Kamakailan lamang, naging kontrobersyal at usap-usapan ang mga inilalabas ng dalawang malalakng Survey firm sa bansa, ang SWS at ang Pulse Asia. Tulad ng inaasahan, natural lamang na magtampo't magduda ang mga kandidato na malalayo sa ranking at mga nasa bingit at alanganin sa magic 12. Natural lang na busisiin ng magkabilang kampo kung anong pamamaraan, magkano ang budget at kung sino ang nagkomisyon ng survey.
Kung hindi maipapanatili ang kasagraduhan at maimimintina ang kredibilidad ng mga ito, totoong makakalasap ito ng kung anu-anong akusasyong bahagi ito ng isang malakihang iskima ng pandarayang "trending" kung saan ikinukundisyon ang kaisipan ng mamamayan na ito na ang magwawagi sa nalalapit na May midterm election. Ito ang isang kasong kinaharap ng SWS nung 2004 presidentiable race. Sa kabilang banda, maaring tignang positibo't nakakatulong ang survey; Una, isang paraan ito upang masawata ang anumang garapalang pandaraya at manipulasyon ng isang partido't kandidato. Pangalawa, anuman ang resulta, isang challenge ito upang magpunyagi't magsipag ang mga kandidato.
Sa huling survey sa top 15 senatoriable race, nananatiling walo (8) sa Genuine Opposition (GO), dalawa sa Independent at apat naman ang nasa hanay ng Team Unity administration candidate.
Kung seryoso ang isang kandidato o ang isang partido sa Party List man, sa Senatoriable race o sa local electoral combat na manalo sa isang halalan, ang survey ay isa sa mga sangkap upang makapagsagawa ng isang estratehiya sa electoral campaign. Isang paraan din ito upang mavalidate ang kalakasan at kahinaan ng isang realidad ang electoral terrain sa kampanya. Napakahalaga ng isang electoral survey, kaya nga't parang mga kabuting nagsulputan ang maraming mga nagpapasurvey na ahensya.
Sa ayaw man natin at sa gusto, isa na itong hanapbuhay, negosyo/ consultancy firm. Sa totoo lang, dinadaan sa isang pagsubuk o isang survey ang anumang prudukto (komersyal man o kalakal) bago ito lapatan ng panibagong pag-aaral at ibenta sa madla. Sa isang electoral campaign, isa na ang survey sa pinaghandaan at pinaglalaanan ng pondo't pansin ng isang seryosong kandidato upang makatiyak sa panalo.
Isang siyensya, hindi haka-haka o patsambatsamba ang halalan. Kailangang napanghahawakan at nababasa nito ang kalagayang panlipunan at pampulitikang kabihasnan o terrain ng labanan. Kahit sa isang GERA, napakahalagang alam mo ang sitwasyon, ang electoral terrain, makilala ang kakayahan ng sarili at maging ang ating mga katunggali, iba't-ibang prupong pampulitika at ang isa sa makakatulong dito ay ang pagsasagawa ng electoral survey. Layunin din nito na matukoy sa paraang siyentipikong ang voter's demographic ng isang lugar, inaalam ang kasaysayan at tradisyon ng halalan sa lugar. Maliban sa survey, maaring mabasa rin ang political terrain, mapping ng isang lugar sa paraang pagpapatawag ng isang electoral conference-political mapping na binubuo ng halos mga political players, leaders sa isang teritoryo.
Para bagang, kung gusto mong malaman ang lasa ng isang buong drum ng kape, sa iisang kutsara lamang, alam muna ang kabuuang lasa ng isang drum ng kape ng hindi na kinakailangang nilalaklak mo, iniinum ang isang drum ng kape. Ito ang siyensya at esensya ng electoral survey at ginagamit ang paraan ito ng halos nasa akademya at sosyolohiya.
Maging maingat sa pagsasagawa ng survey. Kapag biased ang pagpapatupad nito, biased din ang kalalabasan. Kung kaya't mahihirapan ng makabawi ang isang institusyong nagsasagawa ng survey kung ito'y nabahiran na ng pag-aalinglangan. Sa kasalukuyan, dadalawa ang kinikilala sa larangan ng pagsusurvey; ang Pulse Asia at ang SWS. Bagamat may ilang mga sablay (may kalakihan ang margin of error) na naisagawa ang SWS nuong nakaraang 2004 Presidential Election, nakabawi naman ito sa ilang mga isinagawa nitong mga survey. Hindi nagkakalayo sa accuracy ng survey ang SWS at ang Pulse Asia.
Ano ang layunin ng electoral (random) survey?
Sinusukat nito kung gaano kakilala ang isang kandidato at sino ang iboboto at pipiliin ng tao. Tinutukoy nito kung saan ang malalakas at mahihinang lugar para sa mga magkatunggali. Nalalaman ng survey kung anong isyu ang maaaring dalhin ng kandidato at kung ano ang magiging pagkakakilala sa kanya sa takbo ng kampanya.
Normally, dalawang hanggang tatlong survey ang kadalasa'y kailangan sa halalan. Sa unang survey, mas awareness at name recall level ang sinusukat sa isang kandidato. Sa pangalawang survey, inaalam kung sino na ang kanilang iboboto at kung kaya paba itong mabago (Conversion factors). Ang kalalabasang pagsusuma nito ay magagamit sa pagbubuo ng isang estratehiya at pagpaplano sa kampanya.
Upang makatulong sa ilang kaalyado na manalo sa lokal, may ilang beses rin nagsagawa ang IPD sa ilang lugar sa Pilipinas na libre, hindi kinakalakal. At ang sinusunod na nakagawaiang +/-3.0 % margin of error ay matagumpay na naisasakatuparan.
Source: ECMT MANUAL (Electoral Campaign Management Training)
Produce by OUTREACH Comuunication Department /
1998 - 2002 Institute for Popular Democracy (IPD)
Doy Cinco / IPD
March 25, 207
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment