Saturday, March 03, 2007

Militarization sa slum areas, pangontra sa “culture of rebelling,” KATANGAHAN!

Praning na, hindi na natuto, lalo lamang inilulubog ni Ate Glo ang sarili sa kumunoy ng kasaysayan. Ayon kay Sen Recto, isang pro-admin ticket sa senatoriable race sa May midtern election, “imbis na medical mission, duktor at nurse sa mga health center, inhenyero at pagpapatayo ng disenteng paninirahan, mga basic services na lubhang kailangan ng maralitang lunsod," MILITARIZATION ang tugun ng mga utak pulburang mga General ng AFP! Ayon sa AFP, "ang deployment ng ilang batalyong sundalo ay dapat lang daw upang masawata ang “kulturang rebelyon” na pusibleng sumiklab pagkatapos ng election sa Mayo. Ano ang kasunod nito, SONAHAN, CEDULA, tulad ng ginawa ni Gen "berdugo" Palparan, sa Central Luzon?

Ayon sa mga progressive bloc, ito'y isang uri ng panunupil, partisanship sa May election, isang uri ng special operation upang sawatain ang posibleng tagumpay ng oposisyon sa nalalapit na Mayo. Ayon naman sa iba, imbis na masawata, lalo lamang lalakas, lalo lamang mararadicalized, punla't bitamina ito sa insureksyon at rebelyon. Walang dudang tatapatan lamang, tutumbasan lamang ng mga kalaban ng gubyerno ang kalupitan ng Malakanyang o ang posibleng pagbabalanse ng paghahasik ng gulo o BLANCE of TERROR tulad ng, muling pagbabalik ng URBAN GUERILLA warfare sa Kamynilaan, ala ABB (Alex Buncayao Brigade) o ang Irish Republican Army (IRA) sa Great Britain, cycle of violence, ang civilian lamang ang mapupuruhan, ang apektado at hindi ang mga combatant.

Naulit na ito nuong panahon ng diktadurang Marcos, diniklara ang Martial Law, naghigpit ang mga militar, naglipana ang "secret martial," ano ang resulta, naging bitamina, naging fertilizer ng rebelyon at insureksyon, lalong lumakas ang NPA. Bakit hindi natututo, hindi naglalagom ang Estado, si Norberto 'saging' Gonzales, ganun na ba KATANGA ang Malakanyang sa counter insurgency?


Malaking blunder ang militarisasyon, pagtatayo ng detachment sa mga slum areas upang maneutralisa ang mga kaaway sa pulitika ng Malakanyang, sapagkat sa totoo lang nasa mga subdivision, apartment, condominium, sa Malls at LRT nagpupugad ang mga ito. Walang problema, kung sana'y mga drug lord, prostitution lord at weteng lord (kadalasa'y kasabwat ang LGUs, PNP at Malakanyang) ang tatargetin, pupuntiryahin ng AFP.

Ipinapakita lamang, lumalabas na hindi na kaya, desperado na, hindi na lamang nagkakasya sa kanayunan ang pagrerebolusyon ng mamamayang Pilipino. May malaking epekto sa imahe ng mundo, sa international community ang lumalalang "culture of rebelling" kung totoo sa Kamaynilaan. Ano ang sasabihin ng UN, “imbis na maisakatuparaan ang Karapatang Pantao, lalo lamang lalala ang pagyurak sa mga batayang karapatan ng mamamayan, na siyang magtutulak na mag-extreme, maitulak sa dulo ng armadahan ang mamamayan.”


Ang tanong ng marami, "ganuun na ba kalala ang peace and order situation ng ating bansa, lumalakas ba ang insurgency, gawa-gawa lamang o ang isang uri lamang ito ng pandaraya sa nalalapit na ELECTION sa Mayo?”

Doy Cinco / IPD
March 4, 2007

No comments: