Monday, June 18, 2007

Abalos, tiklop ang buntot sa mga Ampatuan

Matagal na nating sinasabi na untouchable ang mga Ampatuan sa Maguindanao. Kung anuman ang gustong gawin at gustong mangyari ng mga Ampatuan sa Maguindanao, ligal man o iligal, babuyin man ang batas o ang Constitution ng bansa, walang sinuman ang makakapigil, makakaporma't makakapalag. May pumuna bang awtoridad sa mahigit kumulang na 3,000 private army nito? PInakamlaking private army sa Asia.

Direkta ang linya o hotline ng mga Ampatuan sa Malakanyang at pamunuan ng AFP. Ganun ka-astig ang mga Ampatuan.


Mula ng ianunsyo ng mga Ampatuan na "nagkaroon ng halalan sa lalawigan" at naiproklama ang lahat ng local candidates sa probinsya, parang tutang binuhusan ng malamig na tubig at tumiklop ang buntot ni Abalos. Nagsirko ng 360 degrees si Abalos sa mga naunang posisyon at diklerasyon sa Maguindanao at sa itintakbo ng mga pangyayari, pupunta ito sa Maguindanao upang lumuhod sa mga siga-siga ng Maguindnao.

Ilang araw matapos ang halalan, matatandaang nagkomentaryo si Abalos na napaka-imposibleng mangyari (statiscally improbable) ang 12 – 0 Team Unity masaker sa Oposisyon sa senatoriable race sa Maguindanao. Himalang topnotcher si Chabit Singson at panglabindalwa lamang si Sultan Jamalul D Karim. Alam ng lahat at ng buong mundo at pinatunayan pa ng 'di mabilang na mga saksi na nagkaroon ng "moro-moro" na naman sa probinsya, ibig sabihin, ilang araw bago ang Mayo 14, tinapos at minanifacture na ang election, nafill-upan ang ER at canvass (COC) sa lahat ng antas (munisipyo at probinsya) at parang wala lang.

Lalong tumingkad ang kutub ng country na may katiwalian ngang nangyari sa probinsya ng magsimulang magsumahan na sa National Board of Canvassing (Comelec) sa PICC ang pagbibilang sa Maguindanao. Kumpirmadong binaboy nga ang halalan sa Maguindanao; Una, Sa tantyang malalagay sa alanganin, maiipit sa labanan ng mga naghahari, nagbitiw agad si Com Sarmiento na panghawakan ang Maguindanao. Pangalawa, ilang araw naghintay ang NBC sa PICC ang presensya ng Provincial at Municipal Board of Canvasser, walang nagsiputan, maging ang mga kailangang dokumento (COC), hindi raw makita at later on, “nawawala raw.” Pangatlo, dahil sa walang sumisipot at walang mga dokumento, nainis si Abalos at nagbitiw na ng paunang posisyon na “failure nga ang election” sa Maguindanao.

Walang pakirandam si Abalos. Hindi pa ba siya nakakahalatang ginagago na siya ng harapan at talikuran ng mga taga Maguindanao? Sa totoo lang, wala sa kanya ang command, wala sa kanya ang awtoridad at higit sa lahat, hindi siya kinikilala bilang puno ng Comelec at walang Comelec comelec, Namfrel, PPCRV, civil society sa lugar. Ang totoo, si Ampatuan at Ampatuan lamang ang masusunod at hari sa Maguindanao.

Pang-apat, Pinatawag ni Abalos ang mga local Comelec official ng Maguindanao upang magbigay ng paliwanag sa katiwalian, walang nagsiputan. Dinedma't binastos ang Comelec. Hanggang nagbantang ipaaresto niya ang mga ito, hindi natakot ang mga astig na “Garci Boys” ng Maguindanao. Panglima, kahit lantaran ng ginagago ang Comelec, patuloy ang panunuyo at paninikluhod nito na hanapin ang mga COC na nawawala.

Paulit-ulit na sinasabi ni Abalos sa mga kritiko't sa mga grupong election watchdog na, "patunayan ninyong may katiwalian at may moro-morong naganap na election sa Maguindanao?" Hindi pa ba obvious? Maliwanag pa sa sikat ng araw na tonetonelada, bode-bodega na nga ang dayaan, dami ng pinapatay, dinudukot na teacher. "Kung gusto niya ng pruweba't ebidensya, ang mga laman sa balota ang magpapatunay, bakit ayaw ni Abalos na pabuksan ang mga BALOTA," ang balikwas ng LENTE, ang mga election watchdog.

Mula sa matapang na diklerasyon ay parang pusang umamo si Abalos, pupuntahan na lamang ang Maguindanao at biglang kambiyo, “may election daw na naganap sa Maguindanao?” Ang lumalabas, parang ganito na ang sitwasyon ng Comelec, "kung ayaw ninyong hanapin, kami na ang maghahanap?" Saan ka ba naman nakakita sa planetang ito na kung baga sa isang korte, ikaw na ang maghahnap ng ebidensya ng katiwalian at hindi ang pinsususpetsahg salarin?


Dahil dito, hindi na nga daw ito magpapatawag ng “special election sa Maguindanao?” Bakit, dahil hindi payag si Ampatuan? Meaning, tuloy ang bilangan sa senatoriaable election sa Maguindanao.

KENKOYAN at garapalang gaguhan. Only in the Philippines. Advice natin kay Abalos, alang-alang sa karangalan ng kanyang pamilya't angkan, "magharikiri" na siya. Sa pagre-resign lamang tunay na mapaglilingkuran niya ang sambayanang Pilipino. Sa pagreresign ni Abalos at ng buong commissioner lamang tunay na maipapakita ang kabayanihan at pagpapanumbalik ng kredibilidad ng Comelec.

Doy Cinco / IPD
June 18, 2007

No comments: