Sunday, January 21, 2007

Kawawang Puno, muling ipinambala sa kanyon

Nagsimula nuong nakaraang huling quarto nuong nakaraang taon (2006) at mukhang magpapatuloy hanggang Abril-Mayo ang tanggalan, ang takutan, ang pamba-blackmail sa hanay ng mga kalabang sa politika sa lokal (ehekutibo). Halatang- halata, kahit saan tignan, walang kaduda-dudang politically motivated at bahagi ng special electoral OPS (dirty tricks) ang ginagawang harashment at pagsususpindi sa mga lokal na ehekutibo.

Kung baga, naniningil na, iniisa-isa na ni Puno at ng Malakanyang ang mga matitigas na ulo, alanganin, traydor, tukuy na kaaway, balimbing at higit sa lahat, mga hindi nagdeliver sa panawagan tulad ng kampanyang People Initiatives-Cha Cha ng Palasyo nung nakaraang taon.


Punong puno talaga ng katusuhan, kagulangan at ultimo tumbong ni Ate Glo ay hahalikan, mapuno lang ang katutaan. Kung sa bagay, ganyan talaga ang buhay ng isang propesyunal na mersenaryo, consistent. Ginamit ni Marcos, Tita Cory, ginamit ni Erap, ni FVR at hanggang ngayon, patuloy na nagpapagamit sa kadimonyohan, katarantaduhan, katiwalian at kabulukan.

In fairnes, bilang responsableng pinuno ng KAMPI, sinususunod lamang ni Puno ang ang tungkuling nakaatas, ang ipanalo "at all cost" ang tiket ng administrasyon sa May Election at makapag-ambag sa “kapanatagan at political survival ni Ate Glo hanggang 2010.” Kung babalikan, ito na ang isa sa mga babala, sa mga signales na ipinagyabang ni Sec Gabby Claudio na "SUPER MACHINERY" ng gubyerno na dudurog sa tiket ng OPOSISYON sa May 2007 election.

Batid ng lahat ang kahusayan ni Puno at kaya itinalaga siya ni Ate Glo sa DILG ay upang paglingkuran ng matiwasay, ng walang pag-aalinlangan ang mga lords, ang mga panginoon sa Malakanyang, ang mapigilan ang posibleng landlide victory ng oposisyon sa Senado, sa Kongreso at sa Lokal sa darating na May mid term Election.

Sa paghugas ng kamay, "isa lamang trabaho at pagsunud lamang sa utus ng Ombudsman at ni Sec siRaulo Gonzales ng Dept of Justice (DOJ) ang mga kasong dismisal na isasampa sa mga lokal na ehekutibo. " Ayon sa Comelec Com Abalos at Sen Drilon, "labag sa batas, sa Omnibus Election Code" ang arbitrararyong dismissal sa mga Lokal na ehekutibo at tanging sa korte lamang ang desisyon kung may sala o wala ang mga lokal sa baba.

Minanipula't brinaso ni Puno ang Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), pati ang independenciya ng Liga ng mga ehekutibo sa lunsod, municipalidat at goberndor ay tinarantado ng DILG sa tulong ng DOJ. Sapilitang sinalaula ang ispirito ng demokrasya- demokratisasyon sa lokal empowerment sa grassroot, ang esensya ng decentralization at local autonomy.

Pilit na tinatakot ang mga Lokal na Erehekutibo na komo kumawala na sa orbit ni Ate Glo ay kara-karakang ididismis, tatanggalin at gamitin ang isyu ng pangungurakot ng Ombudsman DOJ at sa maitim na balaking "linisin ang mga kaaway sa pulitika ni Ate Glo sa baba."

Alam ng lahat ang pinaggagawa ni Puno sa DILG, ang sikretong electoral mapping ng Malakanyang hanggang sa baba, meaning “tukuy n'yo na kung sino sa mga lokal na ehekutibo (Mayor, Gobernador) ang sa inyo't mga kakampi at pasisirkuhin sa partidong KAMPI, tukuy n'yo na kung sino ang kalaban at kung sino ang walang pinapanigan. Ang paraan at metodolohiya ng instrumentong pagta-TAGGING ay lubhang mahalaga sa electoral combat, lalu na't inaasahang mahigpitan at maliliit lamang ang inaasahang winning margin sa May midterm election."

Napaka-supistikado't comprehensibo ang plano't operasyon, ang parallel electoral machinery, hanggang barangay level ang tagos diretso sa Punong Barangay. Ganyang ang modus operandi ng isang pusakal na mersenaryong operador na tulad ni Puno.


Ang planong pagtatanggal (sa darating pang mga araw, mga linggo) ayon kay Sec. Puno ng mahigit 200 pang lokal na ehekutibo (Mayor at Gobernador) sa buong kapuluan ay walang dudang resulta lamang ng isinagawang PAGTATASA ng political at electoral mapping sa "war room ng Malakanyang" at DILG nuong nakaraang taon. Ganyang kaGULANG, ka-paranoid, kasigurista at karumi ang inaasahan sa May 2007 election.

Paano nga naman mananalo ang oposisyon sa May 2007 election kung maaga ng sinisimulan ang pandaraya, ang panggagapang, ang technicalidad at dirty tricks-special operation ng administrasyon? Aasahan pang titindi ang dayaan, ang kaguluhan, ang patayan sa panahon ng Campaign period, sa counting, canvassing at sa post election period.

Tignan din ang; "the Puno trap"
http://www.tribune.net.ph/commentary/20070122com1.html
"Only courts can dismiss elective officials"
http://www.journal.com.ph/index.php?issue=2007-01-24&sec=4&aid=7574

Doy Cinco / IPD
January 21, 2007

No comments: