Wednesday, October 03, 2007

Ala-ala ng BURMA

Doy,
Magandang i-post mo sa blog mo ito. Hingi ka lang ng permission kay Jade. jade_worldwide@web.de
Enteng
===========
From: jade_worldwide
To: tbak_group@yahoogroups.com
Wednesday, September 26, 2007 6:32 PM

Hindi man direktang may koneksyon sa mga nangyayari ngayon sa Burma, gusto ko lang i-share iyong panahon na isang taon ang namalagi doon.
Ala-ala ng Burma

Maigting kong sinusubaybayan ang mga pangyayari ngayon sa Burma. Malapit ang bansang ito sa akin kasi 7 taon na ang nakalipas ng nanatili ako ng isang taon sa Norte malapit sa border ng Tsina.

Ayaw ko pa sanang ma-assign doon kasi hindi siya demokratiko hanggang naisip ko, lahat ng bansang may proyekto kami ay hindi demokratiko. Type ko sana ang North Korea noon, (shades of MASH, baga), kaya lang nagsara ang proyekto dahil sa kakulangan ng access sa mga nagugutom na Koreano.

So ayun, napadpad ako sa isang town sa Norte, Myitkina, isang araw na lakbay mula sa Mandalay sa tren. Pero siempre, eroplano ang sinakyan namin. Dito kapag militar ka libre ang pamasahe mo, kapag hindi, bayad ka. Kapag banyaga, dolyar ang bayad mo. May kasamang dasal kapag sumakay ka sa eroplanong ito, dahil hindi maganda ang rekord nito sa pananatili sa ere. Iyong isang NGO nga kailangan magbiyahe sa Mandalay para sumakay ng mas safe na eroplano. Eh, kami, astig ba kami o wala lang paki iyong pinaka- boss namin? Ewan. Katabi ko pa naman sa eroplano noon ay isang unipormadong sundalo, na nag-bibilang ng dasal o mantra sa kanyang buddhist beads. Gusto ko sanang tanungin, ilan na ba ang napatay mo..kaya lang baka patalsikin ako sa bansa wala pang 24 oras. (photo: Chaotic Yangon, Myanmar, 2005 ,
i.pbase.com/.../medium/40198913.Yangonchaos.jpg)

Walang regular na kuryente, bawal ang satellite phone, at ang e-mail namin noon, pini-print-out sa Yangon at ipinapadala sa eroplano. Ang sagot naming sa e-mail, diskette naman pabalik sa Yangon. Lahat ng kilos mo ay alam ng mga may interes. Lahat ng sabihin mo sa e-mail o telepono ay sigurado kang may ibang mata o tenga na may interes kaya siempre self-censorship. Wala kang mabasa sa diaryo kundi ang mga aktibidades ng mga opisyales (minsan tinitingnan mo na lang ng maigi ano ba ang hidden meanings, trends na nangyayari sa bansa), sa telebisyon ganoon din, walang katapusang footages ng mga opisyales. Para akong bumalik sa Martial Law period, mas masahol nga lang. (photo: Yangon/www.travelpod.com)

Ang tanging libangan ng mga tao doon ay karaoke o kaya tumambay sa tea shop at doon maghuntahan ng mga walang kawawawaang mga topic dahil takot na takot silang batikusin ang gobyerno. Sarado ang mga kolehiyo noon kaya bagnot na bagnot ang mga kabataan doon. (kaya din magagaling ang mga health educator naming dahil nga mga estudyanteng bakante ang binigyan namin ng trabaho). Mababait at parang mga pinoy din ang mga naka-trabaho namin. Ang mga opisyales naman tali ang kamay nila ng mga direktiba mula sa commander. Nanghihinayang ako sa potensiyal ng mga tao at maraming likas na kayamanan ang bansa, napupunta lang sa bulsa ng iilan. (photo:www.gaia-s.net/.../Yangon/images/cityLife.jpg)

Bawat field visit namin ay alam kaagad kung ilan kami, saan kami pupunta at saan kami tutuloy. Lintsak, pati siguro oras ng paggising namin alam nila. Ang worry ko lang talaga ay kung madisgrasya kami (wala nga palang proper na kalsada doon), bawal ang radio , bawal ang satellite phone….anak ng tutsang, paano na lang. Ang siste ay magpaabiso sa militar at hintayin ang susunod na mangyayari.
(photo: From Yangon to Mandalay by TRAIN one way will ... www.tropictravel.org/pb/wp_77064307/images/im...)
Natawa nga ako minsan kasi 3 teams kami kaso isa lang iyong nakatokang sundan kami. Iba-iba ang direksyon ng lakad namin, hindi malaman ng mama kung sino ang susundan niya. Kaya pagdating ng gabi, pumunta iyong mama sa tinutuluyan namin at nakiusap na sabihin na lang sa kanya kung saan-saan kami nagpunta kasi malalagot daw siya sa mas nakakataas sa kanya.

Bakit nga ba ako nandoon noon? Talamak ang problemang HIV doon kasi ito ang lugar ng pinakamalaking mina ng jade sa bansa kaya naman daang-daang libong mga kalalakihan ang nagbabakasakali ng swerte nila dito. Para bang California Gold rush, hindi nga lang ganoon ka-romantiko. Nandiyan na lahat aliwan sa isang lugar na nakabatay sa swerte: prostitusyon, sugal, alak, droga. Matindi ang pinakahuli kasi hindi basta-bastang droga , heroina ang tinitira ng mga gustong kumawala sa realidad. Mas mura pa sa beer ang presyo ng isang shoot ng heroina.

Kung titingnan mo nga naman ang isang jade na hindi pa na-proseso, mukha lang siyang ordinaryong bato. Pero malalaman mo lang na jade kapag sinipat-sipat ng flashlight ang kung ano mang linyang dumadagtay sa bato. Siempre pa sino ang nakikinabang sa minang ito kundi ang mga nakasuot ng berde at may armas na ipinapadala ang jade at teak na kahoy sa Tsina.

Ubod ng baba ang pasweldo sa gobyerno kaya lahat na lang may raket. Pati mga doktor at nurse at para-medical staff ay rumaraket para lang mabuhay. Ang epekto nito, nagiging negosyo ang panggagamot at kahit hindi mo kailangan , makukubinsi kang bigyan ng suwero, mas makulay ang nasa suwero , mas mabuti (rosa, dilaw atbp). Kada 6 na buwan ililipat ng lugar ang mga doktor, titser, nars o para-medical staff pwera na lang kung may panlagay ka sa mga opisyales. Ang siste yatang ito, ay para hindi ka makabuo ng simpatiya sa populasyon.

Kaya naman sa hindi inaasahang pagtaas ng gasolina ngayon, talaga naming ipit na ipit na ang mga mamamayan ng Burma. Ilang libo ba ang illegal na nagta-trabaho sa Thailand? Iyong driver namin, sa panahong iyon, 8 taon na niyang hindi nakikita ang asawa niya na nagta-trabaho sa Thailand.

Sana nga makawala na sila sa pagkakasakal mula sa military.
-----------------/////--------------------

No comments: