Monday, April 16, 2007

"Market votes" at "Machinery for vote protection"

Nasa homestrech na ang labanan sa Senatoriable election campaign at mukhang mahirap ng baligtarin o magkaroon pa ng matinding pagbabago sa kalamangang tinatamasa ng oposisyon. Kung istratehiya't taktika ang pag-uusapan, dalawa ang maaring pagdiinan ng partido at mga operador ng senatoriable candidates lalo na ang oposisyon sa natitirang 3 linggo ng kampanyahan bago ang botohan at magbilangan sa 14 ng Mayo.

Una
, tuloy pa rin ang "propaganda war" at mensahe na siyang bubuo ng malaking bahagdan sa pag-gagather ng boto na ilalako sa Market Votes (undecided). Sa national election, 'di tulad sa local, isyu at platforms ang mas pangunahin. Sentro sa labanan ang maiinit na isyu ng katiwalian, pangungurakot, karalitaan, kagutuman, political killings, isyu ng legitimacy, accountability at ang isyu ng bad governance na hanggang sa kasalukuyan ay walang malinaw na katugunan sa bahagi ng administrasyon. Ang propaganda't mensahe ang magbibigay dagok, pipilay at magpapadapa sa kandidato ng Team Unity at administrasyon.


Kahit pagbali-baligtarin ang takbo ng mga pangyayari, malaking bahagi ng populasyon sa kalunsuran (75-90%) na bumubuo ng "silent majority" at ilan bahagi sa kanayunan, bukud sa walang dudang nasa undecided o walang pinapanigan, non-alligned ay 'di kontento't asiwa sa itinakbo't performance ng kasalukuyang administrasyon.

Pangalawa, ang teknolohiya kung paano masisiguradong maminimized ang inaasahang malawakang dayaan at mula rito kung paano mapro-proteksyunan ang boto ng oposisyon. Anumang tagumpay na maaring anihin ng oposisyon sa propaganda't hamig sa hearts and mind ng botanteng Pinoy, kung dadayain lamang, kung hindi mabibilang at isasabotahe ng administrasyon, wala rin. Ito ang mapait na karanasang dagdag-bawas na kinasapitan ni FPJ at Loren Legarda nuong nakaraang 2004 national election, Sen Biazon at Pimentel nuong nakaraang 1998 Senatoriable election at Sen Mirriam Defensor Santiago nuong 1992 presidential election.

Napakahalaga sa yugtong ito ng halalan ang magpundar ng sapat na pondo para sa Vote Protection at vote delivery. Ibig sabihin, anong klaseng makinarya't teknolohiya ang kakailanganin upang maneutralisa ang dayaan na walang dudang isasagawa ng administrasyon, ng Comelec at ang lokal na makinaryang hawak nito? Sapagkat hawak ng administrasyon ang resources ng estado, natural lamang na sila ang may kakayahan makagawa ng dayaan at kaguluhan, ito ma'y sa araw ng bisperas-ora de peligro, panahon ng botohan, bilangan at sa panahon ng canvassing at proklamasyon.

Walang dudang ang perception at ang electoral mood ng botanteng Pinoy ay kontra gubyerno, kontra sa estado poder ni Ate Glo, kontra-pulitiko at anti-TRAPO. Isang patunay ang sunud-sunod na inilalabas na survey ng Pulse at SWS kung saang nagmamanipest ang kalamangang ng oposisyon lalo na sa mga urban centers, mga vote rich areas ng Metro Manila, mga secondary centers ng Central Luzon at Southern Tagalog, Bicol, Visaya at Mindanao.

Kung hindi magbabago ang trends, malaking posibilidad na mananaig ang opposition senatoriable candidates sa Metro Manila at ilang secondary centers sa probinsya. Tinatantyang hindi bababa sa 7 - 3 – 2 (oposisyon, administrasyon at independent) ang resulta ng halalan sa mga lugar na ating nabanggit.

"Di hamak na mas maunlad ang komunikasyon, daloy ng inpormasyon at organisasyon ang mga urban at secondary centers kung ikukumpara sa atrasado, liblib at rural areas ng bansa . Maliban sa presensya ng maiinpluwensyang panggitnang pwersa at dami ng OFW, may malaking bilang ng civil society na handang umagapay para sa isang malinis, may kredibilidad at mapayapang halalan.

Sa nakalipas na ilang buwan, hindi matatawaran ang ginampanang papel ng radio, telebisyon at pahayagan sa malawakang information campaign para sa voter's education at paglalantad ng maiinit na isyu ng bayan. Nanatiling walang pinanigan (independent) ang dalawang nangungunang TV networks (Abs-Cbn at GMA 7), ang malalaking mga radio station at ang malalaking (broad sheet) print media sa bansa. Hindi rin maisasa-isang tabi ang malaking papel ng hindi mabilang na election watchdog organization, ang PPCRV-Namfrel, Halalang Marangal, Bantay Boto-Ipatrol mo at ilang civil society organization sa bansa.

Ayon sa Comelec statistic, kung babalikan ang laban ni Ate Glo at ni FPJ nuong 2004 presidential election, tinalo ni FPJ si Ate Glo sa halos mayorya ng mga probinsya sa Luzon, maliban lamang sa Tarlac, Pampanga, Ilocos Sur, Mt Province at Kalinga. Nanalo rin si Fpj sa South Cotobato, Saranggani, Davao del Sur at North Cotobato, Lanao del Norte at Zamboanga del Sur at Sibugay.

Kaya lang, hahawakan ng Malakanyang ang mga liblib na lugar ng Mindanao at Northern Luzon, ilang liblib na lugar ng Western Visayas at Eastern Visayas. Dito kung saan matataas ang insidente ng kaguluhan, political clan at ang bantog na 4 Gs (guns, gold, goons at garci), kun di man may on going internal conflicts (anti-insurgency campaign). Sa mga lugar din ito kung saan matatagpuan ang kahirapan ng buhay, karalitaan at kakambal na suliraning katiwalian at pangungurakot . sa mga lugar na nabanggit nakatanin ang local machinery ng Malakanyang. Dito kung saan maaring makatabla sa score na 5 – 5 – 2 ang administrasyon.

Sa kabilang banda, dahil sa uri ng “super machinery” na naihanda't taglay ng Malakanyang, maaring totoo ang ipinagyayabang nitong "maipapanalo ang mahigit 80% ng congressional district at local candidates" (Lakas at Kampi) sa buong bansa. Sasamantalahin at pakikinabangan ng administrasyon ang lumalalang paghahari ng local elites, political clan, dynastiya, kasal binyag libing (KBL) at 4 Gs (guns, gold, goons at garci) sa lokal na labanan. Ang machine politics o ang tinatawag na "command votes" ng mga local empires sa kanayunan ay maaring epektibo lamang sa local at hindi sa level ng highly urbanized at national politics.
Ang tanong ng taumbayan, kailan magiging FAIR at demokratiko ang election sa ating bansa?


Doy Cinco / IPD
April 16, 2007

No comments: