Monday, November 06, 2006

Isang Propesor at isang Sundalo sa Senado?

Mukhang marami tayong activities, concerns at pinaghahandaan mga PAGKILOS, rally- demo (extra-consti), na para bagang may hinihintay pang mga "HAPPENINGS" na inaasahan hanggang Disyembre? Kaya lang, bangungut na, mahirap na itong asahana at kung magkatotoo man ang mga "happenings" na sinasabi, kakagatin ba ng country ito? Tatlong (3) buwan na lang kampanyahan na at halos ang lahat ay naghahanda't nakatingin na sa magic 12!!

Kung may posibilidad na magkanya-kanyang biyahe ang Kilusang Demokratiko sa nalalapit na 2007 election, lalo na sa Party List, malaki ang posibilidad na magkaisa't magkaroon ng isang tactical political projects na bibitbit sa 2007 election sa dalawang kandidato ng country sa SENADO; si Prof. Randy David at si Navy Lt. Senior Grade Antonio Trillanes IV.

Hindi ko kakilalang personal, 'di nakasama sa trabaho o naging kaibigan man lang ang dalawang personalidad. Kaya lang, malaking kasayangan sa country kung hindi maisasama sa Senado't sa kampanyang elektoral ang dalawa. Isipin na lang natin kung ano ang larawan, mga mukhang pare-parehong pulitikong makikita sa poster, pulyeto, streamers at mass media. Nasaan ang sustansya't excitement ng 2007 kung 'di kasali ang dalawa (2), kung walang bagong mukha at mga paghahamon? Walang kabuhay-buhay at BORING ang 2007 kung walang progresibong elementong kasali sa kampanyahan. Lalabas na biernes santo, puro na lamang mga TRAPO'T ELITISTA, pare-pareho't di nagbabago.

Maraming nagsasabing makokopong ng oposisyon ang 12 slate sa Senado at pinatotoo naman ito sa mga electoral survey ng SWS at Pulse Asia. Walang humpay ang bitak, paksyon sa hanay ng elite, tuloy ang re-allignment, gapangan, nego, trade off at backdoor chanelling sa kung sino ang papaloob sa magic 12. Ang malungkot, parang walang mapagpipiliang kandidatong may astang aktibista't progresibo.

Kung di man 2nd FORCE, may tinatawag pang ALTERNATATIVE FORCE at THIRD FORCE, mga luma't bago at palit-palit lamang ng partido na binubuo't recycled na pulitiko. Sa esensya PULITIKO'T TRAPO pa rin! Kung mayroon man tayong piliin sa hanay ng oposisyon, baka dalawa hanggang tatlo (2-3) lamang ang magustuhan ng progresibong kilusan. Nakakapanghinayang ang dalawa, parang ang hirap isulat sa balota ang mga makabagong elite na pulitiko, mga nagpapanggap na bagong pulitika.

Alangan kung tayo'y magboboykot at mananawagang "labanan lamang ito ng mga BURGESYA?". Kung dati-rati'y naniwala tayo sa ganitong linya, ngayo'y malabo't na't nagbago na ang sitwasyon, itinakwil na ang ganitong maka-uri at extremistang pananaw.

Batay sa track record ng dalawa, ang paninindigan, dedikasyon, alternatibo't bagong pulitika at hindi TRAPO, may kakayahan at kapabilidad si Randy David at si Trillnes na maibitbit at maipanalo ng Kilusang Demokratiko, civics at maging ang mainstream political party.

Kung 'di tatanggi si Randy sa panukala, malaki ang pag-asang maibilang, maisama at mabilisang maikakarga't mai-alok sa iba't ibang grupo ang dalawa ng walang pag- alinglangan. May mga rekisitos nga lang na kakailanganin sa loob ng dalawa-tatlong buwan (2-3 mos.) upang ma-realized ang target, mga kaganapan at tagumpay;

1. Makapagbuo ng isang komprehensibong istratehiya at campaign plan, agad na maitayo ang political machinery.
2. Buuin ang isang malawak na Kilusang anti-TRAPO (kung anuman ang tawag o mensahe) sa hanay ng kabataan at panggitnang pwersa at makapagrekrut (boluntarismo) ng mga kampanyador sa maraming sektor.
3. Makapag-ipon ng sapat na lohistika at pondo.
4. Maitransporma ang buong organisasyon bilang baseng boto (base vote) at pagpapalawak ng impluwensya
5. Patampukin ang awareness, imahe't visibility (Nov-Dec) sa kampanya at mai- mainstream ang political electoral campaign sa lahat ng iba't-ibang mga kaparaanan.

Isang aktibista at kagalang-galang na media figure sa Pilipinas si Professor Randy David. Maliban sa pagtuturo sa graduate courses ng social theory at political economy, naging founding director ng Third World Studies Center (isang institusyong nagsusuri sa kalagayan ng Ikatlong Daigdig), nagmintina ng kakaibang pagsusuring progresibo't makabayang pagsusulat sa isang column ng Philippine Daily Inquirer. Dati rin siyang nag-host sa isang public affair talk show sa TV, ang Public Forum (renamed Public Life).

Kamakailan lamang, isa sa mga nanguna si Randy sa pagkundina ng kasalukuyan kaayusan ng rehimeng ni GMA, naaresto, kinasuhan ng "rebelyon" at pinakawalan rin ng mga awtoridad (PNP). Dati rin siyang editor ng journal na Kasarinlan. Nagsanay at nagpraktika bilang sociology sa UP at sa University of Manchester sa England. Dating puno ng BISIG, mga makabagong aktibistang mula sa iba't-ibang kilusang demokratiko, naglingkod sa maraming mga non-government organizations (NGOs) sa Pilipinas.

Marahil, ilan sa ating mga kababayan ay may negatibong pagtanaw sa military na pumapel at pumaloob sa civilian role, lalo na sa gawaing lehislatura sa Senado. Kung mayroon tayong Sen. Biazon na isang dating Marines at si Pres. Hugo Chavez ng Venezuela na isa ring dating Airforce, walang dahilan upang isarado natin ang pinto sa isang junion military officers sa Senado.

Kilalang lider progresibong junior military officer si Capt. Antonio Trillanes. Dating tagapagsalita ng grupong Magdalo na nanawagang wakasan na ang 'state suponsored terrorism, pangungurakot at katiwalian sa loob ng kasundaluhan-AFP. Nakilala ang grupo nuong kubkubin nito ang Oakwood Hotel nong July, 2001.

Class 1995 sa Philippine Military Academy (PMA) si Trillanes. Binuo't pinangunahan nito ang Magdalo hindi upang magsagawa ng Kudeta at mang-agaw ng kapangyarihan, bagkus ideliver ang matagal ng krusada't hinaing laban sa Katiwalian sa gubyerno, mga panawagang reporma sa ilalim ng AFP na binaog ng kasalukyang dispensasyon.

Kasalukuyang nakabilanggo at humaharap sa kasong KUDETA na nililitis sa Makati RTC si Trilalanes at iba pang kasamahan. Ayon sa kanya, balak niyang tumakbo sa ilalim ng grupong Independente at hindi sa sinumang TRAPONG partido na gustong magpasikat at gamitin ang grupo. Kung sakaling matuloy, ikampanya n'ya ang platapormang magtataguyod ng pagiging nasyonalismo, good governance at public accountability.

Kasalukuyang nakaditini sa Marine headquarters, Fort Bonifacio si Trillanes kasama ang iba pa, si Marine Captains Nicanor Faeldon at Gary Alejano at Navy Lt. Jams Layug. Bukud sa grupong Makabayang Kawal Pilipino (killang grupong Magdalo) na kanyang kinabibilangang organisasyon, nananalig siyang dadalhin, suportahan ng malawak na kilusang progresibo, iba't-ibang civil society groups ang kanyang plataporma de gubyerno sa 2007.

Totoong elitista ang sistemang election sa Pilipinas at ito'y hanggang sa kasalukuyan ay namamayagpag, monopolisado, kartel at kontrolado ng matagal na panahon ang sistema ng pulitika sa bansa. Mga TRAPONG (traditional politician o lumang pulitika) kinabilangan ng oligarkiya, casique, warlordismo, mga pulitikong angkang may ilang henerasyong tumangan at humawak ng kapangyarihan ng ating bansa (lokal at nasyunal).

Kailan ma'y hindi naging matino, hindi parehas ang playing field ang halalan sa 'Pinas. Sinasabing masyadong partisano, divisive, madugo, showbiz at magastos. Isang Daang Milyon piso ang kakailanganin budget sa electoral campaign para sa Senado at ilang milyong piso para sa isa lamang 2nd hanggang 5th class municipality, paano pa kaya sa antas LUNSOD, distrito hangggang probinsya at lalo na sa antas nasyunal (presidential at senatorial race) na karaniwang may minimum kang balang panustos sa makinarya na hindi kukulangin sa P2.0 bilyon.

Sa kabuuan, pangunahing kompetisyon ng personalidad, kapangyarihan at makinarya ang katangian ng election sa Pinas. Dulot ng sistemang pulitika sa bansa kung saan ang pangunahing kompetisyon ay nasa pagitan ng indibidwal at hindi ng PARTIDO o plataporma.

Ito ang karaniwang mga kadahilanan kung bakit laglag ang buntot, 'di seryoso ang hanay ng demokratikong kilusan na lumahok sa halalan. Bukud sa 'di nila ito GAMAY, ilag, alanganin, TALUNAN at hindi nito mabitaw-bitawan ang parliamento ng lansangan (rally, demo) o ang pressure politics, extra constitutional means (armadong pakikibaka, kudeta at insureksyon) na mga paraan at moda ng pag-agaw ng kapangyarihan. Kay daling unawain kung bakit nag-boykot ang Kaliwa't ibang Kilusan nuong kasagsagan ng diktadurang Marcos nuong dekada otchenta (1980s) at ito ang isa sa mainit na debateng nagresulta ng malakihang split at demoralisasyon sa hanay ng Kaliwa sa Pilipinas.

Manawagan man ng election boykot ang Kilusang kaliwa, ipropagandang 'ehersisyo't laro lamang ito ng BURGESYA at sabihing insureksyon at rebolusyon ang tamang daan, walang kaduda-dudang hindi ito maiintindihan, pagtatawanan at mauunawaan ng masa. Panigurong maa-isolate at 'di makakalangoy sa malawak na karagatang boboto sa halalan ang mamamayan.”

Matagal ng alam ng mamamayan na 'walang election sa 'Pinas na walang dayaan' at kung gaganansya man sila sa election, bakit hindi pwedeng samantalahin? Alam nila na kahit sino man ang maupo, mailukluk sa poder ay wala rin mangyayari sa kanilang buhay at kung kanino ka makikinabang, 'yon ang kanilang iboboto!

Kaya lang, kahit sabihin unpopular ang mga pulitiko, kinikilala pa rin ito bilang mga representante't kinatawan sa kabuuan. Fiesta at masaya sa mata ng karamihan, lalo na ang karaniwang mamamayan sa tuwing may halalan. Dito lamang sila makakabawi, makakaganti, makakasingil sa Trapo. Tinitignang isang pagkakataon ang eleksyon upang makalapit, sa maksimum ay may sasandalang, mahihingan, malalapitan sa kung anong bagay na kakailanganin sa panahon ng gipit.

May sariling pamantayan para sa kandidatong kanilang ibinoboto ang botanteng Pinoy, maliban sa pagtingin na ang election ay instrumental lamang para sa kanilang kagyat na pangangailangan. Tinitignang nila ang mga kandidato ayon sa sariling pakahulugan sa “pulitiko," bilang tagapamagitan nila sa kapangyarihan at kapakinabang sa gubyerno. Ang pinaglalabanan ng mga kandidato ay sa totoo lamang ay kung paano umayon sa pamantayang ito ng mga botante. Kaya't nakakalungkot sabihing “pagandahang lalaki, hindi seryoso't prinsipyado at plataporma at pagiging popular ang mapagpasya sa pagpapanalo sa election.

Bagamat palagiang talunan (bagong Pulitika), marami sa kanila ang nagpatuloy, nag-survive, nag-adopt, naka-isip ng mga pamamaraan, adjustment, mga makabagong inobasyon na siyang naging dahilan ng tagumpay sa pwesto. Karamihan sa kanila kung 'di man mga reform minded, lantay pa ring mga progresibo, dating aktibista, seryoso at responsableng mga kandidato.

May mga umuusbong na makabagong pulitika na may alternatiba ang dating, depende sa punto de vista ng Kaliwa (extremista,hardcore o moderate). Ito'y may undercurrent, kalat-kalat na makabagong pananaw o kilusang may panawagan at may potensyal na 'di-traditional na pwersa.

Kasing bilis na lumalaganap na makabagong pananaw-idea sa hanay ng lumalaking impluwensya ng panggitnang saray, partikular ang kabataan. Maliban sa lumalaking papel ng mass media sa public opinion. Isang halimbawa ay ang lumalawak na paggamit ng makabong teknolohiya ng inpormasyon, multi-media at komunikasyong electronika (e-groups, blogger, websight at cell phone) kung saan may kakaibang umuusbong na pamantayan at advocacy na progresibo. (Electoral Campaign Mangement Training (ECMT Manual 2001, IPD)

Ano ang agenda at hamon sa electoral politics ng Kaliwa? Kung mayroon man engagement o partial na paglahok, ang tanong, may ginawa ba ito, may seryosong advocacy ba ito upang ireporma ang kabulukan ng sistema ng election? Malaki rin ang pagkukulang ng Kaliwa kung bakit hindi nito napigil ang manipulasyon, dominasyon ng halos ilang dekada ang TRAPO politics, lalo na nung matapos nawala ang diktadurang Marcos at naibalik ang ispayo sa demokratisasyon.

Wala malinaw na programa ang Kaliwa upang maresolba, masawata o mai-break man lang ang dominasyon at kontrol ng TRAPO sa larangan ng electoral politics, kahit man lang sa malawakang gawaing edukasyong pang-elektoral, kahalagahan ng electoral arena at pagtatayo ng baseng electoral sa komunidad (hanay ng mamamayan) urban man o kanayunan, kahit man lang sa antas barangay hanggang probinsya.

Kumitid at sarado ang pag-aanalisa sa kung paano nailatag at binasa ang konteksto, ang 'subjective forces' at antas kamulatan ng mamamayan lalo na sa isyu ng electoral politics. Tinignan parang isang 'instrumental ang election' tungo sa isang mas preperableng pakikidigmang bayan nakabalangkas sa bangungut na pagwasak at pag-agaw ng estado poder, meaning nasa Mendiola at armado lamang at wala sa balota ang wastong landas na pampulitikang pakikibaka.

Unti-unting nagbabago ang ganitong pananaw sa hanay ng Kaliwa. Maliban sa may ilang mga mersenaryong electoral CADRE-operator na itinuturing isang hanap buhay ang election, PRAGMATISMO ang naging tawag ng panahon, may mga bagong umuusbon na kilusang Kaliwa na mas bukas, tinitignang malawak ang pakikibakang demokratiko o partidong umaagapay at nakikibagay sa kung ano ang laro't kalakaran. Marami sa kanila ang nagtagumpay at nai-break through ang larangan electoral hindi lamang sa lokal na paggugubyerno maging sa antas nasyunal na labanang Party list election.

Mahalagang makapagpatampok ng alternatibo, progresibo at popular na kandidato ang Kilusang Kaliwa sa nalalapit na 2007 election. Maliban sa extra-constitutional na moda ng pakikibaka, lubhang kailangan ibalanse ng Kaliwa ang electoral engagement upang maipakilala't ipanalo ng tiyakan ang inihahain nitong popular na kandidato na magtataguyod at magdadala ng agenda't panawagan ng mamamayan at itaas ang pamantayan at kalidad ng pakikidigmang electoral.

Maliban sa karaniwanag ihahain sa 2007 ang elite opposition o ang extremistang kaliwa, walang nakikitang isang rallying point, o point of comparison ang mamamayan maliban sa dalawang alternatibong kandidatong si Randy David at Antonio Trillanes.


Doy Cinco / IPD
Nov 6, 2006

No comments: