Sunday, January 21, 2007

Tatapusin ni Ate Glo ang laban sa Abu Sayyaf?

"Wag n'yo kaming pinagloloko at maghunus dili, sapagkat isang malaking bangungut ang pinapangarap ni Ate Glo na pag-ubus, pagpulbos, pagsawata sa Abu Sayyaf Group (ASG). Kahit ubusin pa ang lahat ng personalidad at pamunuan ng ASG, mananatiling buhay at bahagi na ng kasaysayan ng Pilipinas ang ASG.

Una; habang si Ate Glo, si Norberto Gonzales ng Seguridad, mga tiwaling mga matataas na opisyal ng militar ay magpapatuloy sa pwesto walang mangyayari sa kampanya. Sapagkat ang mismong tumutugis sa ASG ay siya rin mismong nag-aalaga sa ASG. Pangalawa; habang nananatili ang dayuhang pwersang Amerikano sa bansa, mamayagpag ang ASG, magmumultiply ang maraming Janjalani at lubusang lalakas pa ang iba pang grupong rebelyon sa Mindanao.
Pangatlo; suportahan ang rights ng mga kapatid nating Moro para sa sariling pagpapasya (self-determination), local autonomy, local good governce at idagdag pa natin ang pagpapalakas ng democratic Institution, walang dudang uunlad ang Mindanao, partikular ang Muslim Mindanao.

Alam ng mga taga-Southern Philippines na PERAHAN, palabas at zarzuela lamang ang isyung anti-terorismo sa Mindanao. Yung nga lang $5.0 milyung (P250.0 milyon) bounty ng mga Amerikano sa pagkakapatay kay Janjalani, (maliban sa milyung dolyar na halagang iiwang armamento ng US Army sa AFP) ay parang mga gutum na asong nagkumahog na agad ang pamunuan ng militar kung paano pagpaparti- partihan ang kwarta. Kung may pera sa basura, the same manner na may pera rin sa GERA.

Alam din ng pamunuan ng AFP ang mahabang kasaysayan insureksyon ng Moro sa Mindanao. Alam ng AFP na tatagal ng ilang dekada ang gera laban sa terorismo sa Mindanao, alam din nila na napakahirap maging kalaban ang insureksyon Moro lalo na't sinasabi nitong nago-globalized, (South East Asia) na ang labanan at isyu sa Mindanao.

Simple lamang ang lohikang nagaganap na gera sa Mindanao at ang laban kontra- terorismo ng militar at Estados Unidos, kung walang “gera, walang pera, kung walang proyekto na inilulunsad laban sa ating mga kapatid na Moro, walang happening. Ang Estados Unidos nga, sa kabila ng may pinaka-abanteng kasangkapang pandigma ay di matalo-talo, 'di maneutralisa, masugpo ang insureksyon sa Iraq at Al Qaeda ( pinagdududahan din ng mundo ang ugnayang Al Qaeda at CIA), sa Pilipinas pa?

Lubhang kailangan ng Malakanyang ang operasyong militar sa Mindanao, sapagkat kung mawawala ang gera, para na ring sinabing patay at inutil ang military, maliban pa sa mawawala ang mga dilhensya at pangungurakot.

Ang kampanyang “globar war” sa terorismo ng US at sa inilalakong “anti-terosim bill” ni Ate Glo sa Kongreso ay mawawalan ng bwelo kung magkaroon ng katahimikan sa Mindanao. Ano pa ang dahilan at pangangailangan ng isang "batas kontra terorismo" kung tahimik na ang Mindanao at ang Malakanyang na ang umaaktong terorista? Lubhang kailangan ng mga Heneral ang gera upang mailagay sa mapa ng mundo ang Pilipinas (ika nga SIKAT), kailangan ang gera upang sa pang-araw-araw na ginawa ng diyos ay mapansin, ma-high profile at maprioridad ang mga Heneral sa estado poder.

Hanggang sa kasalukuyan, may pagdududa at suspetsa ang marami (hindi lamang mga taga-Mindanao) sa hanay ng simbahan (Claretian) at Magdalo na isa lamang palabas, isang sabwatan ang nagaganap na drama, gulo't suliranin sa Mindanao.

Tignan din ang; "Australia sees more RP terror attacks; metro cops on alert"
http://www.gmanews.tv/story/27768/Australia-sees-more-terror-attacks-in-RP-Metro-cops-on-alert

Doy Cinco / IPD
Jan 22, 2007


No comments: