Monday, June 11, 2007

Kasal, Binyag, Libing (KBL) at TRAPO-command votes na mga Kinatawan sa 13th at 14th Congress

Tulad ng kanilang propaganda, “ang paglilingkod at pagsisilbe sa mamamayan ang aking naisin sa pulitika,” isang malaking kagaguhan, kalokohan at kasinungalingan.

Maliban sa Malakanyang na kampon ng mga makasalanan, kung may buto sa gulugud maaring magpatawag ito ng "special session," ang problema, tulad ng matagal na nating ina-advocate, TRAPO politics at kabulukan ng pulitika ang pangunahing salarin sa kabalbalang ito.

Ang isang pagpapatunay at pruweba ay ang batas na kinatay at inilibing ng mga tarantadong pulitiko sa Kongreso, ang
"MURAng gamot PARA SA MAMAMAYAN, na kung saan ang mayaman at mahirap sana ay parehong makikinabang. Isa ring krimen ay ang pagpapabaya ng kalidad ng ating edukasyon. Imbis ma-agapayan at suportahan ang pangunahin at premiere University ng ating bansa na patuloy na sinasalanta ng kakapusan sa pondo, kalidad ng education. Panghuli, imbis na tapusin at matuldukan na ang yugto ng masalimuot na kasaysayang dinanas ng ating bansa, ang pagmamalupit ng DIKTADURYA at ang compensation sana sa lahat ng biktima ng kalupitan, ang pagkakaperahan sa PAGCOR, ang walang katapusang pangongotong SUGAL, ang bayad utang at payola ang inatupag ng ating mga kinatawan sa Tongreso."

Inaasahan na natin na magiging ganito kademonyo ang mayoryang Kinatawan sa Kongreso. Kumpirmado ang kanilang kagahaman at pangungurakot na track record sa country. Mulat sapul na mailukluk ang mga pulitikong angkang-TRAPONG ito, wala na itong ginawang kabutihan sa bansa kundi ang magpasasa sa salapi.

Ang katawa-tawa, sila ang ipinagmamalaki ng Malakanyang na pag-asa raw ng bayan. Sila ang mga political base ng MALAKANYANG upang maisalba raw ang Pilipinas, sila ang mga itinuring
local machinery ng Malakanyang, ang Partidong LAKAS-CMD, KAMPI, NPC, kabilang sa LP-Atienza wings at ilang oposisyong oportunista. Sila ang mga KASAL, BINYAG at Libing (KBL), kurakot, PATRON at mga salot ng bayan. Sa totoo lang, ang mga gambling lord, drug lord, warlord at Malakanyang lord ang tunay na naglagay sa kanila sa pwesto sa Kongreso. Sila ang tunay na pinagsisilbihan at pinaglilingkuran ng kasalukuyang mga kinatawan sa Tongreso.

Bayad utang ang tunay na trabaho ng ating mga KAWATAN sa TONGRESO. Wala silang intensyong paunlarin ang country at mabigyang hustisya ang mga biktima ng kalupitan ng diktadura. Kung sa bagay, dahil mga demonyo ang nag naglukluk sa kanila, demonyo rin ang kanilang pinaglilingkuran. Nailukluk sila ng MAKINARYA, command votes-VOTE BUYING, PADRINO, political clan at pananakot.

Walang dudang matutuwa ang mamamayan kung saka-sakaling mabubuwag ang Kongreso
(House of Representative) sa Pilipinas. Kung 'di man, ang isang paraan ay kung paano masasawata ang political at social base ng TRAPO sa Kongreso?

Ilan sa mga mungkahi ay
ang pagbabago't reporma sa pulitika at election. Imbis sa antas distrito o sa botanteng may 250,000 ang kinakatawan at nasasakupan ng isang District Representative, ITAAS ang mga ito sa ANTAS REHIYON, habang kasabay na pinalalakas ang Partido at nireregulate ang campaign finance ng mga kandido.

Halimbawa na lamang ang kaso ni Cong Joe de Venecia (Lakas-Nucd) sa Ika-apat (4rt) na Distrito ng Pangasinan, Villafuerte (Kampi) ng Ikalawang (2nd) distrito ng Camarines Sur, Victor Ortega (Lakas-Nucd) ng Unang Distrito ng La Union at Simeon Datumanong ng Lone District ng Maguindanao, ang apat na Tongresmang ito ay panigurong hindi makakalusot sa magic 12 sa Senado (Nasyunal), pero dahil sa political clan-dinastiya at malalim na naipatagos nito ang sistemang Padrino, Kasal Binyag at Libing (KBL) at vote buying sa isang maliit na KAHARIAN, hindi sila matalo-talo sa antas distrito.


Isang rehiyong may mahigit kumulang na limang milyong botante (5.0 milyon) ang maghuhusga sa ihahalal na mga Kinatawan sa Kongreso. Lubhang kailangang palakasin ang political party sa bansa. Ang partido na may malinaw na Plataporma de Gubyerno ang kakatawan at hindi ang isang pulitiko, angkan at indidibwal. Tulad sa antas at sistema sa Senado (national), mas malaki ang sakop, mas mainam na mahihirapang makalusot ang mga TRAPO sa politika at mas tumitingkad ang usapin ng isyu, ang mensahe at plataporma de gubyerno.


Ang PROPORTIONAL REPRESENTATION at pagpapalakas ng POLITICAL PARTY ang unti-unting gigiba at sasawata sa political clan, dinastiya, personalidad at TRAPO politics. Ang pagbabagong ito, hindi ang modernization at computerization ng pagbibilang (kurakot at pagkakaperahan lamang) ang wastong paraan upang mapatino ang ating pulitika at lubhang makatulong sa political maturity ng bansa.
Kaya lang sa pagtukoy ng House Speakership at Senate President na lamang, mukhang nanunumbalik muli ang pulitikahan.

Nakakalungkot isipin na sa kabila ng sariwa pa sa isip ng country ang kabulukan ng sistemang pulitika, election at Comelec, mukhang wala sa priority list ng Senado (Loren Legarda, Dick Gordon, Angara, LP at iba pa) at Kongreso ang isyung ito. Mukhang ang patayan, ang sobrang gastos sa kampanya-vote buying, dayaan, dinastiya, warlordismo at samut-saring problemang kinahinatnan ng country sa katatapos na May midterm election, ang 2004 presidential election, 1998 at 2001 election ay walang dudang MAUULIT muli sa 2010 Presidential election.

Mauuwi na naman tayo sa pamumulitika at dahil sa preperasyon at gapangan sa lintek na 2010 Presidential election, mukhang wala tayong maaasahang repormang pulitikal at eleksyon sa 14th Congress.

Doy Cinco / IPD
June 12, 2007

No comments: