Dumating na sa yugto na kung saan mga dayuhan na ang bubusisi sa pang-aapi't pang-aalipusta ng isang gubyerno (isang independent, soberanyang bansa) sa kanyang sariling mamamayan. Parang "kaparallel" na natin ang Somalia, Sudan, Bosnia, Sierra Leone, Afghanistan, Iraq at Burma, mga bansang pinanghimasukan at nilalamutak ng mundo, mga lugar kung saan mahina't bagsak ang estado (weak at failed state), lalo na sa larangan ng human rights.
Wala ng karapatan ang isang soberanyang bansa, lalo na kung ika'y isang muchacho-super maid na bansa, na magsabing, “wag kayong maki-alam”, “panloob na usapin ito, huwag kayong manghimasok.” Kung baga, hindi na lamang mga Pinoy, mamamayan ng mundo (global citizen-non government) na ang kalaban ni Ate Glo sa isyu ng Human Rights, sa isyu ng political killings. Iba pang usapin ang papel ng US na kung saan, may malaking interest ito sa Pilipinas, bilang ROBOcup, tagapamandila ng "global war on terrorism" ng mundo at bilang neo-colony ng Estados Unidos.
Kung atin babalikan, hindi umubra kay Ate Glo ang Task Force Usig, ang itinagong report ng Melo Commission na naatasang magsagawa ng investigation. Nagpatuloy ang political killings at political persecution sa kabila ng kalat-kalat, maiingay na propaganda't maliitang pagkilos. Bagamat napahiya, hindi rin umubra ang Amnesty International (AI) na nakabase sa United Kingdom, nagpatuloy ang killings. Nagkipit balikat, dinedma at itinanggi rin ni Ate Glo ang astig na report ng United Nation special rapporteur Alston. Nagpatuloy ang political killings.
Pumasok sa eksena ang International Parliamentary Union (IPU) na nakabase sa Geneva. Walang dudang tatarayan din ni Ate Glo ang IPU. Ang malaking tanong, kung si Uncle Sam na, kung ang US Senate (Foreign Relation) na ang papasok, manghihimasok, ang makikialam sa investigation, tarayan din kaya ito ni Ate Glo? Inaasahang mag-iiscalate ang pagkilos at preassure ng mamamayang Amerikano laban sa GMA government na maaring humantong sa panawagang itigil na ang US military Aid sa Pilipinas.
Kinikilala pa ring ng US bilang closest ally ang Pilipinas, bilang dating kolonya-neo-colony at puppet nito. Ang tanong, umalma kaya si Ate Glo sa US Senate kung saka-sakaling lumabas sa investigasyon ang totoong salarin ay siya mismo bilang Commander in Chief, meaning pumanig sa mga kalaban niya, sa mga Kaliwa ang US?
What is happening to our country General, Ate Glo? Bakit humantong sa ganitong sitwasyon ang ating bansa? Numero una na nga tayo sa pangungurakot sa Asia, numero una pa rin bilang berdugo at paglabag sa karapatang pang-tao sa Asia.
Kung ang gubyerno ni Ate Glo ay lubhang nalagay sa depensiba, nanghihina sa kaliwa't kanang ateke ng mga kaaway sa pulitika, walang dudang nanghina rin ang kilusang Kaliwa sa patuloy na panloob na krisis at panlabas na atakeng pasista ng Estado, lalo na sa isyu ng malawakang PURGAHAN nuong dekada 70s-80s. Kahit LAOS na, hindi bumibitaw sa makaluma, ”old school, MaCartyism, anti-kumunistang pananaw” ang mga Generals, Norberto "saging" Gonzales, si Ate Glo at kanyang gubyerno. Nagpapatuloy ang katangahan, “sa ngalan daw ng demokrasya, sa ngalan ng anti-isurgency, ipagtatanggol ni Ate Glo ang sariling kaligtasan, idedepensa ang karapatan ng Malakanyang at ituturing demonyo ang mga kumunista.”
Tanggapin man natin o hindi, hindi pa nakakabawi ang Kaliwa at Kilusang Masa sa antas na inabot nito nuong dekada 70s hanggang 80s. Wala tayong nakikitang malawakang mobilisasyon kahalintulad nuong panahong napaka-popular ng Kaliwa laban sa diktadurang Marcos. Matumal ang mga kilos protesta, bagsak ang mga sectoral movements, walang malakihang pipol power, kaya lang lumalakas naman, nagiging llamado, nagiging popular sa tao, nagpapakadalubhasa at nakakabawi naman sa ELECTORAL POLITICS- Party List election, sa Local Governance at ibang arenas of struggle ang mga Kaliwa.
Doy Cinco / IPD
March 15, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment