati (3,500) na lamang ang bilang at lakas ng mga terorista.”
Sa totoo lang, mukhang “nagsisimula ng ipatupad ng military ang de facto martial law o ang emergency rule” hindi lamang sa buong kapuluan, sa tatlong regions malapit sa Kamaynilaan, maging sa loob mismo na ng Kamaynilaan. Nagsisimula ng marandaman ang militarisasyon sa ilang critical areas sa Kamaynilaan. Ang istratehiyang ANTI-INSURGENCY ni Palparan na kinopya pa sa panahon ng diktadurang Marcos at ni Hitler ay nagsisimula ng ipatupad sa ilang mga “hots spot” na mga barangay sa Kamaynilaan.
Sa tulong ng mga tiwaling punong lunsod at punong barangay (barangay tanod) ng Manila at QC, "itinatayo na ang mga military detachment sa Pandacan at Parola, Tondo sa Manila, Payatas sa Quezon City at sa ilang bahagi ng Metro Manila." Ipinatutupad ang (10 pm) carfew at sinisimulan ng saliksikin (AFP,PNP) ang galaw at ikinikilos ng mga maka-kaliwang organisasyon. Hiningi na ang buong listahan ng mga miembro (master list) at mga pangalan ng pamunuan ng mga organisasyon. Isusunod ba kaya uli ang kengkoy ng CEDULA, na praning na ipinatupad ni Palparan sa Nueva Ecija? Kung totoo ang mga ito, isang malaking GULO ang aasahan sa country, sapagkat ito'y malinaw na labag sa ating Constitution. Dahil lamang sa seguridad ng isang ALE sa Palasyo, lalo lamang mailalagay sa malubhang krisis politikal ang bansa at pagyurak sa karapatang pantao ng mamamayan.
Ang sablay, malaking bahagi ng mga organisasyong pinagsususpetsahan at tinutukuy na mga militanteng organisasyon ay pawang mga 'di kaanib at hindi impluwensyang organisasyon ng CPP-NPA, meaning mga grupong militante na mahigpit na katunggali ng Maoistang CPP-NPA.
Kung matatandaan, nilamutak at ginahasa ni Gen Palparan ang lugar ng Central Luzon kung saan, pinaratangang komunistang NPA ang lahat ng turing sa oposisyon, sa mga aktibista na kritiko't kontra kay Ate Glo at nagresulta ng hindi mabilang na political killings at missing. Kinunsiderang mga simpatisador ng NPA ang lahat ng kaaway ni Ate Glo. Ang resulta, imbis na makabig, maminimized ang damage at isolation ng NPA, naitutulak at naipupwersa, lalo lamang napolarize, lumaki ang bilang ang "kumampi at nagmalasakit” sa NPA. Hindi lang yan, sumambulat ang balita hindi lamang sa Pilipinas, maging sa pandaigdigang larangan ng hustisya't karapatang pantao. Kumabig pa ng malaking suporta't simpatya sa mundo ang hanay ng Kaliwa at nalagay sa depensibang posisyon si Ate Glo.
Tulad nuong panahon ng diktadurang Marcos, kung hindi mareresolba ang isyu ng illegitimacy at bad governance, magkasabay na lalakas ang political opposition at rebelyon, pagrerebolusyon at insureksyong inilulunsad hindi lamang ng kilusang komunista, maging ang malawak na grupong kilusang demokratiko't makabayan, kasama ang hanay ng mga kawal (AFP) sa hanay ng junior officers.
Para sa kabatiran ng lahat, nagaganap at buhay na buhay ang pagrerebolusyon at insureksyon sa mga bansang may katangiang “banana republic” (mga bansang Ikatlong daigdig sa South America, Asia at Africa), meaning mga bansang MAHIHINA, watak-watak at bigong mga estado.
Ihahalintulad lamang natin ito sa isang pamilya kung saan lalo mong hinihigpitan at pinagmamalupitan (iyong mga anak), lalo lamang itong magrerebelde. Lalo mong sasaktan at 'di kakausapin o pupulungin kung ano ang problema ng iyong mga anak, lalo lamang itong napapalayo sa piling ng mga magulang. Ganyan lang natin ipinapareho ang relasyon ng rebelyon at insureksyon sa isang lipunan at isang bansa at ang relasyon ng isang pamilya sa kanyang mga anak.
Kung ganito kagago ang istratehiya ng Malakanyang, suntuk sa buwang hindi magagapi ng AFP militarily ang NPA, the same manner na kahibangang sabihing magagapi ng NPA sa pamamagitan ng “demokratikong rebolusyong bayan” (people's war) ang AFP at estado. Kaya't walang kahihinatnan, walang saysay, walang esensya, paikut-ikut ang cycle of violence, maraming ibubuwis na buhay, maraming bilang ng civilian (mamamayan) ang madadamay, sayang ang resources, oras, panahon sa walang kalutay-lutay na digmaang walang patutunguhan (dirty war), walang nananalo at walang natatalo.
Ang suma total, kung 'di maitatayo ang “strong, democratic at activist government,” ang gubyernong may buto sa gulugud, gubyernong may malakas at epektibong mga INSTITUTION demokratiko at politika sa bansa, magpapatuloy at hindi mareresolba ang question at usapin ng rebelyon, pagrerebolusyon at insureksyon.
Matuto sa karanasan at dapat pag-aralan ni Esperon at ni Ate Glo ang kasaysayan at karanasan ng mundo partikular ang bansang Nepal, mga bansang tinaguriang "banana republic" sa Timog Amerika, Africa at kabilang sa Ikatlong Daigdig.
Doy Cinco / IPD
Dec 31, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment