Sunday, October 14, 2007

Who is our choise for the next COMELEC chief?

Mas ang tamang tanong, "dapat na bang i-overhaul ang Comelec at ireporma ang sistemang electoral?" Sapagkat, kahit sinong magaling na ipalit na puno ng Comelec, kung di maisasa-reporma ang sistemang halalan (buluk) at politika (inaamag) sa bansa, kung nakatanim at nakabaon na sa ahensya ang maraming Atty Lintang Bedol, mga tulad ni Atty Somalipao, Boy Macarambon at Magbutay, mga batalyong galamay na abugago ni GARCI mula Appari hanggang Jolo, BALEWALA RIN!

Ang kahinaan ng kasalukuyang batas na Omnibus Election Code, ang political patronage, ang casique politics, wardlordism at oligarchy na larawan ng pulitika sa bansa ang magdidikta ng pangangailangan ng isang electoral reform. Kung wala nito, suntuk sa buwang magkakaroon ng clean, honest, credible at peaceful election. Nasubukan na't sa panahon ni Monsod, ang nasirang si Haydee Yorac at ni Davide (dekada 80s-90s) nangyari ang pagkakasilat ni Mirriam Santiago, Nene Pimentel at iba pang sangkatutak na dayaan sa antas distrito at probinsya. Alam ng buong mundo na hindi na balita at hindi na kagulat-gulat ang talamak na dayaan ng halalan sa Pilipinas, ang balita ay kung walang dayaan!


Sa totoo lang, pagbali- baligtarin mo man ang mundo, “political accomodation” ng Malakanyang ang naitatalaga sa Comelec chairperson at commissioners. Hindi lang yan, karamihan, ng mga election officers hanggang baba o rank and file ay inaarbor lamang ng mga pulitiko, ng mga Kongresman at mga tao sa Malakanyang.


Ang nakakapanglupaypay, ang mga nakaLINE-UP na mga regional director at assistant director na siyang mga salarin at involved sa katiwalian ng 2004 at midterm 2007 election at nagamit ng Malakanyanag upang ilusot at ipanalo ang mahigit 100 majority ruling party (Lakas at KAMPI) sa mga District Rep, Gobernador at Lunsod ay patuloy na nananatili sa pwesto.


Mas mainam na sigurong tanggalin na muna ang lahat ng kasalukuyang nakaupong Comelec Commissioner at magtayo ng BAGO, astang TIBAK, may leadership at managerial quality, maayos at dalisay ang track record, may character na may kahandaang isulong ang ELECTORAL REFORM, independent minded at higit sa lahat may alam at familiar sa Information Technology at Communication.

Pangalawa; kung 'di man uubra ang radical na pagbabago, panahon na upang "baguhin ang proseso ng appointment sa mga Commissioners. Ang nakakalungkot, ang presidente lamang ang siyang may appointing power sa mga Comelec Commissioners." Anumang mga pangalan ang IRIKOMENDA ng SEARCH COMMITTE, masusunod pa rin si Ate Glo,ang Malakanyang. Kahit matanda't uugud-ugud, walang karanasan sa electoral process at dahil lamang sa rekomendasyon o bayad utang sa pulitika, pasok na't nagugulat na lamang ang buong country (never heard).


Pangatlo; Alisin na sa jurisdiction ng Comelec ang masalimuot na election protest, meaning husgado na ang dapat magpasya ng mga ito.

Panghuli; kung may buto sa gulugud, may political will lamang si Ate Glo sa popular na panawagang electoral reform, isang Executive Order (EO) lang, tapos na ang boxing.

Doy Cinco / IPD
October 14, 2007

No comments: