Ang sarap-sarap ng buhay, nananahimik, kumikita ng milyong piso kada buwan sa TV-Ad commercials, pelikula, sa mga dambuhalang tarpuline na nakabalagbag sa kahabaan ng Edsa, isang araw habang nagshu-shooting sa isang pelikula, simple ang kasuutan, naka T-shirt, biglang pasok sa eksena si Political Affair Sec Gabby Claudio, ang masugit na alalay ni Ate Glo at tumitimon ng “super machinery,” biglang anyayang “sama ka sa Team Unity, sagot na ni Ate Glo ang gastusin mo sa kampanya na nagkakahalagang P200.0 milyon with maching Pol Ad sa TV spot at iba pa,” sabay kaladkad kay Buboy at iprinisinta kay Tainga de Venecia sa harap ng sankatutak na media, napasumpa sa Partidong Lakas-NUCD at agad isinama sa 12 senatoriable ticket ng administrasyon. Mula nun, nagulo na ang buhay ni Buboy.
Humarangkada ang kampanyahan., mga sorties sa Cebu, Pampanga. Lumipas ang ilang Linggo, naghihintay ng pondo, ng logistic si Buboy, nagsumbong at naghugas kamay si kay Ate Glo at itinuro si Gabby. Mukhang nakahalata na ang mag-asawa (Sunshine Cruz) na nagkakadenggoyan na. Napansin ni Buboy na parang may kulang sa kampanya, "nasaan ang mga Provincial coordinator , nasaan ang mga posters, bakit hindi ako kasali sa mga TV spot-Pol Ads? " Bakit parang “nagagamit ako sa mga rallies at sorties,” ang papel ko lang ba sa Team Unity ay bilang “crowd drawer?"
Ayon kay Ace Durano at Gabby Gladio, mga campaign manager at political officer ng Team Unity, “sikat at kilala na si Buboy, 'di na kailangan ang awareness campaign, panalo ka na?” “Magtyaga, maghintay-hintay muna si Buboy at ilang Linggo na lamang ay lalarga na ang kampanya sa Lokal, ipakikilala siya sa mga pulitiko, naghahanap pa ng pondo, easy-easy ka lang."
Lumipas ang mga araw, bumulaga ang dalawang magkasunod na Electoral Survey ng Pulse at SWS. Maraming 'di naniwala na kulelat si Buboy at namasaker ang administrasyon. Ng ilabas ng Malakanyang ang sarili nitong Survey na kinumisyon nito mismo, lumabas ang katotohanan, wala sa magic 12, kulelat nga si Buboy. NALOKO si BUBOY, Nayanig ang mag-asawa.
May nagsasabing ang Governatorial race ang fallback position ni Buboy, kaya lang, tulad ni Pacquiao, baka mateknikal si Buboy. Marami ang nakaka-alam na sa Sta Mesa, Manila siya nakarehistro at hindi sa Bohol. Ang huling balita, nagdadalawang isip na umatras na sa Unity Ticket Senatoriable race si Buboy
Kung ating babalikan, mga huling quarto ng 2006, umugong ang pangalang Cesar Montano na tatakbo bilang Vice Mayor ng Manila at mukhang katandem pa ng oposisyong si Sen Ping Lacson, pantapat raw kay Pacquiao na katandem naman ni Ali Atienza, ang anak ni Mayor Atienza.
Bagito, madaling mauto, walang kamuang-muang si Buboy sa electoral politics. Ang akala niya, ganun kadali, mas matino ang pulitika kung ikukumpara sa showbiz. Ang akala niya, komo showbiz, sikat at kilala, sasapat na, automatic na ang panalo, tulad ng karanasan ni Sen Lito Lapid, Bong Revilla at Tito Sotto. Ang 'di niya alam, bago pumasok sa pulitika ang tatlo, naghanda at nagprepara ang mga ito; tiniyak ang pondo at lohistika, may sariling itinayong makinarya at hindi umasa sa Partido.
Napakahalaga ang may sariling estratehiya't taktika at PARALLEL MACHINERY sa electoral politics. Sa pulitika, lalo na't nasa bingit na pangwalo (8-16) sa standing, kanya-kanya ang labanan. Aasahang magkakapartido ay maggugulangan at magtatrayduran (junking). Ang isang lesson na dapat tandaan ni Buboy,”Wag na 'wag AASA sa PARTIDO.''
Ang pangalawang lesson ni Buboy dito, sa uli-ulitin, kung pangangakuan ng isang tao, hindi naman sa 'di nagtitiwala, MONEY DOWN, KALIWAAN, HATAG PERA bago pumayag.
Doy Cinco / IPD
March 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment