Sa kabila ng abot langit na kahirapang dinaranas, malawakang kagutumang tinatamasa ng milyung-milyong pamilyang isang kahig-isang tuka, walang habas na nagagawa pang mangurakot at magwaldas ng bilyung-bilyong piso ang Malakanyang manatili lamang sa kapangyarihan at maigligtas ang sarili.
Totoong nakakapanglupaypay ang talamak na suhulan at katiwalian sa gubyerno . Parang ang “basis of unity, nagbibigkis at nagsusustina na lamang sa gubyernong gigiray-giray ay ang panunuhol ng kwarta't salapi." Kung sa bagay, sa mahigit anim na taong iligal na pag-uukupa sa Malakanyang, tanging ang kinang ng salapi't pamumudmud ng kwarta ang nagsilbing paraan upang isalba si Ate Glo. (larawan sa kaliwa: At a press conference Monday, Pampanga Gov. Ed Panlilio shows a wad of cash that was part of the P500,000 he received from MalacaƱang. He was one of two governors who admitted to getting cash gifts from the Palace. Photo by Ruy Martinez / http://www.manilatimes.net/)
Kaya lang, magsisigaw man si Mang Pandoy “sobra na't palitan na," sabihin man nating SUHOL, iligal, immoral, labag ito sa Konstitusyon sa tulad ng ikinapuputuk ng budhi ng mga aktibista, moralista at nagmamalinis, eh ano ngayon, manhid ang Malakanyang at wala rin itong kahihinatnan.
Na-master na ng Malakanyang ang kontra-opensibang teknolohiya laban sa mga grupong magtatangkang magpabagsak (kudeta, impeachment at pipol power) ng pampulitikang kapangyarihan ni Ate Glo. Ang kengkoy pa rito, baka si Ate Glo pa ang mag-utus na paimbistigahan ang nasabing suhulan sa Malakanyang breakfast meeting. Kung magkaganito man, parang ang kambing ang lalabas na magpapa-imbistiga sa kung sino ang kumain ng repolyo at alam ng lahat ay siya mismo o ang kambing, lawin ang mag-iimbistiga sa kung sino ang kumain ng sisiw? Katawa-tawa na ito.
Na-LEGALIZED na ng sistema ang pangungurakot sa bansa, ika nga ni speaker, standard na sa gubyerno ang gawi't kalakarang suhulan. Ang nakaka-intriga, “hinding-hindi nila aamining may iligal, may katiwalian, may korupsyon, may iskandalo at nangungukurakot ang mga opisyal ng gubyerno."
Ang bansag na kurakut at kotong ay sadyang napagtakpan na, nahalinhan na ng matatamis, cute, magagandang salita't katawagan, tulad ng; “standard na yan, cash gifts, financial assistance, cash incentives, pakimkim, token, good will, pamaskong handog." Ayon kay Cong Roquito Ablan, "it's automatic (suhol) bago magLONG break ang Kongreso, may libreng pabaon handog na kakailanganin mo rin upang tugunan ang kasal, binyag at libing (KBL) sa constituency.”
Inperanes (in fairness) sa mga buwayang pulitiko, sa mga rent seekers at matataas na puno ng gubyerno, “pagiging praktikal, pragmatic, normal fare at umaayon lamang sa sistema ang practise na ito sa burukrasya.” Kung baga, hindi na bago, hindi na balita. Ang balita ay kung wala nang ganito, kung malinis na ang gubyerno, kung natigil na ang umiiral na kalakarang kurakot, yan ang headline.”
Kung sila ang tatanungin, ang kanilang prinsipyo, mga pag-iisip, pananaw at paniniwala sa buhay ay halos tao rin na nagkakasala, hindi nalalayo sa pangkaraniwan at araw-araw na takbo ng pamumuhay. Ang sigurado, hindi nila matatanggap na sila'y bahagi sa pangungulimbat ng bayan. Taas noo pa nilang i-paggigitgitang sila'y may konsyensya, maabilidad, madiskarte, isang taong marangal at umaayon lamang sa sistema. Para sa kanila, hinding-hindi sila aamin, hindi nila matatanggap na an ipinalalamon nila sa kanilang pamilya ay produkto ng pangungurakot.
Ipagpipilitan o ira-rationalized at sasabihing normal na ito sa burukrasya, legal at nakagawian na ng matagal na panahon. Bibigyan pa nila ito ng katwiran sa pamamagitan ng pagsasabing, nangyayari ang ganitong sistema sa lahat, maging ito ma'y sa CBCP-Simbahan, sa NGO community, sa Corporate, kung baga, ayon sa kanila “HUMAN INSTINCT na raw yan?”
Hindi mahirap unawain ang talamak na pangungurakot sa relasyon nito sa bangkaroteng kulturang kumukubabaw sa lipunan at gubyerno. Ang mentalidad ng marami, mula Malakanyanag hanggang Senador, Kongreso hanggang sa baba, sa Barangay, na “hindi kurakot at walang masama sa kanilang ginagawa. Para sa kanila, standard operational procedure (SOP) lamang ito sa gubyerno.”
Tulad nung mga nakaraan at nakakatawang inbistigasyon, parang sinasabing “may ginahasa, pero walang nanggahasa,” may kickback na natanggap at may kumita sa Mega Pacific, pero walang nangikback at katiwalian,” "may namudmud ng fertilizer funds sa Kamaynilaan, pero walang nagkasala, daan-daan ang sinalvage, pero walang political killings?”
Sino ang aamin na may suhulan? Ayon kay DENR Secretary Lito Atienza, "galing sa Office of the President (OP) DISCRETIONARY FUNDS ang ipanamumudmud na kwarta para sa ULAP-LGUs at Kongreso." Hayagang itinanggi na ng Malakanyang, agad dininied ni Bunye ang isyu, dedma rin si Ermita, tumanggi ring aminin ni Jopet Albano, itinanggi na ng DBM, itinanggi na ng maraming kasapi ng ULAP. Pagtatawanan lamang n Malakanyang ang Senado at sasabihing “manigas kayo, kung gusto n'yo ipatawag n'yo at isubpena si Ate Glo?”
Naniniwala ang marami na ang panunuhol sa LGUs at Kongreso ay isang paraan daw upang masawata at ma-immunized si Ate Glo sa panibagong tangkang impeachment proceeding sa House, pangalawa; para sa agendang Cha Cha 2012 ng Malakanyang at panghuli, para sa pagpapatalsik kay Joe de Venecia bilang speaker sa Kongreso.
Anuman ang plano ng SENADO na busisiin ang naganap na panunuhol sa breakfast meeting sa Malakanyang, tulad sa kaso ng ZTE Broadband, hello Garci controversy, Fertilizer scam, PIATCO, kundi man mabigo, tiyak na mahihirapan ito at mas kapani-paniwalang mabubura lamang ito sa kasaysayan. Ang katawa-tawa, tulad ng Simbahan, hindi rin ligtas, vulnerable din sa suhol ang Supreme Court, ang Senado't Kongreso.
Ang pwedeng pag-aralan ng Senado ay ang pagbubuwag ng Discretionry Funds o pork barrel ng Malakanyang lalong-lalo na ni Ate Glo.
Doy Cinco / IPD
October 12, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment