Tulad ng inaasahan, muling bubulabugin, gagahasain at sasalaulain ng Malakanyang ang Senado at itutulad ito sa Kongreso bago ang State of the Nation (SONA) sa July 23, 2007 ni Ate Glo at 2010 presidential election.
Sadyang napakahalaga para sa Malakanyang kung sino ang mapipiling Senate President at Speaker sa Lower House. Sapagkat dito nakasalalay ang political survival ni Ate Glo hanggang 2010 at dito rin nakasalalay ang mabilisang pagsasakatuparan ng kanyang iiwang "LEGACY" sa natitirang tatlong taong nalalabi sa kapangyarihan. Mawawalang parang bula ang adhikain ng Malakanyang kung ‘di kachokaran at kaututang dila ang titimon sa Senado at Kongreso.
Ayon kay Mang Pandoy, ang gapangan bago ang SONA sa July 23 at para sa 2010 ang balakid at huhubad sa katatagan ng Lehislatura, ang katangiang transactional (kamutan ng likod), padrino at TRAPO politics ng Senado't Kongreso. Para sa nakararaming Pinoy, ito ang status quo at hindi na kataka-taka. Ito ang walang dudang kakatay sa inaasahang kaunlaran at mga prioridad na panukalang batas na sesentro sa kabulukan ng sistemang politika at sistemang election na inaasam-asam ng mamamayang Pinoy na maidedeliver sa Senado at sa 14th Congress.
Ang sitwasyong paghahanda ng mga magpapanakbuhang presidentiable sa 2010, tulad ng mga maniubrahang pulitikal, ang mga pagkilos, ang lahat ng pagsisikap at tagumpay ay walang dudang mauuwi lamang sa maruming pulitika, nakadirekta’t maglilingkod sa 2010. Magbabago nga tayo ng mukha sa 2010 sublit nananatiling buluk at inaamag ang sistemang pulitika at halalan. Ang nakakapang- lupaypay, ang 2010 ay walang kinalaman sa kaunlaran at pakinabangan ni Mang Pandoy at mamamayang Pilipino. Nakailan palit na tayo ng presidente, ma pa-oposisyon at administrasyon, walang nababago at lalo lamang lumalala ang kalagayan ni Mang Pandoy.
Pagmasdan at bantayan ang mga galaw ng limang (5) pulitiko sa Senado na may utak 2010; si Sen Loren Legarda at Manny Villar na posibleng manukin ng alyansang Malakanyang at Danding Cojuangco, Sen Dick Gordon at Pampilo Lacson at si Mar Roxas ng Liberal Party ng faction Drilon. May nagsasabing Villar/Jinggoy (Preasident/Vice President) sa 2010, Mar Roxas/ Loren Legarda, Ping Lacson/Jojo Binay o ang NPC tandem na Loren Legarda/Chiz Escudero?
Ayon kay Senador Enrile, "perahan lang o proyekto lang ang katapat kung sino ang matutukoy na Senate President," Ayon naman sa mga manginginum sa tabi-tabi, tiyak na si Senador Villar bilang manok ng oposisyon at administrasyon. Sinugundahan pa ng isa pang galamay ng Administrasyon na si Sen Miriam Santiago na nagsabing hindi lamang sa "nagkakaperahan at may cashunduan" na sa mapipiliing Senate President maging sa mga matutukoy na itatalaga sa mga istratehiko't major Committee chairmanship sa senado.
Para kay Mang Pandoy na litong-lito na sa itinatakbo ng pulitika sa bansa, maliwanag pa sa sikat ng araw na oposisyon ang nanalo sa May 14 election, partidong Genuine Opposition ang nakasilat sa katatapos na election kung kaya't dapat mga oposisyong tunay ang may kontrol kung sino ang maitatalaga sa mga estratehikong committee chairmanship. Sa katunayan, habang nagdiriwang si Mang Pandoy, mga taga-Metro Manila, Luzon Visayas at Mindanao, dismayado't nalungkot si Ate Glo at muling kinastigo ang mga anim na propagandista ng Malakanyang, Evardone, Sec Puno, dalawang Gonzales, Ermita at si Bunye.
Ang tanong ni Mang Pandoy, sa kabila ng panalo ng oposisyon, bakit mukhang ang lumalabas na majority pa ata ng nanalo sa katatapos na election ay ADMINISTRASYON. Ayon kay Sen Enrile, isang maka-administrasyon, "mayroon na silang bilang na labing-apat (14) upang ipanalo ang kanilang manok at kunin ang mga major committees sa Senado."
Kung totoo ito, ano ang ibig sabihin nito? Nag-aala Tito Sotto na't Tessie Oreta na ba ang mga oposisyon sa Senado? Nagsirkuhan na, nanlambot na ng paninindigan, nagbaligtaran na’t nakatanggap na ba ang ilan sa kanila! Kung 'di tayo nagkakamali, lumalabas na zarzuela lang pala ang election at pinagloloko lamang tayo ng mga oposisyon? Nagkalimutan na ba sa mga campaign slogan noong nakaraang election, paano na ang mangyayari sa mga binitiwang mga plataporma, agenda at mensaheng masasarap pakinggan sa tainga, ang reporma sa pulitika at election, ang katiwalian, pangungurakot at ang “helo Garci” controversy.
Paano nangyari ang mga ganitong pangitain at kailan ito magwawakas? Ang alam ng marami, matagal na ang ganitong uri ng sirkuhan sa pulitika. Kung sa bagay, ganito kalupit, kaburikak at ka-oportunista ng pulitika sa Pilipinas. Kung sa bagay, maaring unawaing ni Mang Pandoy na "pragmatic" lamang mag-isip ang mga senador, walang parti-partido, walang ideolohiya at pawang may kanya-kanyang larong pulitikal.
Kung magkakaganito ang senaryo sa Senado, ang inaasahang papel nito bilang fiscalizer, ang mataas na kredibilidad at tinitingalang isa sa nalalabing institusyon 'di hawak ng palasyo ay ganap na bang maglalaho? Sa mga senador, para kay Mang Pandoy, lalabas na parang iisa na lamang ang maa-asahan, ang matibay, ang prinsipyado, ang consistent sa posisyon (bago ng kampanya, matapos ang proklamasyon at panunumpa) at paninindigan. Kaya lang, nanatiling nakabilanggo at mukhang magsesesyon sa selda, kinakastigong “galit daw sa mundo,” sinasabihang maghinay-hinay raw sa pananalita, binabalaang tupdin daw ang “Code of Ethics sa Senado kung sakaling nasa floor deliveration o mga sessions.”
Doy Cinco /IPD
June 30, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
1 comment:
It's interesting to see just how permeant memory has become in our every day lives. It's like everywhere I turn, I see something with a card slot or USB port . I guess it makes sense though, considering how much cheaper memory has become as of late...
Gahhhh, who am I to complain. I can't make it through a single day without my R4 / R4i!
(Submitted using Nintendo DS running [url=http://cryst4lxbands.blog.com/2010/01/31/will-the-r4-or-r4i-work/]R4i[/url] InterPost)
Post a Comment