Katatapos lang ang isang lokohan noong nakaraang election sa ARMM areas, ito na naman si Uncle Sam, nagbababala, nananakot muli, muling nanloloko at parang kinukundisyong muli ang isipan ng country na maghanda sa GERA at may napipintong parating na terror attack sa ARMM areas. Muling idadahilan ang gasgas na Jemaah Islamiya (JI) at Abu Sayaff group (ASG) na alam naman ng lahat na alaga, inorganisa at gawa-gawa lamang ni Uncle Sam kasabwat ang ilang tiwaling General sa AFP.
May nilulutong malakihang joint Balikatan war exercises na naman ang US at Philippine Army sa Jolo, Sulo kung saan matatagpuan ang balwarte ng MNLF's Ustadz Habier Malik at Abu Sayyaf group (ASG) ng Mindanao. Dahil sa 'war exercise' kaduda-duda ang tiempo ng nasabing “terror warnings” ni Uncle Sam.
Taung-taon, mayroong mahigit limang libong (5,000) tropang Amerikano at kulang-kulang sampung libong (10,000) tropa ng AFP ang kasalukuyang humihimpil at naka-deployed sa Jolo, Sulo at sa iba pang bahagi ng Muslim, Mindanao. Habang pakunwaring nagsasagawa ng humanitarian at civilian affair, patago itong nagsasagawa ng intellegence networks at suporta sa Tropa ng AFP laban sa grupo ng ASG at MNLF.
May kaugnayan daw sa grupong Al Qaeda ni Bin Laden ang grupong ASG at JI na itinuturing mga “terrorista” ni Ate Glo, AFP at US. Ang dalawa ang paborito, ang palagiang ginagamit na sangkalan at dahilan ng US at AFP upang magsagawa ng atake't kontra-terrorismo sa Mindanao.
Kulang na lang sabihing sila ang mga salarin sa pagdedelay ng election sa Maguindanao. Kulang na lang sabihing sila ang dahilan kung bakit naidiklarang “failure of election” ang probinsyang nasasakupan sa ARMM. Kulang na lang na ibintang at iugnay ang tatlo (MILF, MNLF, ASG-JI) sa private armies ni Ampatuan na ginamit sa pananakot, pambabastos at pandaraya nuong nakaraang election. Kulang na lang na sabihing sila'y kabilang sa mahigit isang daang private armies na patuloy na naghahasik ng lagim sa Mindanao at sa Pilipinas.
Kaya lang, ang nakakalungkot, ang lahat ng kaguluhan sa Mindanao ay palagiang ibinibintang sa tatlo, kahit batid ng populasyon, ng simbahan at ilang junior officers-AFP na ito'y kagagawan at bahagi ng raket ng AFP at US. Kung may PERA sa basura, may PERA rin sa GERA, lalo na't gawa-gawa lamang.
Sapagkat sila ang nagpopondo at may ugnay sa mga "terrorista (ASG-JI)," kay daling paniwalaang magkakatotoo nga ang mga “terror warnings” ng US, Australia at UK. Batid ng ilang Muslim scholars at intellectual sa Mindanao na pakana lamang ni Uncle Sam ang nasabing “terror warning” upang bigyang katwiran ang patuloy na pakiki-alam sa internal affairs at panghihimasok ng US sa Pilipinas.
Sa totoo lang, maliban sa economic interest, ang pagkakaroon ng GERA, ang gawing frontier ng US ang Mindanao sa kanyang "global war on Terrorism sa South East Asia" at gawing Afghanistan at Iraq ito, ang walang kaduda-dudang "interest at agenda" ng US sa Pilipinas.
May on going PEACE PROCESS na sa pagitan ng GRP, MNLF at MILF na sinusunod sa Mindanao at kung babastusin ito ni Uncle Sam at AFP, sila ang lumalabas na tutol at kontra sa kapayapaan. Para sa mamamayang Moro, hindi ASG at JI ang tunay na problema ng Mindanao bagkus ang pangungurakot, ang katiwalian, ang warlordismo't sangkatutak na PRIVATE ARMIES ng mga pulitiko. Ang mga private armies na itinuturing mga CRIMINAL ELEMENTS ang siyang pangunahing naghahasik ng terrorismo sa Mindanao.
Maliban sa isyu ng "self-determination-self rule" ng mga kapatid nating Muslim, ang bad governance at paghahari ng malalaking Political Clan-Feudal lord ang isa sa problema't nagpapahirap sa Mindanao. Ito ang bumaboy sa tunay na diwa't prinsipyo ng "Awtonomiya" ng muslim Mindanao (ARMM) na inagaw ng mga Ampatuan sa MNLF at MILF.
Kung tutulong ang US Army at AFP sa paglalansag at pagsasawata ng private armies ni Ampatuan (isa sa pinakamalaking private army sa ASIA), baka matuwa't saluduhan pa sila ng mamamayang Muslim. Kung tutulong ang US upang hikayating ubusin pa ang mahigit isang-daang mga private armies na naglipana sa Mindanao at buong bansa, baka idemand ng mga tao na ibalik na ang US bases sa Pilipinas? Alam ng mga taga-Mindanao kung sino ang tunay na terorista sa Mindanao, ang Malakanyang, ang katiwalian at pangungurakot ng mga galamay nila sa ARMM.
Doy Cinco / IPD
June 5, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment