Wednesday, October 10, 2007

BARANGAY ELECTION, DEMOCRACY from the GRASSROOT (theory lamang) ?

Bagamat naninindigan tayo sa kasagraduhan at balangkas ng local governance, awtonomiya at demokrasya sa grassroot at pangangailangan ng matitibay na batas at reporma na magpapalakas pang lalo sa naghihingalong “paggugubyernong lokal - barangay” sa kabuuan, nakakalungkot banggitin ang masalimuot na realidad ng ating mga barangay sa kasalukuyang imiiral na kabulukan ng pulitika sa bansa.

Sa ayaw man natin sa gusto, dodominahin at mamanipulahin lamang ng mga pulitiko ang barangay at SK election sa bansa at ang mas nakakatakot, kung ito'y pakiki-alamanan din ng mga masasamang elemento sa lipunan, ng drug lord, weteng lord, prostitution lord at business lords at walang gagawing pagsisikap o intervention ang aktibong mamamayan upang tiyaking malinis, may kredibilidad, tahimik na barangay election sa darating na October 29. (larawan sa kaliwa:www.malaya.com.ph/may23/images/edit.jpg)

Tulad na lamang sa aming barangay dito sa Quezon City, "pinapilan at nagkahakutan na ang voter's registration nuong nakaraang Agosto, maaga ang gapangan, bagamat pwedeng sabihing serbisyong elektoral ang hangarin, sa iba ito'y pagsisiguro lamang ng "command votes at pagtatayo ng maagang political machinery. Bukud sa inaasahang kaguluhan, mas titindi ang dayaan hanggang botohan at canvassing at may ididiklara na namang mga "failure of election sa ilang lugar kung saan laganap ang private armies."

Pinapalagay na ng marami na "sapagkat malapit sa pulitikon
g padrino, tapos na ang election, napili na kung sino ang mananalo sa election." Kaya't kung magkaganito man, isang na “proxy war ang barangay election at accumulation ng kapangyarihan ng iba't-ibang pampulitikang paksyon na may hangarin sa 2010 election, meaning labanan ito ng maimpluwensya't malalaking pampulitikang padrino o malalaking pampulitikang ANGKAN-political clan sa isang political territory, lunsod, sa probinsya o sa isang distrito. Nakakalungkot isipin na malamang sa hindi, muling masasalaula ang Oct 29, 2007 barangay at SK election.
(Larawan sa itaas: http://www.ppcrv.org/main/news.php)

Nakatayang paglalabanan posisyon sa October 29 ay ang chairmanship sa barangay at pitong kagawad o binubuo ng sangguniang barangay. Para sa SK election, maghahalal ito ng SK chairperson at pitong Sangguniang Kabataan o Youth Council. Mayroong 42,000 barangay sa buong kapuluan at karaniwang may mahigit 30 hanggang 100 ang kalahok na kandidato sa kada barangay. Ibig sabihin nito, may malaki-laking bilang ang mahahalal na barangay chairperson, kulang-kulang na 300,000 mga sangguniang barangay-kagawad at halos magkapareong bilang din sa Sangguniang Kabataan.

May malaking bilang na (mahigit 10) ang
bilang ng napapatay na may kaugnayan sa barangay election sa bansa at inaasahang aakyat ang bilang habang papalapit ang Oct 29. Nagsimula na ang gapangan, pagpapainom, panunuhol, takutan at kasal, binyag at libing (KBL) para sa pangangalap ng boto. Sangkatutak na ang makikitang iligal na poster (tarpuline) at iligal na pangangampanya na mga kandidto.

Ayon sa mga awtoridad (PNP), bukud sa may 4,500 barangay hotspot ang natukoy na delikading, aasahang mauuwi sa zarzuela, personality oriented, machine-money politics, dayaan, bayaran at dagdag-bawas (hello garci) controversy election. Kung mayroon man counter current o bumabatay, tumitingin sa track record, healthy debate at plataporma de gubyerno, mukhang malulunod at sasalpok ito sa isang gadambuhalang alon ng TRAPO politics na katangian ng pulitika sa bansa.

Mahirap asahang mayroon magtataguyod at may magbabandila ng repormang politikal at halalan, democratization, good governance, mag-aadvocate ng non-partisan, peolpe's agenda, awtonomiya at soberanidad ng barangay, malungkot man aminin, bilang ito sa daliri. Basically, "elite, TRAPO oriented election ang mananaig sa October 29, 2007 election sa barangay at SK election."

Sa mahigit isang dekadang (15 years) pagpapairal ng batas ng Local Government Code (LGC) 1991, nakakalungkot isiping hindi pa rin lubusang naging epektibo ang atin mga lokal na gubyerno, partikular ang mga barangay. Dahil sa kaliitan ng Internal Revenue Allotment (IRA), nagpatuloy ang pamamalimos ng pondo at pangangalap ng proyekto mula sa mga pork barrel ng mga Kongresman, palaasa at nakasandal sa nakatataas na pulitiko. Kaya't imbis na PALAKASIN, pinaglalruan at gusto pa atang buwagin ng Kongreso ang naghihingalong na ngang mga Barangay at SK. (larawan sa baba:Focused group discussion with barangay Balud residents at the barangay Hall / www.fao.org/wairdocs/ad695e/ad695e0c.jpg)
Ayon sa theory, dinisenyo't layon ng LGC na idemokratisa ang lokal na paggugubyerno, meaning maging isang “autonomous, self-reliance at empowered.” Bunsod ito ng halos apat na dekadang napariwara at namanipula ng diktadurang Marcos ang mga barangay. Kaya't sa ikalawang pagtatangkang pagpopospone ng barangay at SK election at sa layuning gamitin lamang sa 2010 presidential election, parang GINAGAGO, niyuyurakan at tinatarantado ng Kongreso at Malakanyang ang barangay.

Sa totoo lang, nasa barangay mas maisasakatuparan ang isang inaasam-asam na demokratikong paggugubyerno na halos napatunayan na't papruwebahan na ng kasaysayan bago pa dumating ang mga kolonyalista. (Larawan sa baba; isang Brgay Hall sa Catbalogan, Samar / http://www.batch2006.com/imag_catbalogan/06-09-23_4960.JPG)
Ang gubyernong BARANGAY, kasunod ang pamilyang Pinoy ang basic political unit ng gubyerno. Yapak ito sa komunidad at mamamayan. Dito nagsisimula ang araw-araw na buhay at mga pangyayari sa pulitika ng isang bansa at higit sa lahat, dito mas naisasapraktika ang partisipasyon ng mamamayan, ng civil society, ng simbahan, NGO at people's organization.

Nasa barangay "mas may kakayahang masawata ang kriminalidad bukud pa sa sinasabing dito lamang mas may kakayahang matatapatan ang TRAPO politics, ang oligarkiya, casique politics, guns, gold and goons at kasal, binyag at libing." Ang barangay ang barometro at salamin ng demokrasya. Kung baga, ang katatagan ng estado ay nakasalalay sa barangay. Kung may paralisis at mahina ang institusyon sa barangay, walang dudang inutil na rin at mahina ang Estado.

Doy Cinco / IPD
October 10, 2007

No comments: