Thursday, April 12, 2007

Kruzada ng Kapangpangan ang nakataya sa laban ni Among Ed

Kung mahihimasmasan, mamumulat at makokonsyensya sa kubulukan ng pulitika ang mga Kapangpangan at sabay-sabay na isisigaw ang “sawa na kami, ayaw na namin, sobra na, palitan ang kasalukuyang liderato't sistema!” Kikilalanin ito na isa sa makasaysayan pampulitikang pagbabalikwas hindi lamang ng Kapangpangan, maging ng sambayannang Pilipino at buong mundo.

Dito maproprowebahan ang lakas ng mamamayan (people power) versus sa hiwaga't kinang ng salapi, kapangyarihan, pandaraya at makinaryang pulitikal. Dito mapapatunayan kung uubra pa ba ang isang progresibo, political reform agenda, program oriented at democratic participation versus sa dominante at buluk na sistema ng pulitika; personality oriented, padri-padrino, elitista at ANGKANAN (political clan).


Tatangkaing buhayin ng mga Kapangpangan ang tradisyong pinatay ng mga elite at TRAPO; ang paghahanap ng pagbabago't alternatiba, boluntarismo at pakikibaka.
Walang dahilan upang hindi suportahan si Among Ed ng mga Kapangpangan sa gobernatorial post sapagkat maliban sa napag-iwanan na ang Pampanga in terms of economic development at good governance, ilang dekada ng napabayaan, nasalaula, ginago at binalasubas ng mga buwitre't pusakal na pulitiko ang Pampanga.

Isang malaking insulto sa katalinuhan ng mga Kapangpangan ang kasalukuyang nagaganap na political development sa probinsya. Ilang siglong naturingang mayaman sa kultura't kabihasnan at pakikibaka ang Pampanga. May ilang ding magigiting na BAYANI at rebolusyunaryo ang nailikha ng Kapangpangan. Isa ang Pampanga sa mga nanguna sa panghihimagsik laban sa mapang-aping dayuhan-kolonyalista at mapang-aping panginoong may Lupa't Casique. Niyakap ng mga Kapangpangan ang simulaing mapanghimagsik na milenyarismo, nakibahagi at naitatag ang Partido Sosyalista ng Pilipinas at Partido Kumunista ng Pilipinas.

Sa kabila nito, dahil sa nilason ng mga taksil, traydor at oportunistang pulitiko ang Kapangpangan, madaling naitanim at naipalaganap ng pulitikang Padrino ang imoralidad, indibidwalismo at iligal na mga kaugalian at gawain sa probinsya. Sa ilang dekadang namayagpag ang TRAPO, nasalaula't dumausdos ang kamulatan at mayamang tradisyon ng mga Kapangpangan. Sunud-sunod na trahedya't kamalasang natural at gawang taong kalamidad (lahar, bagyo at baha) ang tumama sa Pampanga. Mas kilala na ang Pampanga bilang WETENG capital ng Pilipinas, istambay capital ng Pilipinas, PROSTITUSYON, KURAKOT at ang pinakamasakit ang bansagang DUGONG ASO capital ng Pilipinas. "Parang ipinapako sa kruz, kinarma at isinumpa ng tadhana ang probinsya ng Pampanga."

Winning chance

Babangga sa matitibay na pader si Among Ed sa kampanya. Bukud kay Among Ed, may dalawang seryoso, dambuhalang nagpapanglaban sa gobernatorial position sa Pampanga; ang angkang Pineda, ang kandidatong si Lilia Pineda, ang kasalukuyang Bokal sa probinsya, ang hari ng gambling lord sa bansa na nirereprisenta ng partidong KAMPI ni Ate Glo at ang angkang Lapid, ang incumbent Gov Mark Lapid, ang absentee governor, kurakot at kawatan na kumakatawan sa partidong LAKAS-NUCD ni Ate Glo pa rin.

May mahigit kumulang na 1,079,532 botante ang Pampanga. May apat na distrito at bumubuo ng may 20 municipalities at dalawang lunsod,ang San Fernando at ang Angeles. Ayon sa huling pagtataya at ulat ng magkabilang kampo, may limang natitirang hawak na munisipyo si Gov Mark Lapid samantalang mahigit kumulang na labing anim (16) ang hawak ni Lilia Pineda, idagdag pa ang mahigit isang libong barangay na sinasabi nitong nasailalim ng kanyg makinarya. Ibig sabihin, halos lahat ng bumubuo ng lokal na ehekutibo ay hawak ng dalawang pulitiko.

Bagamat maliit ang winning chance ni Among Ed kung ikukumpara sa dalawa, relatibong mataas naman ang awarenes level, vote preference at vote conversion ni Among Ed.
Walang dudang naghihingalo sa makinarya si Among Ed, maliban na lamang kung tataya ang panggitnang pwersa (middle class), local elites sa probinsya at ilang maasiwang lokal na kandidato ng San Fernando (101,070), Angeles City (149,376), Guagua (55,997), Bacolor (39,774), Porac (45,430), Mabalacat (84,164), Florida balanca (51,051) at Mexico (56,185) na bumibilang ng halos kalahati ng kabuuang botante ng probinsya, si Manong Ed ang magwawagi sa Mayo. Ibig sabihin lamang nito, maski makakuha lamang ng 10% votes sa ibang lugar basta't maimimintinang mahigit 30% ang makukuha ni Manong Ed sa mga vote rich na lugar na nailista sa itaas.
May pag-asa ring masilat ni Among Ed ang dalawa kung sa huling yugto ng labanan ay makakapag-provide ito ng ilang bilang ng mahuhusay na abugado at matibay-tibay na makinaryang magpoprotekta (vote proteksyon) sa kanyang boto at higit sa lahat ang vote base denial ng dalawang kalaban.

Sa kabilang banda, sinasabing may isang bilyong pisong ibabalagbag-war chest si Pineda at kalahating bilyong pisong itataya si Mark Lapid. Ayon sa ilang source, mas nakalalamang si Pineda kung ikukumpara kay Lapit, subalit kung iinit at magkakaubusan ng resources ang dalawa, ang traditional votes at command votes na bumibilang sa mahigit kumulang na 50% ng botante sa probinsya ay maungusan sa mahigit 30% na undecided at non-alligned na botante ng Pampanga.

Hindi si Among Ed ang nakataya sa Mayo, bagkus ang karangalan at dignidad ng Kapangpangan. Ang laban ni Among Ed ay laban at basbas ng Kapangpangan. Laban din ito ng sambayang Pilipino na naghahangad ng pagbabago't kaunlaran. Kung sakaling magkaroon ng milagro't pagbabago't pagbabalikwas ang mga Kapangpangan, tulad nuong 2004 election-pagkakasilat ni Gov Padaca sa dambuhlang angkang pulitikong Di ng Isabela, masasabi nating buhay pa ang people power, buhay pa ang mapanlabang diwa ng mga Kapangpangan at mga Pilipino.

Doy Cinco / IPD
April13, 2007

No comments: