Sunday, April 08, 2007

Fr. Eddie Panlilio

Raymond Burgos
http://www.abante.com.ph/issue/apr0807/main.htm

Bilib tayo sa tibay ng dibdib ni Fr. Eddie Panlilio na tumakbo sa pagka-gobernador ng Pampanga kung saan parehong pader ang kanyang makakalaban sa katauhan nina incumbent Gov. Mark Lapid at Board Member Lilia Pineda.

Kura paroko ng Saint James Parish sa Betis, Pampanga si Fr. Panlilio at batay sa ating nakalap na impormasyon ay maganda ang kanyang track record dito at walang anumang negatibong ulat na maaaring gamitin laban sa kanya ng mga tagasuporta nina Lapid at Pineda.
Direktor din si Fr. Panlilio ng Social Action Center sa archdiocese ng Pampanga kaya naman mulat siya sa mga problema ng mga Kapampangan lalo na yaong mga mahihirap na mga magsasaka at manggagawa.

Kaya nga angkop para sa naturang pari ang kanyang plataporma na anti-corruption at anti-jueteng dahil siya lang talaga ang may moral ascendancy na isulong ang ganitong klase ng plataporma na siyang haligi ng good governance.

Hindi naman kasi lingid sa kaalaman ng mga Kapampangan na ang asawa ni Pineda na si Bong ay kilalang operator ng ilegal na sugal ng jueteng hindi lamang sa Pampanga kundi maging sa ibang lalawigan ng Luzon.

Si Gov. Lapid naman, kasama ang kanyang amang si Senador Lito Lapid, ay nasangkot sa multi-milyong anomalya sa quarrying na siya ngayong iniisyu laban sa kanya ng mga kalaban sa pulitika.

Bagama't 26 na taon na siyang pari, hindi bago para kay Fr. Panlilio ang pulitika dahil ang kanyang ama ay matagal na nanilbihan bilang three-term councilor sa kanilang bayan at naging one-term vice mayor at acting mayor din.

Ibig sabihin, hindi talaga banyaga si Fr. Panlilio sa pulitika at malamang na marami itong natutunan sa kanyang namayapa nang ama lalo na sa pagpapalakad ng lokal na pamahalaan.

Maganda rin ang pagkakapakete kay Fr. Panlilio na alternatibong kandidato sa isang sangkot sa quarry at isang nakikinabang sa jueteng dahil mabibigyan ang mga Kapampangan ng karapatang makapamili ng labas sa demonyo at malalim na asul na dagat (devil and the deep blue sea).

Sa ganitong punto dapat suportahan ng simbahang Katoliko si Fr. Panlilio hindi sa anyo ng pangangampanya dahil bawal ito kundi sa anyo ng pag-unawa sa pamamagitan ng pagpayag ni Archbishop Paciano Aniceto na bigyan siya ng leave of absence sa panahon ng eleksyon.

Kung ang mga pari ngang may mga kalaguyo (mapa-babae o lalake) at nagkakaroon pa ng anak sa labas ay inuunawa ng kanilang mga obispo at hindi nasususpende ay si Fr. Panlilio pa kaya na ang tanging hangad lang ay makatulong sa mga mamamayan ng Pampanga?
Bagama't ipinagbabawal sa Canon Law ang mga alagad ng simbahan na direktang pumasok sa pulitika, hindi rin maikakaila ng simbahan na ang isang pari ay mananatiling pari habambuhay (a priest forever) maski pa itiwalag siya ng simbahan o di kaya'y bigyan ng absolusyon ng Vatican para lumabas sa pagkapari.

Pero sa kaso ni Fr. Panlilio, dalisay ang kanyang hangarin kung kaya nga humihingi siya ng leave of absence mula sa kanyang obispo.

Saka na lang siguro pag-usapan kung mananatili siya sa pagiging pari kung palarin siyang manalo at maging gobernador ng Pampanga dahil pag nagkataon ay kauna-unahan ito sa kasaysayan ng pulitika sa Pilipinas.

Samantala, hangad natin ang tagumpay ni Fr. Panlilio sa kanyang "impossible dream" na mala-Don Quijote de la Mancha.

Tignan/Link: ‘This is God’s miracle in Pampanga politics’
http://www.abs-cbnnews.com/storypage.aspx?StoryId=72833

FEEDBACK:

Posted by: "FAKIUSAP@aol.com" FAKIUSAP@aol.com Sun Apr 8, 2007 7:57 pm (PST)
Immigrant's Story by Atty. Jojo M. Liangco

Run Father Ed, Laban!

Magmula ng magpahayag at aktwal na pumirma ng COC (Certificate of Candidacy) upang tumakbo bilang governor of Pampanga si Fr. Ed Panlilio (isang Catholic priest), nakaramdam ako ng konting pagbabago sa ihip ng hangin hinggil sa nalalapit na eleksyon sa Pilipinas. Hindi ko personal na kilala si Fr. Ed, ngunit noong madaling araw ng Huwebes, Marso 29, bago ako umalis ng Pilipinas, napanood ko ang kanyang TV interview tungkol sa desisyon niyang tumakbo bilang gobernador ng Pampanga, at nakuha niya ang aking atensiyon at
simpatya.

Kahit na maaga ang aking flight patungong Amerika noong umaga ring iyon, tiniis ko ang puyat upang mapanood ko ng kumpleto ang interview kay Fr. Ed. Nagkaroon ako ng impresyon na siya ay isang makabayang Pilipino habang pinapanood ko siya sa TV. Ngunit alam ko rin na maraming pulitiko ang nabibihisan ng media, ang trapong kandidato ay puwedeng bihisan at gawing tunay na lingkod bayan kahit sa harap lamang ng kamera. Kaya't pagdating ko sa Amerika, nagtanong ako sa mga taong nakakakilala sa kanya kung Sino nga ba talaga si Fr. Ed?, dahil nakakagulat ang desisyon niyang pumasok sa mundo ng pulitika. Suwerte naman at kilala siya ng matalik kong kaibigan na si MC Canlas at ng isang Kapampangang pari na malapit ko ring kaibigan.

Bago pumasok sa mundo ng pulitika si Fr. Ed (Among Ed ang tawag sa kanya ng mga taong malalapit sa kanya), mababa na ang tingin at pananaw ng maraming tao sa eleksyon sa Pilipinas. Tuwing eleksyon kasi lalong sumisingaw ang baho at bulok ng sistemang pulitika at governance sa bansa. Laganap ang dayaan, bilihan ng boto, dagdag-bawas, pagdu-duktor ng resulta sa bilangan at nakakapangyari ang lakas ng mga pulitikong may maraming pera--- at may hawak ng mga puwersang armado at malakas ang kapit sa gobyerno, military, at sa COMELEC (Commission on Elections). Guns, goons, and gold ang baraha ng mga trapo (traditional politicians) at nitong nakaraang dekada, ang popularidad sa mass media, ang pagiging celebrity at artista sa telebisyon, pelikula at radio--- ang nagiging tuntungan para sa mga posisyon sa kapitolyo, kongreso at senado.

Isa pang nakakapanghina sa demokrasyang Pilipinas, na kung saan ang poder ay dapat nanggagaling sa taong bayan (at hindi lamang sa iilan tulad ng monarkiya at diktadura ang pulitika at paggu-gobyerno) --- ay ang katotohanang sa Pilipinas ay nalilimita sa iilang pamilya ang paggu-gobyerno. Ang œpolitical dynasty at kamag-anakan incorporated ang lumalabas na may pinakamalaking papel sa pagpili ng mga lider sa lahat ng larangan magmula sa baranggay level hanggang sa pambansang posisyon sa buong kapuluan.

Bilang isang Pilipino, nakakalungkot makita na ang bansang Pilipinas, na nakilala sa kasaysayan na kauna-unahang nagbukas ng demokrasya sa buong Asya, ay hindi pa nakakaahon sa pagtatayo ng mga institusyon ng isang demokratikong gobyerno magpa-hanggang ngayon. Para bagang isang batang paslit, na nagkaka-edad na pero hindi pa natuto sa karanasan--- at sa halip na pasulong ay pa-urong yata ang pinupuntahan. Nakakalungkot talaga ang nagaganap sa pulitika sa Pilipinas. Nakakawalang gana kadalasan. Sadyang nakakahiya. Madalas pumapasok sa aking isipan kung hanggang kailan magwawakas ang kinagisnang marumi at walang katuturang pulitika sa ating bayan.

Ang nalalapit na eleksyon sa pagka-gobernador ng Pampanga ay nagpapabigat ng loob sa maraming Kapampangan. Ayon mismo kay Arsobispo Panciano Aniceto ng Pampanga, ang pinuno ng simbahang Katoliko sa lalawigan ng Pampanga---In the light of current developments in Philippine politics, it is for very obvious reasons that the nation’s attention is focused on Pampanga because of well-based claims that now, more than ever, money is again becoming the very bone of contention over Kapampangan politics.

Noong una, dalawa lamang ang pinagpipilian para sa gobernador ng Pampanga. Si Mark Lapid, ang incumbent governor, na anak ni Sen. Lito Lapid (dati ring gobernador ng Pampanga), na nauugnay sa quarrying money na dulot ng Mt. Pinatubo. Ang kanyang katunggali ay si Board Member Lilia Pineda, ang asawa ni Bong Pineda, na sinasabing may kaugnayan sa ueteng. Sina Lapid at Pineda ay parehong malapit kay Presidente GMA. Ang isa ay nasa partido ng Lakas-CMD at ang isa naman ay Kampi, pero parehong partido ng administrasyon.

Tulad ng inaasahan, ngayong eleksyon sa Pilipinas, sa Pampanga man o kahit saan, maglalabasan na naman ang mga perang pang-akit sa tao at pambili ng mga boto at pabor para lamang manalo ang isang pulitiko sa eleksyon. Hindi pa man bukas ang kampanya, naglalabasan na ang mga donasyon kuno para sa mga estudyanteng gruma-gradweyt o member ng graduating class of 2007. Alam na ng mga bata at ng kanilang pamilyang tumatanggap, kasama na rin ang mga titser at pinuno sa paaralan, na ang mga handog o kaloobâng isang pulitiko ay may kapalit na pabor sa araw ng eleksyon. Sa Pilipinas nga, may mga pulitiko ngayon na napapabalitang bumibili ng atensyon sa pamamagitan ng panunuhol at pagbabayad sa mga school officials upang sila ay maimbitihan bilang mga commencement o graduation speakers. Oo nga naman, may mga captured audience na sila sa mga estudyante at mga magulang na dumadalo sa mga graduation at commencement exercises.

Ito ang hindi masikmura ng isang makabayang Pilipino na tulad ni Fr. Ed, isang mabuti at kilalang makataong pari sa Pampanga. Talamak na ang kanser ng corruption at kawalang dangal sa lipunan sa Pilipinas. Pati ang mga bata at sistema ng edukasyon ay nagiging tuntungan na ng corruption ng mga pulitiko. Hindi bago sa pulitika si Fr. Ed. Sa katunayan nga, tinatawag na bagong pulitika ang kinakatawan ni Among Ed. Sa mga kandidatong tulad ni Among Ed, inuuna muna nila ang kapakanan at kagalingan ng tao at ng bayan--- bago ang pansariling agenda o interes nila. Tapat at totoo ang paglilingkod ni Fr. Ed sa kanyang kapwa-tao, at hindi ito pakitang-tao lamang.

Naging director siya ng Social Action Center of Pampanga mula 1984 hanggang 1998. Isa siya sa mga nanguna sa pagtulong sa kanyang mga kababayan sa Pampanga na sinalanta ng lahar na dulot ng pagputok ng Mt. Pinatubo. Hindi madali ang desisyon ni Among Ed na sumali sa marumi at magusot na pamamalakad ng eleksyon sa Pilipinas. Sa harap ng namamayaning moral decadence at pagbagsak ng dangal sa Pilipinas, kailangan ng bansa ang mga alternatibong kandidato na sasabak at matapang na lalaban sa sistemang talamak at sa mga pulitikong trapo. Sinikap muna ni Among Ed, sampu ng kanyang mga kapanalig, na kumbinsihin ang ilang Kapampangan na may mabuting pangalan-- -tulad nina Randy David ng University of the Philippines na kumandidato upang magkaroon ng alternative choice ang mga Kapampangan.

Sa kabila ng kanyang pagmamahal sa kanyang ministro, may 25 taon na rin naman siyang naglilingkod bilang isang pari, naging buo ang loob ni Among Ed na harapin ang malaking hamon ng kanyang panahon. Kahit na may bantang suspensiyon sa kanyang pagka-pari dahil sa pagpasok niya sa eleksyon, dahil sa lakas ng tiwala, pananalig, at concern niya sa kanyang kapwa--- pumasok siya sa pulitika upang ang sakripisyo niya ay magsilbing isang sulo na magbibigay ng liwanag sa gitna madilim na mundo ng pulitika sa Pilipinas. Run Father, Laban! ang panawagan ng mga makabayang Pilipino. Magmula ng magpahayag si Among Ed na kakandidato siya, sumambulat na ang balita sa maraming Pilipino sa buong mundo. Nanunumbalik ang siglang tulungan si Among Ed sa kanyang labang makabayan. Ang laban ni Among Ed ay para sa dangal at kagalingan ng lahat ng Pilipino,
hindi lamang ng mga Kapampangan. Ang laban ni Among Ed ay laban ng buong bayan.
Run Father, Laban! Hindi ka nag-iisa. Sana ay dumami pa ang mga makabayang Pilipino na tulad mo. Marami sa aming mga Pilipino na nasa ibang bansa ang nagdarasal at susuporta para sa iyong panalo. Ang mga tulad mo ay kailangan ng bansang Pilipinas!

Sa mga ibig tumulong sa Run Father Ed, Laban! maari kayong makipag-ugnayan kay MC Canlas. Makokontak si MC sa (415) 513-5442 o sa _bayan2bayan@ aol.com_ (mailto:bayan2bayan@ aol.com) .

No comments: