Kamakailan lamang, “muling nag-alok” ang US sa pamamagitan ng kanyang militaristang Commanding General ng US Pacific Command na si US Admiral Timothy Keating na “handa raw itong tumulong o pumapel sa anti-insurgency campaign ng gubyerno ni Ate Glo.” Balita pa ba ito, ano ang bago sa balita?
Ang alam ni Mang Pandoy matagal nang nakiki-alam sa panloob na usapin ang Bush-US government sa Pilipinas. Deka-dekdang involve ang US government na sa kampanyang anti-insureksyon o sa bagong tipo ng kampanyang “Global War on Terrorism sa Pilipinas.” Kailangan pa bang imemorized 'yan? Nabigyang katwiran o nagpatibay ito sa pamamagitan ng sangkatutak na mga Tratadong pang militar at pang-ekonomya mula pa noong (matapos ang World War II) hanggang sa kasalukuyan, kaya't ang tatak ng pagiging kolonya at makabagong kolonya ng Pilipinas ay 'di mawala-wala sa isipan ng ating kababayan at ng buong mundo. Ito ang mapait at hindi pantay na relasyong busabos at panginoon sa pagitan ng Pilipinas at bansang Amerika.
Hindi mabubura sa ala-ala ng mga Pilipino ang karumal-dumal na okupasyon, panloloob at panlilinlang ng Gubyernong US sa Pilipinas, ang Philippine – American War, may isang siglo na ang nakalipas. Ang unang Vietnam War ng mundo, ang isinagawang “search and destroy operation sa Pilipinas, bata, matanda, babae o lalaki, lahat ng pang-ekonomyang pag-aari ang winasak at pinagsusunog ng US forces. Hanggang sa kasalukuyan, kahit sinasabing inalis na ang dalawang malalaking Base Militar ng US, nanatili't garapalang tumutulong at patagong nakiki-alam ang US mula sa panahon ni Quirino, Magsaysay, Marcos hanggang sa panahon ni Ate Glo.
Kaya lang, mukhang sinopla ng mga militaristang General ng AFP ang yabang alok ng US at sinabing “kahit walang tulong, kaya nilang talunin ang insureksyon at rebelyon ng mga komunista at sesesyunistang grupo sa bansa.” Mas mayabang, mas siga't maton pa kaysa kay Uncle Sam ang mga General sa 'Pinas. Alalahaning walang positibong nangyari sa kampanya ng AFP sa mahigit tatlong dekada ng insureksyon sa Pilipinas at ito na ang isa sa may pinakamatagal na armadong pakikibakang patuloy na nag-eexist sa mundo.
Paano tuturuan ng US sa counter-insurgency ang AFP kung ang mismong problemang insureksyon at panloloob nito Iraq, Afghanistan at ang kahihiyang kinahinatnan ng bantog na "Black Hawk Down" sa Somalia ay talunan sila, kung ang pakay lang ng US ay magpromote ng makabagong teknolohiya, high tech na hardware na pandigma't pamatay sa tao at maibenta sa merkado?
Ayon sa mga beteranong strategist at tacticians sa digmaan, "wala na sa makabagong teknolohiya ng pakikidigma, lalo na sa guerilla warfare ang susi sa ikatatagumpay ng mga digmaan, ang POLITICAL SOLUTION, pag-agaw sa simpatya, sa puso't pananaw ng tao ang susi sa mga labanan." Matapos tanggapin ang pagkatalo sa Vietnam may tatlong dekada na ang nakalipas, nawalan na ito respeto ng mundo, nawalan na ito ng moral ascendancy at mukhang ihaharap sa mundo.
Masyadong garapal ang karanasan sa Irag kung saan nagawa nitong pinagloloko hindi lang ang mamamayang Amerikano, ang United Nation at mamamayang ng mundo. Na kesyo may “weapon of mass destruction si Sadam Husein,” na makatarungan lamang na looban siya at sa mahigit dalawang taon na paghahanap, kahit na katiting na ebidensyang walang nakita. Alam ng mundo na ang PAGNANAKAW ng LANGIS o ang imperyalistang paghahangad ng sabwatang US at Britanya ang tunay na pakay at hindi ang terorismo.
Tulad nung nangyari sa Samar, Mindanao at Luzon may isang siglo na ang nakalilipas, dumanas ng malulupit na genocide at masaker ang mamayang Vietnamese, Iraqi at Afghan sa mga tropang Amerikano at kung muling uulitin ng US ang panloloob sa Pilipinas, walang dudang muling mapapahiya ito sa mundo.
Doy Cinco / IPD
June 29, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment