Friday, November 24, 2006

Mega Mall sa Pilipinas, nag-eevade ng REAL PROPERTY TAX

Kung totoo man ito, shocking ito. Nakakalungkot isiping na sa kabila ng kakulangan ng Internal Revenue Allotment ng ating mga Local Government Units upang ipangtustus sa batayang serbisyo publiko, itong mga Mega Mall ay 'di pa la nagbabayad ng sapat na buwis. Kung nagbabayad man ito, hindi mahirap paniwalaang kakarampot, kinukurakot at nauuwi lamang sa bulsa ng ilang mga lokal na ehekutibo ng LGUs.

Kung ang maliliit na negosyo sa komunidad, mga lupa't bahay ng maliliit nating kababayang nagbabayad ng ilang libong piso taun-taon ay 'di pinaliligtas ng Bureau of Internal Revenue (BIR), bakit nakakalusot itong mga multi-bilyong negosyong mga MALLs na pag-aari ng mga Pilipino-Chinese tycoon (Taipan)?

Hindi lingid sa mamamayang Pilipino ang modus operandi ng mga Taipan ("acquited" tax evasion ni Lucio Tan ng Fortune Tobacco), kung paano dumiskarte't maiwasan ang bilyong pisong buwis na dapat bayaran nito sa gubyerno. Hindi rin lingid sa mata ng mamamayan ang bilyong pisong pinansusuhol ng mga Taipang ito sa tuwing may ELECTION, pasko't bagong taon at sa tuwing may mahalagang pribadong okasyon ang mga pulitiko.

Sa liit ng sweldo ng isang pulitiko (P25-35,000/buwan), magtataka tayo kung bakit pinag-aagawan nito ang mga malalaking lunsod (Metro Manila cities, Cebu at iba pa), kung bakit daang milyon piso ang kanilang nagagastos sa tuwing halalan, narere-elect at kung bakit nagmumultiply at magagarbo ang mga ari-ariang personal sa Pilipianas at maging sa ibayong dagat nito? Ang tanong, magkano ang nakukurakot, natatanggap na lagay sa mga lokal na punong lunsod mula sa mga Taipan?

May isang daan maliliit at malalaking Mall ang nakabalagbag sa buong kapuluan, mula Baguio City sa Northern Luzon hanggang Davao City sa Katimugang Mindanao. Pinagmamalaki pa ng gubyerno na pangalawa ang 'Pinas sa mundo na may pinakamalaking Mall sa Asia. Isa ng consumerist Mall oriented service economy ang ating bansa, ang problema, bakit parang pulubing namamalimos ang Malakanyang at ang ating mga LGUs?

Ang mga military camp, mga pampublikong paaralan at nakatiwangwang na lupain ng gubyerno ay nabili't ipinabili na sa SM, Ayala at Robinson. Nanganganib pang ibenta ang ilang libong ektaryang nasasakupan ng lupaing gubyerno; mga state colleges, hospital at mga parke, mga ala-Central Park sanang magbibigay ginhawa sa metropolis kung itutulad sa mga luntiang, forested park na matatagpuan sa maunlad na bansa.

Kung may buto pa sa gulugud at political will ang BIR, ang national gov't, bakit hindi busisiin ang katiwalian at pandarayang ibinabayad na REAL PROPERTY TAX ng mga higanteng Mall sa Pilipinas?

Doy Cinco / IPD
Nov. 24, 2006

1 comment:

wibi said...

Your Blog very good..
Thanks ya..

wibi
www.cellularjk.blogspot.com