Friday, June 22, 2007

KOTONGAN sa Kongreso, hindi na balita!

Hindi na balita ang kotongan sa Kongreso. Ang balita ay kung ganap na mawawala na ang kikilan, may accountability at responsable na ang Kongreso. Ang balita ay kung ang malaking bilang sa Tongreso ay nagsipagtino na't nalinis na sa mga katiwalian, sa sindikato at mapia, 'yan ang balita at headline. Kaya't 'wag ng magmang-maangan pa si Rolex Suplico, outgoing Congressman, nag-iisang oposisyon na kabilang sa 12 makapangyarihang Commission on Appointment sa Tongreso at nahalal bilang Bise Gobernador ng Iloilo.

Sadyang na-institusyunalisa na ng ilang dekada ang gawaing pangingikil, extortion o pangongotong sa Tongreso. Open secret, ika nga ng ilang insider sa loob, "ang lahat ng bagay ay may kapalit na kabayaran at halaga. Ang sinumang may gustong mapromote, maipwesto at makumpirma sa burukrsya, dadaan sa aming mga bulsa, 'yan ang batas at kalakaran."

Sa totoo lang, bumabawi lamang sa sobrang gastos ang mga Tongresman sa kampanya at pagmimintina ng kanilang constituencies. Sadyang magastos para sa isang Tongresman ang Kasal Binyag Libing, vote buying at pagmimintina ng command votes kaya't isa lamang ang extortion sa gawaing pangingikil ng mga kinatawan sa Kongreso. Kaya nga't isa yan sa mga dahilan kung bakit validictorian ang Pilipinas sa Asia sa pangungurakot.


Kung may KOTONG COPS sa lansangan, sa mga check points, may kotong kikil gang din sa Kongreso at buti pa ang KOTONG COPS, barya-barya lang kung mangikil sa mga cargo trucks, mga kargamentong gulay, pagkain at construction materials, sa mga bus, jeepney at taxi driver, sa Kongreso garapal, milyon-milyon ang exrortion at ang nakakatawa, mga government official, mga Generals sa AFP at PNP, mga Malakanyang pipol ang nabibiktima.

Maliban sa pambalanseng papel na "oversight power" sa hanay ng ehekutibo at mula't sapul ng ma-envision ang "kontra diktaduryang" konsepto nito noong maibagsak ang rehimen Marcos, mula sa hangaring maidemokratisa at check and balanse, naging pinakamakapangyarihang halimaw at dorobo ang Commission on Appointment (CA), naiba ang oryentasyon, nasalaula sa ilalim ng mga sumusunod na pangulo ng bansa.

Sinamantala ito ng mga TRAPO upang makapagkonsolida ng kapangyarihan politikal at makapagkamal ng salapi maliban sa pangraraket at pangingikil.
Naging lunsaran ito ng sari-saring pambla-bkack mail, political manuevering, turncoatism, pangungurakot at political transaction.

Upang makapasok sa CA, iba't-ibang modus operandi ang ginagamit na taktika ng mga pulitiko. Gagawa ng ilang drama't pagpapakitang gilas at kasipsipan, itataas ang ante at kunwari naghahabol at tatakbong speaker of the house, magtatayo ng bloke sa hanay hanggang mananakot na hihiwalay sa partido at mag-eexposay ng kung anu-ano. Layunin lang pala ng drama ay maisama sa komite (CA).

Parang mga asong ulol sakim sa buto, manyakis sa laman na pinag-aagawan ang Komisyon. Karaniwang malapit sa Malakanyang, mga nasa mayoryang partido ang may palagiang may kontrol sa CA.

Doy Cinco / IPD
June 22, 2007

No comments: