Kahit saang anggulo tignan, tuloy na tuloy na ang election sa 2007. Maliban siguro sa ilang siraulong diehard na Lakas-NUCD-Tainga de Venecia at nababahalang Kaliwa na hanggang ngayon ay umaasa pang mailulusot ang Con-As, insureksyon at pag-aalsang militar.
May 14, 2007 ang election at maghahal tayo ng 12 senador, partylist at district representative, gobernador, bise gobernador, board members (bokal), city at municipal mayor at vice mayor at city at municipal councilor. Batay sa kalendaryo ng Comelec, ang election period ay magsisimula sa January 15 at magtatapos sa June 15. Meaning, 45 na tulugan, election period na.
Kahit malayo pa, election fever na sa mga pulitiko. March 30, 2007 ang campaign period sa local election. Sapagkat mas apak, grounded at visible, mas magiging kapana-panabik sa mata ng mamamayan ang local election. Ang deadline ng filing ng Certificate of Candidacy ay sa March 15, 2007. January 15 ang deadline ng filing of candidacy para sa senador ataparty list, samantalang sa February 15, 2007 naman ang simula ng national campaign.
Sa panahon ng election period, ipinagbabawal ang pag-aalis o paglilipat ng empleado sa gubyerno. Bawal din ang paggawa ng proyekto (infra), maliban sa mga napasimulang public works and highways bago ang takdang panahon. Total gun ban o ipinagbabawal ang pagdadala ng mga sandata, maliban sa mga mapagkakalooban ng exemptions ng Comelec, tulad ng mga pulis at sundalong mga naka-duty.
Sa Pilipinas, kung saan ang kontrol ng kapangyarihan ay katumbas ng buhay at kamatayan ng TRAPO, kakaiba ang sinusunod na electoral calendar ng kani-kanilang mga operador. Hinahati ito sa apat (4 phases) na yugto; pre-campaign period (one year before), campaign period, ora de peligro't botohan at post election period. Sa mga seryosong candidate, nagsisimula na dapat ang election period, ibig sabihin “one year before campaign period”.
Ang pagpapasurvey, mga GIMIK sa pagpapa-alam at pagpapakilala, pangangalap ng pondo, panimulang pagbubuo ng makinarya, pamumulitika, panggagapang, pag-iinbintaryo na ng mga lider at angkan, at higit sa lahat, KBL (kasal, binyag, libing) ang kadalasa'y laman ng mga activity sa PRE-CAMPAIGN PERIOD.
Kaya lang, batay sa kasaysayan ng ating pulitika, walang election sa Pilipinas na hindi nagkaroon ng dayaan, kaguluhan at patayan. Kailanma'y hindi naging malinis at patas ang halalan sa Pilipinas. Gayumpaman, may ilan pa ring mangilan- ngilang na nakakalusot na matitino't makabagong pulitiko.
Dahil sa political instability at political uncertainty (banana republic), posible ang lahat, pagdududa't skeptics sa anumang ikinikilos ng Malakanyang. Kung matatandaan, ilang buwang nalagay sa alanganin ang populasyon na kesyo baka hindi matuloy ang halalan, may senaryong No-El sa nilulutong People's Initiative – Cha Cha ng Sigaw ng Bayan, DILG at ULAP at ang isinusulong na Con-Ashole sa Tonggreso.
"Superior political machinery" at war chest ng Malakanyang sa 2007
Isang referendum para kay Ate Glo ang 2007 election. Walang dudang titingkad ang isyu ng legitimacy na ipinakita at pinatunayan sa linlangang, garapalan ng “hello garci tape”, katiwalian ng P3.0 bilyong fertilizer funds, Philhealth card, road user's tax at iba pa. Ubligadong harapin ng administrasyon ang isyu ng pangungurakot, pananalaula sa Constitution, panunupil at political persecution sa mga kilalang aktibista, karalitaan at malawakang unemployment-OFW at kagutuman.
Crucial at mahalaga para kay Ate Glo ang 2007 election. Bagamat hindi siya ang nakasalang (proxy war), manganganib at nakasalalay ang kanyang political survival kung hindi maisisiguro at masesecure ang mahigit 2/3 na bilang ng Tongresmen sa Mababang kapulungan, istratehikong mga LGUs at Senado.
Kung makakalap ng oposisyon ang mahigit 80 (1/3 vote) sa Kongreso, walang kaduda-dudang bibilis ang ikatlong salang impeachment laban kay Ate Glo. Dapat din niyang ikunsidera na may ilang Kinatawan sa Lakas-CMD ang posible ring bumaligtad at makisawsaw sa oposisyon. Sapagkat mamumuro ang oposisyon sa Senado, maliwang pa sa sikat ng araw na pormalidad na lamang ang kakailanganin upang husgahan ng kasaysayang nagkasala ng pandaraya't pandarambong-guilty verdict si Ate Glo.
Dahil sa ganitong scenaryo, pagbabantang binitiwan ni Presidential Adviser on Political Affairs Gabriel Claudio na pupulutin sa kangkungan ang oposisyon dahil “buong bigat na ibubuhos ang resources ng pamahalaan sa itatayong “superior political machinery” sa 2007 election. Ibig sabihin, malaki ang posibilidad na isagawa ang malakihang PANGUNGUPIT sa Treasury o kabang yaman ng gubyerno upang biguin, sawatain ang napipintong pananagumpay ng oposisyon sa 2007; Kung magkaganito, muling gagamitin ang nakagawiang pandaraya, harrashment, blackmail at pananakot upang maisalbang muli hanggang 2010 ang GMA administrasyon.
Habang nana-psy war, pinoposisyon na ng Malakanyang ang buong ahensya-resources para sa 2007. Binalasa ang buong Gabinete at itinalaga bilang undersecretaries ng Dept of Transportation ang Communication (DOTC) sina Elena Bautista ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) at Land Transportation Office (LTO) Assistant Secretary Anneli R. Lontoc. Maraming pork barrel fund at government projects ang DOTC na maaaring ipamudmod ng gobyerno sa kanilang mga kaalyado.
Si Presidential Management Staff (PMS) chief Arthur Yap ay nalipat naman sa dati nitong pinamunuan na Department of Agriculture (DA) bilang kapalit ni Domingo Panganiban na ililipat bilang hepe ng National Anti-Poverty Commission (NAPC). Inihahanda na ng Malakanyang ang masunuring tupang (Tong Pichay?) ipampapalit kay Sec Nonong Cruz sa AFP. Kung matatandaan, nakialam at nagdeliver ng malaking boto ang AFP nuong 2004 presidential election.
Paghahanda ng “superior political machinery”
1. Ang hiwaga ng “pork barrel” sa electoral campaign budget. Naisingit na ang “hidden portk barrel” ng mga Administration Tongresmen sa makukuhang katkong na P18.0 bilyong budget sa DOTC para sa 2007 national budget at pangungupit sa P10.0 bilyong human rights victims compensation act na binibinbin ng House Committee on Appropriations ni Tong Salceda. Bubulaga ule sa madla ang isyu ng “WASTED, diverted, unliquidated, missing” sa mga susing ahensya ng gubyerno.
2. intact at patuloy na namamayagpag ang mga sindikato ng pamemeke ng Election Return (ER) ng Administrasyon. Ang mga Garci boys, Sec Hermogenes Ebdane at ang point man ni Ate Glo na si Arsenio Rasalan.
3. Ang papel ng citizens armed militia at barangay tanod. Kung ang AFP angnagamit noong 2004 election, walang dahilan upang hindi pakinabangan ng administrasyon ang daang libong CAFGU o BSDO na nakabalagbag sa mga liblib sa kanayunan.
4. dagdag na “umentong pasahod (vote buying)” sa empleyado ng gubyerno. Base sa estimate ng Department of Budget and Management (DBM), magpapaluwal ng mahigit P10.0 bilyong ang gubyerno bago ang May, 2007 election; P32.0 bilyon sa 2008, P55.0 bilyon sa 2009 at P75.0 bilyon sa 2010 bilang salary increases sa mahigit dalawang milyong kawani ng gubyerno.
5. ang “scholarship” fund ng mga maka-administrasyong Tongresmen. Kung ang P1.0 bilyong fertilizer fund scam ay nanggaling sa Dept of Agriculture ni Jocjoc Bolante, manggagaling sa CHED (commission on Higher Education) ang P 187.0 milyon one time fincial grant program na ihahatag sa mga galamay ni Ate Glo. Halatang suhol sapagkat imbis na CHED ang mamimili at mag-iiscreen ng mga mabibiyayaang “scholars” na siyang normal at moral na kalakaran, ipapaubaya na ito sa mga buwitreng mga pulitikong Tongresmen na kaalydo ni Ate Glo. Ayon sa ilang inpormante, P185.0 milyon Emergency Financial Assistance for Students (EFAST) ang ihahatag bilang payback time sa naging performance nito nuong impeachment proceeding.
6. “seed fund” na nagkakahalaga ng P425.0 milyon programa ng Ginintuang Masaganang Ani (rice and corn) ng Department of Agriculture (DA). Walang kaduda-dudang gagamitin sa electoral campaign ang seed fund na pinangalanang hybrid seeds at certified seeds.
7. ang P3 bilyong school feeding program na nakapaloob sa 2007 national budget na inaprubahan sa Tongreso. Naisingit ng maka-administrasyon Tongresmen ang nasabing budget sa naaprubahang P 1.136 trilyong panukalang budget ng pamahalaan. Imbis na gatas at nutribuns na kakaialanganin upang sumigla't tumalino ang mga bata, mukhang BIGAS ang ipamamahagi at ang malungkot, mga pulitiko sa LGUs (ULAP) at 'di mga guro sa Dep Ed ang pangunahing papapel sa distribusyon ng feeding program.
8. P500.0 milyon para sa PRE-SCHOOLING program “para sa mahihirap”. Ayon kay Tong Villafuerte (Lakas-NUCD), isang pusakal, luma at pulitikong angkan ng Camarines Sur, “ang P500 milyon ay bukod pa sa P250 milyon na inilaan para sa Preschool Program na kabahagi sa P46.4 billion supplemental national budget. Dagdag pa, naglaan din ng panibagong P269.5 milyon sa supplemental budget para sa Department of Social Welfare and Development’s breakfast and milk feeding para sa preschoolers sa day care centers. “Wag n'yo kaming pinagloloko!!!
9. plano ring magsagawa ng pagpapautang o “direct lending” ang DSWD-Malakanyang. Isang credit program na manggagaling sa budgetary allotments, special purpose funds at loans o grants mula sa mga donor agencies na ipapautang sa paraang subsidized rates ala KKK (Kilusang Kabuhayan at Kaunlaran) ni Marcos.
10. ang P430.8-million isiningit sa 2007 budget ng DOTC. Ayon kay Secretary Leandro Mendoza, ang karagdagang budget ng ahensya ay gagamitin raw sa feasibility studies ng kunstruksyon ng railway systems sa Panay, Cebu at Mindanao na nagkakahalaga ng P200.0 milyon. Ito raw ang idinikta sa kanya ng administrasyong Tongresmen na kabilang sa House Finance Committee. Saan planeta ka namang makakakita ng P200.0 million "lump sum" para lamang sa isang pag-aaral kung pupwede o hindi (feasibility studies) ang railway system?
11. Ang imminent na pagju-jugglin ng pondong P1.0 bilyon mula sa Philippine National Oil Company (PNOC) patungo sa JATHROPA projects na nagresulta ng resignation ng PNOC President Eduardo Manalac. Ayon kay Manalac, kadud-duda, isa lamang propaganda at pamumulitika ang itinutulak na alternative fuel program ni Ate Glo.
12. ang misteryosong paglobo ng botante. Sa budget hearing ng Senado, iginiit ng Comelec na “aakyat ng 49 milyon ang inaasahang magpaparehistro” hanggang Disyembre 31 ng taong ksalukuyan. Ayon kay Sen Drilon, hindi katanggap-tanggap ang depensang ‘erroneous assumption’ na gustong palabasin ni Abalos. Mula raw sa 41.7 milyong botanteng kasalukuyang nakapagtala na sa Comelec nuong nakalipas na 30 ng Hunyo at inaasahan raw na madaragdagan ng mahigit walong (8) milyong botante ang magpaparehistro sa susunod na buwang Disyembre.
13. may 6.4 milyong botanteng di pa rehistrado. Sa isang survey na isinagawa ng Social Weather Stations (SWS), may 13 percent, o bumibilang na 6.4 million Pinoy na botante ay 'di pa narerehistrado sa Comelec. Three-fourths (¾) ng mga potensyal na mga botanteng ito o 4.8 million, ay 'di alam o walang kaalam-alam na pwede silang magparehistro anumang oras (continuing registration) sa Comelec (may kahinaan sa kampanyang inpormasyon). Ang nasabing survey ay inisponsor ng United Nations Development Programme (UNDP) at University of the Philippines-National College on Public Administration and Governance.
14. Ang pagreresign at pagpapatalsik sa ilang key officials ng Arroyo administration. Isang hakbang ang political cleasing na isinasagawa ng DILG sa mga LGUs na itinuturing na mga kaaway ni Ate Glo.
15. Ginamit ang kaso ni Atong Ang at Gringo Honssan upang durugin ang oposisyon.
16. Ang hiwaga ng Jueteng operation at ang STL. Ayon kay Sen Nene Pimentel, supotado at pintatakbo ng DILG at PNP ang Jueteng operation sa Northern Luzon, Central Luzon, Southern Tagalog, Kabisayaan. Ang Jueteng bilyong pisong payola ay malinaw na gagamiting ng mga pulitikong (LGUs) kaalyado ng Malakanyang (partidong KAMPI) upang talunin at katayin ang oposisyon sa 2007 election .
17. programang “Tulay ng Pangulo” ng Department of Agrarian Reform (DAR). Kaduda-duda ang nasabing P1.095 bilyon programa dahil sa totoo lang, wala sa konsepto, guni-guni sa kasaysayan na papapilan nito pati ang infra projects na tulad ng tulay at kalsada.
18. smuggling money na magmumula sa Bureau of Custom (BOC). Ayon sa ilang inpormante, may P80.0 bilyong taun-taon ang nawawalang buwis sa BOC na napupunta sa bulsa ng ilang ma-impluwensyang tao sa Malakanyang.
Bantay Halalan ng civic, progressive groups
Inaasahang pare-parehong gagawa ng alingasngas at kalokohan ang administrsyon, ang Comelec at buong bangis ng burukrasya ng estado sa darating na 2007 election. Ang isang malaking hamon sa bahagi ng progressive groups ay kung paano mapoproteksyunan, paano mababantayan, paano bawasan ang dayaan at kaguluhan at higit sa lahat,paano KIKILATISIN ang mga kandidto sa 2007 election?
Ang isang alam kong nag-eemerge na makabagong kilusang aktibo at gagalaw para sa 2007 election ay ang Consortium for Electorl Reform (CER), isang malawak na alyansa na seryosong nag-aadvocate ng pagsasareporma hindi lamang ng sistemg electoral maging ang kabuuang sistemng pulitikal ng bansa. Isa sa mga proyekto ng grupo ay pagsasareporma ng electoral Finance, Political Party, modernization ng electoral conduct, paglilinis ng listahan ng botante at institutionalization ng voter's education.
Nagbabalak din ang Catholic Bishop Conference of the Philippines (CBCP) na maglunsad ng malawakang “Kam panyang 'wag iboto o iboykot ang mga re-electionistang mga TRAPO at kamag-anak na ihahalili nila sa Kongreso." Isa sa maaring puntiryahin ng mga Obispo ay ang Tongresmen na nagbasura ng impeachment proceeding ng dalawang beses. Kanilang ikakampanya sa pamamgitan ng kanilang mga dioceses, paaralan, komunidad at networks na iboykot ang mga re-electionistang mga TRAPO.
Muling bubuhayin at palalakasin ang Parish Pastoral Council of the Philippines (PPCRV) upang maisakatuparan at makapagsagwa ng isang profiling ng mga Tongresmen tatakbo sa 2007. Ang political profiles, pagkilatis ng track record at position sa mga isyu ng mga pulitiko ay lubhang kailangan ng mga botante upang magsilbing gabay sa kanilang pagpipilian. Maliban sa masinsinang pagbabantay halalan (poll watching), malawakang magsasagawa rin ng “voter's education” sa mga kabataan at komunidad.
May kilusan "Marangal na Halalan o bantay halalan sa presinto" ring binuo ang grupo nila Obet Verzola (Greens Phil) at PRRM. Isang electronic at high tech na pamamaraan upang masubaybayan-monitor at surveilance ang mga polling place at presinto lalona sa panahon ng bilangan at canvassing. Maaring makatulong din ang pagco-conduct ng malawakan at makasyensang, credible electoral survey at exit poll ng SWS at Pulse Asia upang masawata ang garapalang dagdag-bawas, pandaraya ng adoninistrasyon.
Inaasahang marami pang grupong non-alligned, non-partisan, civic groups ang magbubuo ng mga kilusang upang bantayan ang napipintong malawakang dayaan sa 2007 election. Walang ng debate sa kung ano ang pakinabang at kahalagahan ng electoral politics sa isinusulong na pagbabago, demokratisasyon at kaunlarang .
Maliban sa kampanyang "oust GMA campaign", non-partisan framing at pagsusulong ng people's agenda ng Kaliwa, lubhang kakailanganin ang direktang pagpapatakbo ng mga kandidatong magdadala ng "Bagong Pulitika," mga reformer at mga dating aktibista sa Lokal man, sa Senado at sa Party List. Isang tanong, ano ang maaring PAPEL at AGENDA ng DEMOCRATIC LEFT sa 2007 election?
Doy Cinco / IPD
Nov 15, 2006
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment