Pangkaraniwang pandarayang nagaganap sa panahon ng kampanya, bisperas ng Botohan, Bilangan hanggang Canvassing
Ang mga huling yugto ng kampanyahan o mga dalawang linggo bago ang botohan ang isa sa mapagpasyang yugto ng labanan sa kada election. Bukud sa lalala ang patayan at kaguluhan, magsisimula na ang garapalan, frontal offense at patagong klase ng dayaan, partikular ang paniniyak na istable na ang conmmand votes, pagneuneutralisa na mga command votes ng kalaban, negotiation sa Comelec's, gapangan sa "swing votes" at iba't-ibang mga pamamaraan ng “special at dirty tricks” operation ng mga kandidato laban sa kanilang mga kandidato.
Ang araw ng botohan at bilangan ang pinakamahalaga sa lahat ng yugto ng halalan. Dito kadalasa'y kinakapos ang mga kandidato, partikular sa nakalaang pondo at sa natitira pang enerhiya ng kandidato't makinarya. Sa kabuuan, "delivery at proteksyon ng boto ang siyang pangunahing aktibidad ng organisasyon at makinarya."
Ang larangan ng labanan sa yugtong ito ay kagyat na magbabago, mula sa propaganda't kampanyador, nasa mga presinto na ang pangunahing larangan ng labanan (battle ground); mapagpasya sa panahong ito ang mga grupong pangteritoryo, pampresinto at special operations. Sa kanila nakasalalay ang panalo o pagkatalo ng isang kandidato. Nakakunsentra ang vote delivery at proteksyon sa pinaka-epektibong daloy ng komunikasyon at organisadong kumand. Ang lahat ng ito’y nakatuon sa kung paano mapapangalagaan ang boto ng isang kandidato.
Ano ang mga litaw at kumon na pandarayang nagaganap sa panahon ng kampanya, bisperas ng Botohan, Bilangan hanggang Canvassing?
Kumon sa ngayon ang iba't-ibang uri ng vote buying na kadalasa'y pinangungunahan ng dominant political party, ang LAKAS at KAMPI (ilang oposisyon). Sila ang mga partidong may kakayahan at pinaghihinalaang may P1.8 bilyong pang-vote buying sa natitirang dalawang Linggo ng kampanyahan. Ito'y bahagi lamang sa mahigit kumulang na kabuuang P12.0 bilyong war chest-campaign funds ng "SUPER MACHINERY" ng Malakanyang para sawatain at all cost ang mga kaaway sa pulitika.
Mula sa pamimigay ng mobile phone cards ng kandidato (Ali Atienza-Manila), pamimigay ng salapi, lechon, balato, donasyon, incentives at pamimigay ng accident insurance benefits cards na nagkakahalaga ng P100,000.00 kada barangay watchmen at health workers at P10,000.00 pampalibing o burial benefits (Joe de Venecia, Chabit Singson at Pacquiao).
Ayon kay Mayor Benjie Lim ng Dagupan City, talamak na ang "vote-buying spree" sa Pangasinan. Gagawa ng lahat ng paraan upang ang kasalukuyang kinakabahang Speaker of the House at bosing ng LAKAS-Nucd ay manalo. May P30,000.00 kada barangay captain, P5,000.00 kada barangay kagawad at P1,000.00 kada empleado ng gubyerno at kagawad ng Board of Election Officer (BEI)-teacher at dalawang assistance. Walang dudang ipinatutupad ito sa halos lahat ng probinsya ng Pilipinas na may kontrol ang Lakas-Nucd.
Tahasang inamin ni Pacquiao na may mahigit 100,000 tao sa General Santos City, South Cotobato na ang nakatanggap at nabigyan ng policy sa insurance.
Laganap pa rin ang pamimigay ng Philhealth cards na pinauso ni Ate Glo nuong 2004 presidential election, pamimigay ng rewards money na nagkakahalaga ng P10,000.00 sa sinumang makakagawa na maisi-zero ang kalaban sa mga barangay (Sec Raul Gonzales) at pamimigay ng P1,000.00 sa mga campaign sorties bilang “anting-anting.”
Uso pa rin magpahanggang ngayon ang "pamimili't panunuhol ng malaking salapi (minimum P20,000.00 each) upang maineutralisa ang balwarte ng kalaban na 'wag ng bumoto o lumabas ng bahay sa araw ng election." Dahil sa isyu ng secrecy at high technology, inaabutan na lamang ng ATM cards ang mga tao. Ginagamit din ang ATM na may laman (P10,000.00) pang shopping o grocery at kung sinuswerte, bakasyong grande free board and lodging sa Baguio, Boracay at minsan kung big time ang lider, angkan o isang asset na organisador, sa Hongkong o Singapore, bumaligtad lang o 'wag ng bomoto't makialam sa election.
Karaniwan ding sinusuhulan ang mga hard core na kaaway upang ineutrlisa at hindi na makaboto sa araw ng halalan. Ginagawa rin ang "maramihang kidnapping" (50 katao) sa bisperas ng halalan, dinadala sa isang beach resort, may babae, alak at pangsugal.
Sari-sari na ring special Ops ang litaw sa kasalukuyan. Nariyan ang panawagan, tagubiling ilaglag ang makulit na dalawang senatoriable candidates (Cong Allan Cayetano at Noynou Aquino) at may P200,000.00 rewards, pabuya sa sinumang LGUs na makakagawa nito. Ang posibleng junking ng ilang Team Unity, kapalit ng ilang kandidato, Gringo Honassan, Mika Defensor, Cesar Montano, Zubiri at Coco Pimentel.
Ayon sa nakasaad sa ating Omnibus Election Code, na ang mga kandidato ay mahigpit na pinagbabawalan ang magbigay ng anumang uri ng regalo, pabor o suhol kabilang ang pera dahil makakaimpluwensya ito sa desisyon ng botante sa kanyang pagboto. Kahit anupang palusot ng pulitiko, pagbali-baligtarin, ang lahat ng ito'y maliwanag na VOTE BUYING, isang ILIGAL at pinagbabawal sa batas.
Ang problema, matagal na't may apat na dekada ng practice ito sa Phlippine election. Parang tanggap na ng mga kababayang natin na bukud sa weak, lumpo, walang buto sa gulugud at bias ang Comelec, sa dinami-dami nitong pinasukang controbersyal, SCAM at "hello garci," zero credibility na ito sa mata ng mamamayan. Ang malinaw sa country, matagal ng nananawagan ang lahat na i-overhaul at tanggalin sa pwesto ang lahat ng nakaupong commissioner ng Comelec at ganap ng ireporma ang sistemang pulitika at election sa bansa.
-----------------------------------------------------------------------------------
Dayaan Bago at Bisperas ng Botohan
1. Paglalagay o Panunulsol
Pamimili ng boto
Pangakong trabaho, pautang at iba pang pabor
Binibili ang mga tauhan ng COMELEC, mga titser o BEI para huwag nang gawin ang trabaho
2. Pananakot
Pananakot sa botante ng partido
Pananakot sa pamilya ng kampanyador
Panggigipit sa ari-arian at kayamanan
Pagbabanta sa COMELEC (BEI) upang huwag gampanan ang kanilang trabaho
3. Panlilinlang
Paglalagay ng indelible ink sa botante kapalit ng pabuya o rigalo para hindin na sila makaboto
Paglilipat-lipat ng mga presinto ng mga botante ng partido sa lugar na malayo sa kanila / paggulo sa lokasyon ng presinto (clustering ng presinto)
Pagbabago sa numbering ng polling places para lituhin ang botante
Paggugulo sa transportasyon
Pagpapakalat ng intriga para matakot bumoto ang tao
Dis-impormasyon. Pagpapakalat ng maling inpormasyon (disqualification, withdrawal ng kandidato, etc)
Pag-marka ng balota para ma-invalidate ang election results
Pre-filled election forms
Maramihang pagkidnap sa mga botante para ‘di sila makaboto
4. Dayaan sa Panahon ng Botohan
Flying Voter at Paggamit sa pangalan ng ibang botante at pagboto sampu ng mga ito
Pagnanakaw, kumpiskasyon o pagpapalsipika ng voters affidavit
Pagpasok sa voting booth para impluwensyahan ang mga botante
LANZADERA; paggamit ng carbon paper at iba pang paniyak para sa mga “vote-buyer”
Pagdedelay sa pagdadala ng official ballots at iba pang gamit sa halalan patungong polling places para mainip at magsipag-uwian na lang ang mga botante
Paggulo sa voters list; location ng polling places o Pag-alis at paglipat lipat sa mga pangalan ng registered voters (disenfranchisement)
Election disturbances; pananakot, ballot snatching
Pagsama sa mga illiterate o disabled na botante at pagboto para sa kanila nang ‘di kinukunsulta ang mga ito
5. Ballot-snatching sa mga Lugar na malalakas ang kalaban
Paglalagay ng mga fake o “dinuktor” na balota sa election boxes kapag nag-brown out o nagkagulo na malamang na palabas din lang
Paglalagay o pananakot sa mga myembro ng BEI para impluwensyahan ang kanilang desisyon ukol
sa mga hamon at protestang isasampa sa panahon ng halalan
Pagnanakaw, pagpunit, pagbura o pagsira sa listahan ng mga botante na nakapaskel sa labas ng polling places para dismayahin ang mga botante sa pagboto
Pagdeliber ng official ballots na lampas sa awtorisadong bilang upang makapanduktor ng Boto
Mas maagang pamimigay ng balota o paglalagay ng indelible ink bago pa man ang tamang oras ng pagboto ng botante
Pandaraya sa Bilangan
Hindi pagbasa sa tunay na nakasulat
Sadyang pagmali ng bilang sa tally sheets o election return
Ballot snatching-pagkuha sa tunay na balota at pagpalit ng manufactured o mga dinuktor na balota
Pagsira, pagnanakaw o pagpapalit ng election returns pagkatapos ng bilangan
Harassment sa watchers, BEI, at COMELEC officials
Pagsama sa bilang ang mga excess at marked ballot
Election disturbances at harassment
Pandaraya sa Paglilipat ng Returns / Balota
Pagpalit ng manufactured returns kasama ng panunuhol o pananakot
Pagreport ng maling bilang sa midya para ma-distort ang aktwal na bilang at para ihanda ang publiko sa isang klase ng resulta o TRENDING
Pandaraya sa Canvassing
Pagpalit sa election returns na kopya ng isang myembro ng Board of Canvasser
Sadyang pagbasa sa maling returns
Sadyang pagrecord ng maling bilang
Sadyang pagmamali sa mga inilagay na bilang ng certificates of canvass
Pagmamali sa sumada ng mga boto
Pagbawas o pagdagdag sa bilang ng mga boto habang adjourned ang board of canvasser
Pinagsanggunian: Electoral Campaign Management Training (ECMT), OCD-Institute for Popular Democracy, 2001
Doy Cinco / IPD
April 26, 2007