Hindi na balita ang iniulat at ginawang pananaliksik ng Hong Kong-based Political and Economic Risk Consultancy (PERC). Ang balita, ang broadcast-headline ay kung NAWALA na ang Pilipinas sa listahan sa pagiging valedictorian sa PANGUNGURAKOT sa buong Asia, tiwali at bastardong ekonomya sa Asia, yan ang headline, 'yan ang balita.
Sa totoo lang, dahil sa tindi ng pangungurakot sa gubyerno (LGUs – National), na-overtekan na tayo ng mga dating mahihirap at abang mga bansa sa ASIA. May ilan dekada ng kulelat ang Pilipinas sa larangan ng pag-eengganyo o pang-hihikayat ng mamumuhunan (foreign direct Investment) sa bansa at mas naging matumal, lumala pa ito sa loob ng anim na taong nasa poder at panunungkulan ni Ate Glo. Habang daan-daan-daang bilyong dolyar na dayuhang puhunan naman ang pumapasok sa Vietnam, sa China, Malaysia, Indonesia, India at iba pa, barya-barya lamang (single digit-$2.0 bilyon) ang pumapasok na puhunan sa Pilipinas. Dinaig pa tayo ng Bangladesh at Cambodia!
Hindi na natin ilalahad ang mga karaniwang alam na nating mga insidente ng pangungurakot sa gubyerno. Sentruhan natin ang campaign budget ng Malakanyang para sa kanyang kandidato sa nalalapit na May midterm election na aabot sa estimate ng mga political operators na P12.0 bilyon. Isa ito sa pinakamalinaw na ehemplo at walang dudang panggagalingan ng PANGUNGURAKOT sa gubyerno. Sa layuning maisalba (political survival) ang pangulo hanggang 2010, kailangan nitong ipanalo “at all cost” ang administration ticket sa Congressional at Senatoriable race.
Alam ng lahat na ang pulitikang PADRINO, na kinabibilang ng mga Taipan-Chinoy (Lucio Tan, Gaisano, Gocongwei at iba pa), Gambiling Lords (Bong Pineda ect...), Drug Lords, Contractor at Supplier na pangunahing financier, campaign donor at mga suportador ng Administrasyon at ilang sa oposisyon ang siyang nagpapagalaw at impluwensya ng pulitika sa realidad. Maliwanag pa sa sikat ng araw na ang pinagmumulan ng KURAKOT at anomalya sa gubyerno ay ang political patronage. Ito ang mga kadahilanang kung bakit mahina ang Estado (weak state) at lupaypay ang mga political institution sa bansa.
Sariwa pa sa ala-ala yung nangyari nuong nakaraang taon, yung ilang bilyong pisong (P2- 6.0 bilyon) ginastos ng Sigaw ng Bayan (suhol sa pagpapapirma at propaganda war) na inaming nagmula sa Malakanyang. Ang mga suhol tulad ng SARO, pork barrel ng Malakanyang na bumaha nuong impeachment proceeding sa Kongreso. Yung over priced na P1.3 bilyong Mega Pacific SCAM ng Comelec na hindi napakinabangan, nabubulok sa bodega, may P800.0 milyong piso na ang panimulang ibinayad ng gubyerno. Yung anomalya ng P3.3 bilyong PIATCO Scam kung saan binalikat na ng gubyerno ang bilyung dolyar na katangahan, irregularidad at kotong. Ang nakakalungkot, "para sa kanila, normal procedure, normal na kalakaran, taas nuo pang ipinagmamalaki na hindi raw ito kurakot kundi public service."
Pagbabayaran ni Ate Glo ang anim na taong krimeng pandarambong, katiwalian na ginawa nito sa gubyerno. Hindi mabilang na pangungurakot ; ang P27.0 bilyong nakaw na yaman ng mga Marcos na dapat sana'y sa mga biktima ng human rights napunta ay walang awang kinurakot, kinupit pa ng PCGG sa utus ng Malakanyang at ginamit sa pulitika nuong 2004 election, 2006 anti-impeachment at magpahanggang ngayon.
Maka-ilan ulit, sirang plakang propaganda ni Ate Glo sa tuwing may SONA, na “susugpuin nito ang pangungurakot sa gubyerno,” “within 365 days, mawawala na ang WETENG sa Pilipinas.” Ilang ulit ding isinisisi ni Ate Glo ang paghina ng ekonomiya at pangungurakot sa kanyang mga kaaway sa pulitika.
Ang nakakalungkot pa rito, isang linya lamang ang bukang bibig ng UMBUDSMAN, “walang over pricing, walang irregularidad, LEGAL, malinis, walang anomalya at above board ang transaksyon.” Sinalaula ni Ate Glo ang mga tinaguriang “Independent Constitutional Body” at mga “democric Institution ng bansa.” Nawalan ng kredibilidad at pagtitiwala ang taumbayaan sa Umbudsman, Comelec, sa Kongreso, AFP, ang LGUs at ang burakrasya. Pilit ipinapaniwala ni Ate Glo na “strong republic” daw ang bansa, kahit alam ng marami na mahina, walang buto sa gulugud at tau-taauhan na lamang siya sa palasyo.
Doy Cinco / IPD
March 14, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment